Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Enero, 2020

Akala nila'y balisawsaw ako sa taglagas

akala nila'y balisawsaw ako sa taglagas na sa panahong ligalig ay laging minamanas na pawang karalitaan na itong namamalas na alon sa dalampasigan yaong humahampas akala nila'y balisalang ako sa tag-init na bumabait pag nakita'y mutyang anong rikit subalit tinitiis ko lang ang mga pasakit upang sa gatilyo daliri'y di na kumalabit akala nila'y balisuso ako ng balita na batid ko na kung kailan daratal ang sigwa ang nguso ko'y nangungudngod na sa pagdaralita subalit sa postura ko'y di ito mahalata akala nila'y malinaw pa itong balintataw na lagim at lamig ng kahapon ay pumupusyaw na kaya pang ilagan ang nakaambang balaraw habang kinakatha ang isang magandang talindaw - gregbituinjr.

Dapat ding kumayod upang may pambili ng bigas

di sapat ang maglaba at magluto sa umaga dapat ding kumayod upang may pambili ng bigas di na sasapat na kay misis laging nakaasa dapat na ring may pambili ka ng panggatong o gas pagtulong sa bahay ay parang panakip-butas lang dahil sa panggastos sa pamilya'y walang magawa sa anumang lusak man akin silang igagapang magsisipag upang itago ang pagdaralita ngunit maraming umuugit na tanong sa isip: sa kapitalista ba'y dapat nang magpaalipin? sa mga trapo ba'y dapat na rin akong sumipsip? sa gobyerno ba ako'y magiging alilang kanin? saan na kukunin ang pambili ng malalamon? pambayad ng upa sa bahay tubig, kuryente, load? anong payo sa karukhaang dinaranas ngayon? para bang sa bahang hanggang tuhod ay nalulunod? - gregbituinjr.

Ayos lang magpalitrato kahit tatlo

Imahe
AYOS LANG MAGPALITRATO KAHIT TATLO bakit sinuswerte ang mga trio sa litrato may nakikita ba kayong kakaiba sa tatlo? gayong nakakapagpaligaya sila ng tao wala bang masama kung tatlo sila sa litrato? marami kasing pag tatlo ay ayaw magpakodak malas daw, baka isa sa kanila'y mapahamak partner daw ang dalawa o apat, parang iindak ang ikatlong walang partner ba'y gagapang sa lusak? walang patunay sa ganyang lintik na pamahiin maraming sikat na trio nga'y naririyan pa rin silang tatlo ang partner, tatlong magkapalad man din maraming tatlong nagpalitrato'y ating banggitin: Barry, Robin at Maurice Gibb ng Bee Gees ay sikat na dahil sa kanilang nakapagpapasayang kanta Tito, Vic, and Joey ng Eat Bulaga'y nariyan pa The Three Stooges: Curly, Larry and Moe ng komedya nariyan din ang sikat na Apo Hiking Society ang grupo ng mang-aawit na Peter, Paul and Mary sikat silang tatluhan, walang trahedyang nangyari kaya ayos lang magpalitrato, tatlo man ini s...

Sabik na akong makita ang mga kalapati

sabik na akong makita ang mga kalapati na dapat lumaya sa hawlang lungkot ang sakbibi dapat ilipad ang pakpak sa araw man o gabi pagkat sila'y di dapat sa hawla na'y nabibigti kalapati'y sagisag ng isang malayang ibon tulad din ng taong di dapat alipin sa mansyon malayang gumawa't makahanap ng malalamon malayang mag-isip, sa hawla'y di nagpapakahon kalapati nawa'y makalipad sa himpapawid at mga tali sa paa'y tuluyan nang mapatid dapat ay malalaya na silang magkakapatid pagkat sa kapayapaan sila ang tagahatid o, mga kalapati, patuloy kayong lumipad kung may natatanaw kayong sa digmaan sumadsad dalhin sa tao ang kapayapaang hinahangad at kasakiman sa puso'y durugin at ilantad - gregbituinjr.

Ngayon ba'y kailangan na rin nating mangamuhan

ngayon ba'y kailangan na rin nating mangamuhan upang may mailagay tayo sa hapag kainan? ang pagpapaalipin ba natin ay kailangan upang nagugutom na pamilya'y kumain naman? ang buod ba ng buhay ay magkaroon ng pera? kayod ng kayod upang magkapera ang pamilya? umiikot ba itong buhay upang magkapera? upang magkaroon lagi ng panggastos tuwina? tibak na sa kapitalista'y magpapaalipin? masisikmura nyo bang ang ganito'y aking gawin? sa pakikibaka'y isa ba akong palamunin? dapat kumayod upang sa pamilya'y may gastusin? di ko na alam kung anong maaasahang tulong pag si misis na'y nakamurot, ang mukha'y linggatong patigasan na lang ng mukha kung paano susulong maglulupa pa ba kahit abutin ng bulutong? - gregbituinjr.

Ang ulan at araw sa awitin ng Bee Gees at Asin

Imahe
ANG ULAN AT ARAW SA AWITIN NG BEE GEES AT ASIN Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Matalinghaga pag ginagamit sa awitin ang ulan at araw. Tulad ng pagtukoy sa ulan at araw sa awiting "How can you mend a broken heart" ng Bee Gees at sa awiting "Sayang ka" ng Asin. Hindi pangkalikasan ang paksa ng kanilang awitin, subalit ginamit nila ito upang magbigay ng kahulugan sa ating buhay.  Ang nasabing awitin ng Bee Gees ay tumutukoy kung paano mo nga ba bubuuin ang isang pag-ibig na nalamatan na. May magagawa pa ba upang mabuo muli ang nadurog na damdamin? May pag-asa pa, lalo na't matapos ang matinding ulan ay sumisikat ang araw na nagbibigay ng panibagong buhay. Subalit nabanggit ng ulan at araw sa ilang bahagi ng awit. Tinukoy naman sa awitin ng Asin na sayang tayo kung hindi natin ginagamit ang ating mga natutunan para sa ikabubuti ng ating sarili, ng ating kapwa, at ng sambayanan. Huwag nating sayangin ang mga talino nating angkin kundi g...

Dapat climate resilient ang On-Site, In-City or Near-City Resettlement Bill

Imahe
DAPAT CLIMATE RESILIENT ANG ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY RESETTLEMENT BILL Maikling sanaysay at saliksik ni Greg Bituin Jr. May mga nakasalang na panukalang batas sa Senado at Kongreso hinggil sa relokasyon ng mga maralita na on-site (ang relokasyon ay sa mismong kinatitirikan ng kanilang tahanan), in-city (ang relokasyon ay sa loob lang ng lungsod kung saan sila naroon) or near-city (sa pook na katabi ng kinapapaloobang lungsod). May Senate Bill si Senadora Grace Poe (SBN 582) at Senadora Risa Hontiveros (SBN 167). Mayroong katumbas na panukalang batas sa Kongreso sina Rep. Kiko Benitez (HB00042), Kit Belmonte (HB00156), Alfred Vargas (HB00236), Yul Servo (HB03227), Francis Abaya (HB04245), at Rufus Rodriguez (HB02564). Sa ating Saligang Batas ay nakasaad sa Seksyon 9 at 10 ng Artikulo XIII ang karapatan sa pabahay. Dahil dito'y naisabatas ang Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA). Subalit makalipas ang halos tatlong dekada, hindi pa rin ganap na ...

Kaysipag ngunit walang-wala

paano ba kita bubuhayin kung walang panggastos walang pambili ng bigas, wala akong panustos kaysipag makibaka laban sa pambubusabos ngunit gusgusing tibak pa rin ang tulad kong kapos masipag naman, walang sahod, walang kinikita subalit laging umaasa sa bigay ng iba kaysipag kumilos upang palitan ang sistema ngunit dukhang tibak pa ring walang wala talaga walang sinasahod at di makabili ng bigas subalit nangangarap pa ring may lipunang patas kaysipag mag-organisa, pantalon man ay kupas tanging samahan ang sa puso'y nagbibigay lakas sumumpang maging simple ang pamumuhay sa mundo makibaka't organisahin ang uring obrero kaysipag lumaban para sa inangking prinsipyo ngunit kakamtin pa kaya ang pangarap na ito - gregbituinjr.

Ang PILOKES

Imahe
ANG PILOKES mga punda pala ng unan ang lalabhan niya kaya mga PILOKES ay sa akin pinakuha ano kaya iyon, at kinuha niya ang punda sinabihan akong tanggalin sa unan ang iba PILOKES pala'y ibang tawag sa PUNDA ng unan PUNDA'y di niya masabi kaya PILOKES na lang putragis, at pilokes lang pala ang pundang iyan mahilig kasing magsalita ng wikang dayuhan akala ko'y sakit tulad ng sipilis o galis pilokes ba'y tigitig, o sa mukha'y may piligis tuberkulosis, leptospirosis, ngayon pilokes iyon pala'y mahilig lang magsalita ng Ingles punda lang, punda, pilokes na ang tinawag dito Pinay naman, di masabi ang wikang Filipino kaytagal na sa bansa, pilokes lang pala ito ngayon, alam ko na, di nila ako maloloko - gregbituinjr.

Nais ba ng durugista ang maging durugista?

nais ba ng durugista ang maging durugista? ngunit bakit ba sila tinawag na durugista? dahil ba dinudurog nila ang mga tableta? ihahalo ito sa tubig at iinumin na? naging palasak na tawag ito sa mga adik tableta kasi noon, ngayon bato'y pinipikpik tapos ay sasamahan pa ng tubong pinipitik sisinghutin ang animo'y nasusunog na putik subalit nais ba ng durugistang maging gayon? o natulak lang sila rito ng pagkakataon? o may problemang sa putik siya ibinabaon? at may kaibigang nagpayong malilimot iyon! magdroga, minsan lang, upang problema'y malimutan sa dami ng problema, nagtagal, ay nagustuhan hanggang maging sugapa sa droga sa kalaunan tulad niya'y maysakit na, na dapat malunasan - gregbituinjr.

Dumudungis ang apog sa mukha ng pulitiko

D umudungis ang apog sa mukha ng pulitiko U miinom naman ng alak ang tambay sa kanto R umaragasa naman ang mga adik sa bisyo U muga sa bayan ang tokhang, dugo, bala't basyo! G igising kaya ang bayan sa kamaliang ito I tinumba, walang paglilitis, walang proseso S alvage agad, patakaran nilang di makatao T okhang pa'y dumarami't sumasabog sa puso mo! A nong dapat gawin upang mapigil ang ganito S akit sa kalusugan ang drogang naaabuso A t di krimeng agad papaslangin agad ang tao G ayong wala silang karapatang gagawin ito! I sipin mo, nagdodroga'y maysakit, kapwa tao P agamutan siya dalhin, at di sa sementeryo I ntindihing dapat siyang magamot nang totoo N ang problema ng tulad niya'y malutas na rito. - gregbituinjr .

Ang Pagso-solvent

Imahe
may nagso-solvent upang gutom ay di maramdaman na pinamamanhid ang tiyan nilang walang laman anong gagawin upang malutas ang kahirapan nang di solvent ang solusyon sa gutom nilang tiyan maraming kabataang ganito ang naging bisyo mura kasi, kasama ang paint thinner, rugby at glu madaling bilhin, gamit sa bahay, naaabuso sinisinghot, pinamamanhid ang kalamnan, ulo bakit sa gutom ay ito ang nakitang solusyon? bakit sa kagutuman ang buhay nila'y nabaon? hanggang sa lumaon, sila sa droga na'y nagumon sila na ba'y maysakit kaya droga ang nilulon? ang mga ito'y katanungang dapat bigyang pansin mga dukhang kababayan ay dapat unawain ang karukhaang ito'y usaping dapat lutasin nang di solvent ang tikman kundi totoong pagkain tanong ko: solve na ba sila pag naka-solvent sila? mungkahi kong lipunang ito'y pag-aralan nila bakit may gutom habang nagpapasasa ang iba? at paano kakamtin ang panlipunang hustisya? - gregbituinjr.

Adik sa droga versus adik sa dugo

Imahe
"Adik naman iyon. Dapat lang patayin!" anila ngunit tama ba ang palagay na iyon, tama ba? subalit kayrami nang natokhang, ah, kayrami na! anong dapat upang tokhang ay mawala talaga? adik sa droga'y pinapaslang ng adik sa dugo mga sugapa sa droga'y nais nilang maglaho adik ay sinasagupa nang umano'y masugpo ang ilegal na drogang negosyo ng tusong tuko dapat ba silang agad paslangin, walang proseso? walang paglilitis, maglalamay na lang ba tayo? sa nangyaring pagtokhang, sinong mananagot dito? nang di na maganap ang tokhang na krimen sa tao pagkagumon sa droga'y sakit na dapat gamutin kaya bakit pagpaslang ang nakagawiang gawin? subalit paano ba dapat ang wastong pagtingin? upang karapatang pantao'y talagang galangin kapitalista ng droga'y paano mapipigil? sa negosyo nilang sa mga dukha'y kumikitil mga adik sa dugo'y paano ba mapipigil? upang panonokhang sa kapwa'y tuluyang matigil - gregbituinjr.

Aba'y mag-inom ka na lang kaysa magpatiwakal

Imahe
aanhin mo ang lubid, aanhin mo iyang punyal? sagot mo: "Nais kong mamatay! Iniwan ng mahal!" sapupo mo ang dibdib sabay ang iyong atungal aba'y mag-inom ka na lang kaysa magpatiwakal! kayraming babae, ngunit sa pag-ibig ay hangal isipin mo, magkano na ang presyo ng ataul magkano ang alak, serbesa, gin, o emperador mag-inom ka't kaunting pera lang ang magugugol kaysa abuluyan ka sa pagkamatay mo, Tukmol manligaw muli't baka sa iyo na'y may pumatol huwag magpatiwakal, may kinabukasan ka pa may solusyon bawat problema, sa puso't sa bulsa balang araw ay magkakaroon ka rin ng sinta palipasin muna ang sakit, tumagay ka muna lalo't sa inuman, aba'y aalalayan kita ibulalas mo sa akin anuman ang naganap nang matanggal sa puso'y tinik na nagpapahirap harapin mo ang buhay nang may bago nang pangarap sa ngayon lang naman ang pag-ibig ay anong ilap balang araw, may bagong sinta ka ring mahahanap - gregbituinjr.

Aking iaalay ang buhay ko't dugo

aking iaalay ang buhay ko't dugo para sa bayan ko nang ito'y mahango sa sanlaksang hirap at mga siphayo sa danas na dusa't pangakong pinako ito'y panata kong marapat na tupdin ang gawa'y marangal, magandang layunin pinsipyong niyakap, mga simulain kikilos, gagawin itong adhikain tara, makiisa sa pakikibaka at organisahin ang obrero't masa babaguhin itong bulok na sistema at tahakin natin ang bagong umaga ang ugat ng hirap ay dapat malupig dahilan ng dusa'y dapat ding mausig halina't sumama kung iyong narinig ang mga hinaing ng dalitang tinig - gregbituinjr.

Manliligaw ni Medusa

kaygandang mukha ng isang dalaga tila baga siya'y isang diyosa na sasambahin sa tuwi-tuwina kayrikit din ng kanyang mga mata at Medusa raw ang kanyang pangalan haranahin ko kaya sa tahanan kay-amo ng mata pag nasulyapan tila nangungusap ang matang iyan ano itong ibinulong sa akin nitong isang nais siyang maangkin karibal ba siyang dapat lupigin o kaibigang dapat unawain anong ganda ng mata ni Medusa talagang ikaw ay mahahalina huwag mo lang daw katitigan siya at baka ikaw ay maging bato pa - gregbituinjr.

Pagkaing masustansya sa mga nasalanta

Imahe
pagkaing masustansya tulad ng sariwang gulay ang sa evacuation centers ay ating ibigay masusustansyang pagkain ay kailangang tunay sa mga nasalantang sakbibi ng dusa't lumbay sa mga sentrong ebakwasyon, may nagkakasakit kulang ng tubig, pagkain, sitwasyo'y anong lupit salamat na lang may mga magsasaka ng Benguet ang nagbigay ng libreng gulay sa maraming bakwit ang bulkang Taal ay patuloy pa man sa pagbuga ay magtulong-tulong para sa mga nasalanta salamat na rin sa mga nagbigay ng delata ngunit huwag sanang sa delata sila'y mapurga walang nais na kalamidad na ito'y sapitin kaya sinuman ang nasalanta'y dapat sagipin sila'y kababayan din natin at kapwa tao rin na sa panahon ng ligalig ay tulungan natin - gregbituinjr.

Alam natin paanong magsikap at magtiyaga

alam natin paanong magsikap at magtiyaga upang ating pamilya'y di magutom at lumuha samantalang yaong iilan ay nagpapasasa sa yamang nilikha ng kayraming lakas-paggawa nagsisipag upang makakuha lamang ng sapat nagtiyaga di upang kapitalista'y bumundat nagsisikap di para sa tubo ng sinong lekat tamang sahod katumbas ng lakas-paggawa dapat sa aking isip ay may ilan lang na katanungan bakit malalaya ang mga walang pakialam at ikinukulong ang mga marunong lumaban bakit laksa'y naghihirap, may mayamang iilan pag-aralan ang lipunan, bakit may naghahari bakit ang namumuno'y elitista, hari't pari? bakit patuloy ang tunggalian ng mga uri? bakit misyon ng manggagawa'y dapat ipagwagi? pagsikapan nating ang lipunang ito'y mabago kung saan ito'y pangungunahan ng uring obrero dapat di na umiral pa itong kapitalismo na sistema nitong mapagsamantala't barbaro - gregbituinjr.

Katanungan sa Kamayan Forum

Paano ba alagaan si Inang Kalikasan? Dito sa Kamayan Forum ay aking katanungan Nang daigdig ay di maging malaking basurahan Nang di masira ang ating nag-iisang tahanan. Nag-iba na ang panahon, nagbabago ang klima Kinakalbo ang bundok, patuloy ang pagmimina Kinakain ng isda ang plastik na naglipana Nagtampisaw ka na rin ba sa dagat ng basura. Di mo ba alam na puso ng mundo'y pumipintig Tinapunan na ng plastik at upos ang daigdig Hahayaan bang plastik ang sa bayan na'y lumupig At wasak na kalikasan ang sa budhi'y umusig. Sa problema ng kalikasan, anong dapat gawin? Ugaling mapag-aksaya'y kailan babaguhin? Si Inang Kalikasan ba'y paano mamahalin Nang kinabukasan ng mundo'y tuluyang sagipin. - gregbituinjr. * nilikha at binigkas ng makata ang tula sa Kamayan para sa Kalikasan Forum, Enero 17, 2019, Kamayan Restaurant, West Avenue, Lungsod Quezon

Di na ako mag-uulam ng manok

di na ako nag-uulam ng manok, mahirap na pagkat matinding highblood ang epekto sa tuwina tila ba kung may anong sa manok ay itinurok upang mapabilis ang laki't kilos ng manok kaya marahil tumataas na ang aking dugo pag kumain ng manok, ang sigla ko'y naglalaho kaya dapat ingatan ang puso, diwa't kalamnan dapat laging malusog nang tumagal pa sa laban dahil dapat gampanan ang sinumpaang tungkulin para sa bayan, sa manggagawa, sa adhikain di na laging magkakarne, kundi mag-vegetarian kahit sa kalagayang dapat maging badyetarian mahal na ang presyo ng manok, dapat nang mag-badyet upang matiyak nating di tayo magkakasakit - gregbituinjr.

Di ko hahayaang mamatay sa pakikibaka

di ko hahayaang mamatay sa pakikibaka nang di inaayos ang taktika't estratehiya ayokong nakatunganga lang habang may problema dapat makiisang lagi sa laban sa kalsada di ko hahayaang mabuhay sa gutom at hirap ang sawimpalad na gaya kong laging nagsisikap lalabanan natin ang mapang-api't mapagpanggap itatayo ang makataong lipunang pangarap di ko hahayaang basta paslangin ang kung sino dapat laging igalang ang karapatang pantao dapat may panlipunang hustisya't wastong proseso magkaisa upang lahat ay nagpapakatao di ko hahayaang mamatay na nakatunganga dapat kaya nating harapin ang anumang sigwa dapat nating itayo ang hukbong mapagpalaya at dapat maorganisa ang uring manggagawa - gregbituinjr.

Kung ako'y isang taong nabiyayaan ng pakpak

kung ako'y isang taong nabiyayaan ng pakpak dulo ng mundo'y liliparin kong pumapagagpak di ko hahayaang ang masa'y basta mapahamak dahil bulok na sistema'y parating nagnaknak kung ako'y isang taong nabiyayaan ng madyik pababaitin ko ang sa kapwa'y naging suwitik magagandang pamayanan ang aking ititirik para sa mga batang sa pagmamahal ay sabik kung ako'y isang taong may malakas na kamao bawat laban sa boksing ay aking ipapanalo ang anumang aking kinita'y hahatiing wasto kalahati'y pamilya, kalahati'y balato ko kung ako'y isang taong nabiyayaan ng aklat babasahin ko agad ito't nang ako'y mamulat bakasakaling narito ang palad na kikindat kaya pagbubutihan ko ang aking pagsusulat - gregbituinjr.

Salitang ugat at panlapi

Imahe
SALITANG UGAT AT PANLAPI tula ni Gregorio V. Bituin Jr. huwad nga ba ang huwaran at ulid ang uliran? ano nga bang salitang ugat ng mga pangngalan? bulo ba sa kabuluhan, tarong sa katarungan? tuto sa katuturan, bihasa sa kabihasnan? ang salitang ugat ay salitang buo ang kilos tulad ng gayat, ihaw, luto, inin, kain, ubos ang wikang Filipino kung aaralin nang lubos ito'y madaling unawain, maganda't maayos ang salita'y binubuo ng ugat at panlapi kinakabit sa unahan ng salita'y unlapi at pag kinabit sa gitna ng salita'y gitlapi at pag nasa dulo naman ng salita'y hulapi iyo bang napupuna sa mga usapan natin nagbago ang kahulugan pag panlapi'y gamitin sa salitang ugat, kaya ito'y iyong alamin magkaiba ang kakain, kumain at kainin salitang ugat at panlapi'y dapat maunawa pagkat ganito ang kayarian ng ating wika halina't wikang Filipino'y gamitin sa tula sa pangungusap at pagkatha ng mga talata 01/15/2020

Ang face mask at ang kapitalismo

Imahe
Ang FACE MASK at ang KAPITALISMO naiintindihan mo na ba ang kapitalismo halimbawa na lang iyang face mask na sirit presyo mapagsamantala sa sitwasyon, mga dorobo kalamidad na'y pinagkakakitaan pa nito mga tuso sila, sadya ngang mapagsamantala di nakuntentong baratin ang manggagawa nila pati ba naman kalamidad, pinagtubuan pa ganyan, ganyan katuso ang mga kapitalista di nagpapakatao ang kapitalismong bulok nagsamantala na habang bulkan ay umuusok ang pagsasamantala nito'y nakasusulasok sistemang ito'y dapat ibagsak mula sa tuktok kapitalista'y ganyan, mapagsamantalang uri kaya dapat makibaka nang di sila maghari palitan na ang kapitalismong kamuhi-muhi nitong lipunang makataong dapat ipagwagi - gregbituinjr. * litrato mula sa pahayagang Pilipino Ngayon, Enero 14. 2020, p. 4

Mag-ingat din sa mga naka-face mask ngayon

bulkang Taal ay nag-alburuto na naman kaya face mask sa botika'y nagkaubusan dahil sa ashfall na ibinuga ng bulkan mukha't ilong natin ay dapat protektahan subalit pag-iingat ay napapanahon mag-ingat din sa mga naka-face mask ngayon at baka may magsamantala sa sitwasyon mangholdap sa dyip, bus, iskinita't kalyehon maging alisto, at huwag basta malingat mag-ingat din baka sila'y may kasapakat di natin alam paano sila babanat mabuting sa bawat sitwasyon ay mag-ingat maglakad lang tayo sa lugar na matao kung sinong may balak ay masawata ito sa panahon ng ligalig maging alisto upang di mabiktima ng mapang-abuso - gregbituinjr.

Kaganidan ng kapitalismo

Imahe
sila nga'y nananamantala upang tumaas lang ang kita face mask ay minahalan nila dahil sa ashfall nakabenta kapitalismo'y sadyang ganid sa nasasakunang kapatid kakapalan ng mukha'y hatid pagsasamantala'y di lingid anong ginawa ng gobyerno upang mapigil ang ganito sa kalakal nang-aabuso nagsasampung doble ang presyo ay, baka sila'y nagsasalsal pumutok man ang bulkang taal pagkat mukha nila'y makapal sa sakuna'y baka umepal - gregbituinjr.

Pagkatha habang naggagayat ng sibuyas

inihahanda ang sibuyas, diwa'y naglalaro tangan ang kutsilyong ginayat iyon ng manipis para sa adobo, sa diwa'y may ilang nabuo pampaganda ng kutis ba'y sibuyas o kamatis mapapaluha ka pag naggagayat ng sibuyas kaya maglagay ng isang basong tubig sa gilid di ka na luluha pagkat mapupunta ang katas sa katabing tubig na sa uhaw nito'y papatid habang naggagayat ay napapatitig sa talim ng kutsilyong tangan, habang adobo'y hinahanda may magaganap kaya sa panahong makulimlim anong dapat gawin kung paparating na ang sigwa maya-maya, sa likod ng resibo'y magsusulat ng kinatha sa diwang ang lasa'y mapait-pait naalala ang sibuyas na nagpaluhang sukat ngunit sa adobo'y nagpasarap ng anong lupit - gregbituinjr.

Pagkatha habang naglilinis ng kubeta

samutsari'y aking naiisip pag naglilinis ako ng kubeta namin at aking iniis-is ang dingding at inidoro, mamaya'y magwawalis ng kisame't sahig nang dumi't agiw ay mapalis kinakatha muli sa isip ang pinapangarap, pati balita man, dinanas o nasa hinagap mamaya'y uupo sa tronong tila may kausap binuo na pala ay taludtod o pangungusap laging nakahanda ang munting kwaderno sa bulsa sinisikap isatitik ang hinaing ng masa bakit may milyon ang salapi ngunit nagdurusa habang may dukhang walang-wala ngunit kaysasaya ang kwaderno'y ilalapag sa gilid ng lababo at huhugasan ang puwit kahit nag-uusyoso habang nakatitig sa mga diwatang narito sa diwa't aking kinatha sa munti kong kwaderno - gregbituinjr.

Ang bahay sa gitna ng daan

Imahe
madedemolis ang pabahay sa gitna ng daan ito ang isa sa mga nakita kong larawan nagpalawak doon ng daan ang pamahalaan ngunit may-ari ng bahay ay ayaw itong iwan di na ba maililiko ang lansangang matuwid upang di matamaan ang bahay niyang balakid sa daan, ngunit dapat itong tanggalin, kapatid baka makaaksidente, ito ba'y kanyang batid mula sa ibang bansa yaong bahay sa litrato sa kalaunan, natanggal ito, ayon sa kwento kalakarang "eminent domain" ang ginamit dito may-ari'y walang nagawa nang giniba na ito may bahay na bago ginawa ang kalsada roon marahil ang may-ari'y nalipat sa relokasyon samutsaring kwento ng pabahay at demolisyon anong aral ang makukuha natin dito ngayon? - gregbituinjr. * kuha ang litrato mula sa internet, sa seksyon ng halimbawa ng problema sa demolisyon

Ang kapalaran ng bayan, ayon kay Rizal

Imahe
"To foretell the destiny of a nation, it is necessary to open the book that tells of her past." - Jose Rizal upang masabi mo ang tadhana ng isang bansa dapat tunghayan ang aklat ng kanyang nakaraan dapat batid mo ang kanyang kultura, likha't gawa at mahalagang naganap sa kanyang kasaysayan ito'y pangungusap ng ating pambansang bayani sa tadhana ng bansa'y pagsusuring matalisik at bilin din upang di tayo magsisi sa huli na sa daang madawag ay huwag matinik dapat nating basahin ang kasaysayan ng lahi bakit nakibaka ang mga ninuno't kapatid dapat nating batid ang sariling gawa at gawi alamin anong dapat gawin sa mga balakid upang sumulong ang bansa, ayon kay Jose Rizal kasama ang masa, di lang mayaman at maykaya halina't suriin bawat kanyang pamana't aral upang mabago rin natin ang bulok na sistema - gregbituinjr. * ang sinabi ni Rizal ay muling nalathala sa Philippine Panorama, ang lingguhang magasin ng pahayagang Manila Bulettin, ...

Narito ang laban sa lunsod, ang pakikibaka

narito ang laban sa lunsod, ang pakikibaka narito sa sentro ang maraming isyu't problema dito dapat makamit ang panlipunang hustisya nasa lunsod ang laban nating mga aktibista lumalaban tayo upang baguhin ang lipunan bulok na sistema'y dapat ding baguhing tuluyan hangga't nasa puso ang prinsipyo't paninindigan kikilos at lalaban tayo hanggang kamatayan sayang lang ang buhay mo kung titira sa probinsya para lang sa tahimik na buhay, aba'y disgrasya parang naghihintay ka lang ng iyong kamatayan parang matindi na ang dinanas mong karamdaman durugin natin ang sa pakikibaka'y balakid patuloy tayong magsikilos, O, mga kapatid isang lipunang makatao'y ating ipabatid na dapat nating kamtin at sa mundo'y maihatid - gregbituinjr.

Pagkatha habang nagbabawas ng mga kinain

minsan, matapos kumain, sa kubeta tatambay magbabawas na tangan ang kwaderno't plumang taglay magpapahinga roong diwa'y nagbubulay-bulay at inaalagata ang umimbulog na lumbay bakit tila nakikipagbuno sa pagkasawi ng pusong inalipin ng pagbabakasakali habang nakaupo sa tronong tila hubong hari dapat tulad ng saranggola'y habaan ang pisi kailangan ng tubig sa timba't mayroong tabo huhugasan ang puwet habang diwa'y narahuyo sa diwatang ginunita ng may pagkasiphayo ngunit bakit ang gripo'y biglang nawalan ng tulo kaysarap kumatha habang nagsasalsal ng diwa habang nakikipagniig sa dumalaw na mutya lalabas sa kubetang pawisan at putlang-putla tangan ang papel na may nabuong magandang tula - gregbituinjr.

Bagong salta

galing sa lalawigan nagtungong kalunsuran nakikipagsiksikan nang sa dyip makalulan binenta ang kalabaw mangingibang bansa raw ngunit pera'y naagaw ng tusong magnanakaw payapa niyang buhay nabulabog ngang tunay ngayon, di mapalagay sa hahakbanging pakay siya nga'y nakatikim ng krimeng anong talim at karima-rimarim dinanas niya'y lagim nawala ang pangarap di niya maapuhap kaysakit ng nalasap sa mga mapagpanggap nais mangibang bayan nais niyang lumisan sa mga naranasang lumbay at karukhaan pangarap magtrabaho bilang O.F.W. iipunin ang sweldo ilalagak sa bangko pambayad sa rekruter para maging care giver ay wala na forever sa mga gang na tirtir - gregbituinjr.

Bagyong Ursula

tulad ni Yolanda'y kinatakutan siya ngunit di siya si Yolandang nanalasa tila bagyo'y mapanganib para sa masa lalo't balita'y tulad siya ni Yolanda maghahandang lumikas ang maraming tao nang makaligtas sa parating na delubyo makikipag-espadahan sa mga santo upang patigilin ang nagbabantang bagyo si Ursula'y dumating, laksa ang sinira may nagsabing bumalik si Yolandang sigwa pagkat naulit ang sa pamilya'y nawala lalo't siya'y sakbibi ng lumbay at luha tumitindi ang klima, bagyo'y bunabagsik tila galit sa sistema't naghihimagsik sa delubyo'y danas ang muling mangaligkig at di mo na malaman kung saan sisiksik - gregbituinjr.

Ulat: Walong anyos na nene, hinalay bago pinatay

Imahe
anong lagim ng balitang yaong aking natunghay: "Walong anyos na nene, hinalay bago pinatay" at itinapon pa sa damuhan ang kanyang bangkay tiyak magulang ng bata'y mapopoot ngang tunay buti't nadakip ang pinaghihinalaang suspek sa krimeng iyong talaga namang kahindik-hindik sa galit, dapat siyang ibitin ng patiwarik pagkat nakakakilabot ang kanyang inihasik anuman ang kanyang dahilan, droga man o libog ang magandang bukas ng bata'y talagang lumubog sa salarin ay di na sapat ang kulong at bugbog dapat sa kanya'y bitayin at magkalasog-lasog nawa, may matamong hustisya ang batang biktima nawa, nangyari sa kanya'y di maganap sa iba nawa, kamtin ng magulang ang asam na hustisya at bansa'y maprotektahan ang mamamayan niya - gregbituinjr. * headline ng pahayagang Pang-Masa, Enero 8, 2020, pahina 1-2.

Magilas pa ring mag-isip nitong utak kong iwi

magilas pa ring mag-isip nitong utak kong iwi na sa buhay ay lagi nang nagbabakasakali tutula, tulala, mga tuligsa'y samutsari sa kalagayang ang hirap ay pinananatili lumilipad ang lawin doon sa kaitaasan habang natatanaw ang maralitang mamamayan gayong nag-aabang din ng malalagay sa tiyan at baka makakita ng tandang sa kaparangan maisulong kaya ang piyon sa tabi ng reyna upang tore'y makaporma't magawa ang partida labanan ng posisyon, taktika't estratehiya upang mamate ang hari sa ganap na presensya isipin ang wasto lalo't karapatang pantao tiyaking may paglilitis at may tamang proseso at sa pakikipag-ugnayan ay magpakatao upang di maging delubyo ang parating na bagyo - gregbituinjr.

Di mo magigiba ang diwa't prinsipyo ko, sinta

di mo magigiba ang diwa't prinsipyo ko, sinta na inilaan ko laban sa mga palamara aralin mo ang lipunan upang iyong makita ang samutsaring isyu't problema ng uri't masa kailangan ng bayan ng panlipunang hustisya nagugumon sa mga pautot ang mga sakim upang limpak-limpak na tubo'y kanilang makimkim ang iskemang tokhang ay sadyang karima-rimarim na sa puso ng bayan ay nagdudulot ng lagim sa kahit tirik ang araw animo'y nasa dilim diligin natin ng pagmamahal ang kalikasan lalo't tayo'y pinatira lamang sa daigdigan nais ba nating wasakin nila ang kapaligiran tapon dito, tapon doon, tapon kung saan-saan daigdig na tahanan ay ginawang basurahan - gregbituinjr.

Pag-aasawa ba'y katapusan ng pakikibaka?

paglagay sa tahimik ba'y di na makikibaka? at balewala na ba ang pagbaka sa sistema? mundo mo ba'y nag-iba pag ikaw ay nag-asawa? iiwanan na ba sa ere ang laban ng masa? sa pagkilos ba, pag-aasawa'y isang balakid? at di na ba sisigaw ng "Sugod, mga kapatid!"? pag-aasawa'y parte ng buhay, iyo bang batid? pagtigil sa pagkilos ba'y mensahe nitong hatid? hindi, hindi, dapat patuloy na mag-organisa! at uring manggagawa'y gawing malakas na pwersa! organisahin din pati iyong napangasawa at maging kasama sa pagbabago ng sistema! tuloy pa rin ang pagkilos para sa pagbabago organisahin natin ang dukha't uring obrero huwag tayong manghinawa hangga't di nananalo hangga't buhay tayo'y ipagwagi ang sosyalismo! - gregbituinjr.

Paano ba popondohan ang sariling pagkilos?

paano ba popondohan ang sariling pagkilos? bakit ba ang maglulupa'y lagi nang kinakapos? karukhaan pa rin ba ang sa atin umuulos? dalita'y inspirasyon ba sa pagkilos ng lubos? sa samahan, di sapat ang tumanggap lang ng butaw at di nito kayang pondohan ang bawat mong galaw sa kabila nito, prinsipyo'y di pa rin malusaw kikilos at kikilos kahit lumubog ang araw upang may panggastos, dapat pa bang magpaalipin? matapos ang trabaho saka misyon ay gagawin sariling kilos ay pondohan, ito ang layunin upang magampanan ang sinumpaang adhikain pondohan ang sariling galaw, ito'y ginagawa hanap ay pagkakakitaang sakbibi ng luha at magkayod-kalabaw upang kumita ng lubha dapat walang humpay sa pagkilos ang maglulupa - gregbituinjr.

Namamatay ako tuwing gabi, buong magdamag

namamatay ako tuwing gabi, buong magdamag nagtutungo sa ibang daigdig, naglalagalag nagkakaroon ng espasyo ang buhay na hungkag nabubuhay muli sa bukangliwayway na sinag at muli't muli tuwing gabi'y muling namamatay at ako'y nagbabalik sa pinagdaanang hukay at doon ko sinasariwa ang sugat at lumbay na humiwa sa aking puso't pagkataong taglay di mapakali sa buhay na sakbibi ng hirap di makamit yaong mga gintong pinapangarap di maisatitik ang mga dusang lumaganap di matingkala yaring buhay na aandap-andap mabubuhay muli pag bukangliwayway na'y napit habang sa dulo ng patalim ay nangungunyapit sabay tanong: ano, sino, saan, kailan, bakit at paano, sa iwing buhay na pulos pasakit - gregbituinjr.

Pagkatha habang naglalampaso ng sahig

patuloy pa rin habang naglalampaso ng sahig yaong pagkatha ng mga salitang nagniniig nasa isip kung anong namumutawi sa bibig habang inaayos ang taludtod, saknong at pantig tula'y nalikha habang sahig ay pinakikintab habang naglalampaso yaring puso'y nag-aalab sa kawalang hustisya, damdamin ay nagliliyab kaya ang isinasatitik ay naglalagablab maya-maya, ang basahan ay aking pipigain at sa paglampaso ng sahig ay muling gamitin pakintabin ang sahig na pwede kang manalamin habang kuro-kuro sa isip ay tahi-tahiin sa paglampaso'y may dapat ka ring sunding sistema upang di mahirapan at agad makatapos ka ituloy mo ang pagkatha habang nagpapahinga at nilampaso mong katha'y iyong mapapaganda - gregbituinjr.

Soneto sa kaarawan ni misis

maligayang kaarawan sa iyo, aking sinta nawa sa pagsasama nating dalawa'y sumaya bubuuin natin ang isang magandang pamilya at mabubuting anak na kung di lima'y dalawa maligayang kaarawan sa iyo, aking mahal sa pagpana ni Kupido, ikaw ang itinanghal nawa ang ating magandang samahan ay tumagal habang naghahanda tayong magkaroon ng kambal maligayang kaarawan sa iyo, aking irog nawa ikaw ay manatiling malakas, malusog sa iyo ang iwi kong pag-ibig ay iniluhog nawa'y dinggin mo ang harana ng puso kong handog maligayang kaarawan sa iyo, aking giliw ang aking pagmamahal sa iyo'y di magmamaliw - gregbituinjr.,01/06/2020

Di pagyaman kundi pagkilos hanggang sa tagumpay

sa edad kong ito'y di na nangangarap yumaman ako rin naman ay mamamatay sa kalaunan kaya bakit pagyaman pa'y aking pag-iisipan ang tanong sa sarili: pagyaman ba'y para saan? dapat ko bang pag-ipunan ang ataul ko't puntod ngunit sa ganyan ay di ako magpapakapagod sa ngayon, sosyalismo'y aking itinataguyod habang buhay pa'y magwagi't dito na malulugod maging mayaman sa prinsipyo, dangal at kasama uring manggagawa'y gawin nating malaking pwersa paglingkuran ang bayan, organisahin ang masa ipaglabang mabago na ang bulok na sistema kahit kalahating siglo pa ang aking bunuin di sasagi sa isip na sarili'y payamanin dapat ialay ang buhay sa dakilang layunin at sosyalismo'y ipagwagi sa panahon natin - gregbituinjr.

Kailangan ng salapi, ito ang kalakaran

kailangan ng pera, ito ang sabi ni misis dahil sa kahirapan, ayaw na niyang magtiis dapat daw akong magtrabaho't mabili ang nais sumweldo't nang may pambayad sa bayarin at buwis kailangan naming magbayad ng kuryente't tubig bayad sa ospital pag nagkasakit o nabikig pambili ng ilalaman sa aming mga bibig pulos sa pera na lang umiikot ang daigdig kailangan ng salapi, ito ang kalakaran upang mabuhay ka'y dapat ka ring maging bayaran lakas-paggawa'y ibebenta hanggang masahuran ilang taon bang ganito ang iyong katauhan kailangan ng kwarta, dapat lagi kang may sweldo kung di man limpak na tubo pag ika'y nagnegosyo ganyan ang palakad sa lipunang kapitalismo binibili na rin ng pera pati pagkatao - gregbituinjr.

Tunay bang Amerika'y pakialamerong bansa?

tunay bang Amerika'y pakialamerong bansa? dahil bansang Iran naman ang puntirya't sinira terorista nga ba ang Amerika't anong sama? na pag di niya kakampi'y binibira ng kusa? ang North Korea'y di mabira't wala itong langis ang Iran ay may langis kaya pagbira'y kaybilis makapangyarihang Amerika'y nagmamalabis pag nagkadigma't di napigil, kayraming tatangis di dapat maganap ang imperyalismong digmaan lalo't nais kontrolin ng Amerika ang Iran ibang bansa'y damay pa sa kanilang kalokohan na maaaring magdulot ng laksang kamatayan barbarismo ng Amerika'y dapat lang mapigil lalo na't sa Iran talagang sila'y nanggigigil pananalasa ng Amerika'y dapat masupil at mapigilan ang maraming buhay na makitil mag-usap sila sa lamesa at magnegosasyon sa kaibahan nila'y pag-uusap ang solusyon imperyalismong digmaan ay di magandang tugon nang iba'y di madamay sa alitan nila ngayon - gregbituinjr.

Pag inedit ang tula

pag inedit ang tula'y di tanggap ang kamalian lalo't pinuna ang bilang ng pantig at tugmaan magdadahilang iyon ay malayang taludturan kaya huwag mo raw punahin kung pantig ay kulang gayong kita mo namang tugma't sukat ang ginamit isang saknong, tatlong may impit, isa'y walang impit itinama lang ang tugmaan, aba'y nagagalit magbasa na lang daw ako't huwag nang mangungulit masama bang mamuna't nanlalagkit na ang mukha tila tutulo ang uhog, malalaglag ang muta ganyan yata ang sa kapwa makata'y nahihiya kulang na lang ay magngalit at punitin ang akda minsan di mo matanggap na di punahin ang mali upang sa malaon ang mali'y di na manatili mabago agad ng makata't ang mali'y mapawi upang nagbasang estudyante'y tama ang iuwi - gregbituinjr.

Kaylakas ng bagyo'y kumakatha

kaylakas ng bagyo'y kumakatha habang naglalaro yaring diwa habang tinititigan ang baha habang paligid ay basang-basa palutang-lutang ang mga plastik at naglaglagan ang bungang hitik mga basurang puno ng putik ang sa isipan ay tumititik basang-basa ang buong sampayan luray-luray ang nasa isipan kinatha'y di mo basta matingnan baka mabasa'y sinapupunan kaytindi ng bagyong nagngangalit pati diwa ng mamang makulit kinakatha ang mga pasakit upang sa papel ay ibunghalit pagkabagyo'y puno ang alulod habang lumilikha ng taludtod sa saknong ay itinataguyod ang kaisahang di naaanod - gregbituinjr.

Pagkatha habang naghuhugas ng pinggan

kaysarap magsulat sa isipan habang pinggan ay hinuhugasan maya-maya'y maglalaba naman habang tumutula ng anuman dapat matanggal ang mga sebo kayurin ang uling sa kaldero punasan ang nahugasang plato at ikamada ang mga baso mga buto'y agad pagbuklurin mga tinik ay ibasura na rin isama pati balat ng saging habang kinakatha ang pahaging pag natapos na'y agad maghinaw ng kamay, kahit na giniginaw gubat ma'y marilim at mapanglaw magsusulat sa tabi ng tanglaw at ititipa agad sa selpon yaong naganap buong maghapon isasalansan sa mga saknong ang mga titik ng rebolusyon - gregbituinjr.

Manibalang

huwag kunin ang manibalang hintayin mo munang gumulang huwag hayaang walang muwang ay agad nilang tinotokhang - gregbituinjr.

Ang gawain ng maglulupa

nababatid mo ba ang gawain ng maglulupa tulad ng organisador na kasama ng dukha na pag-aralan ang lipunan at buhay ng madla at ipaalam ang papel ng uring manggagawa ani Bonifacio, dapat guminhawa ang bayan ani Marx, mas mahalaga'y baguhin ang lipunan sapagkat di sapat ang ito'y ipaliwanag lang ani Lenin, mahalagang may teorya't kilusan iisa ang pagkatao ng lahat, kay Jacinto sinabi noon ni Che Guevara kay Fidel Castro: tagumpay ang Cuba, Bolivia nama'y ipanalo kay Ka Popoy: organisahin ang uring obrero ating suriin ang buhay nila, pamana't aral at bilang maglulupa, huwag magsawang magpagal tiyakin nating laging malusog upang tumagal sa laban lalo't sistemang bulok ang sumasakal - gregbituinjr.

Aktibistang maglulupa

di tayo aktibistang nakaupo lang sa silya nagsusulat, nanonood, di nag-oorganisa mas malaking trabaho'y mag-organisa ng masa oo, mag-organisa, kahit tayo'y walang pera mga masisipag na aktibista'y naglulupa, nagsusuri at sa laban ay laging naghahanda lalo't yakap ng taimtim ang prinsipyo't adhika: organisahin ang laban ng uring manggagawa estratehiya'y iniisip ng organisador taktika upang manalo'y kanilang minomotor mga isyu'y nailalarawan tulad ng pintor palaban, marangal pagkat may palabra de onor halinang maglupa't mga dukha'y organisahin ang uring manggagawa'y dapat nating panalunin organisador tayong gagawin ang simulain hanggang mamatay o magtagumpay ang adhikain - gregbituinjr.

Bagong taon, dating rehimen

Bagong taon, dating rehimen ang palakad ay gayon pa rin nagmahal ang mga bilihin na epekto ng batas na TRAIN aktibista'y taas-kamao obrero'y kaybaba ng sweldo sistema'y walang pagbabago at tiwali'y nasa gobyerno salot na kontraktwalisasyon ay patuloy pa hanggang ngayon ang manggagawang mahinahon ay mag-aaklas pag naglaon kayraming batang walang muwang ang naging biktima ng tokhang kayraming sa dugo lumutang na pawang buhay ang inutang tanikala'y dapat lagutin elitista'y dapat gapusin wakasan ang pang-aalipin ng rehimeng dapat tigpasin - gregbituinjr.

Mushroom ay di pa nila kayang tawaging kabuti

mushroom ay di pa nila kayang tawaging kabuti ang wikang dayo pa rin ang sa kanila'y mabuti nais daw magtanim ng kabuti sa tabi-tabi bakasakaling naroon daw ang kanilang swerte hilig nila'y mushroom burger kaya mushroom ang tawag sa wikang Filipino'y tila di sila panatag sa pagyakap sa wikang Ingles sila'y di matinag sa bokabularyo nila kabuti'y di madagdag mushroom ba'y wika ng sosyal at may pinag-aralan kabuti ba'y katawagan ng dukhang mamamayan wikang Ingles ba'y mas matimbang sa mga usapan kaya wikang Filipino'y di mapahalagahan? bakit kaya ginagamit nila'y wikang banyaga gayong katutubo silang lumaki pa sa bansa wikang Filipino'y atin, di ito wikang bakya ugali ba nila'y paano dapat maunawa - gregbituinjr.

Huwag kinisin ang tanikala, lagutin ito

huwag asahan ang reporma sa kapitalismo ito'y pagtanggal lang ng kalawang sa tanikala kahit maging ginto ang tinanikala sa iyo dapat putulin ito't tayo rito'y makawala kaapihan at pagsasamantala'y may solusyon mapapawi rin natin itong dustang kalagayan magkaisa't magsikilos para sa rebolusyon ng manggagawang may misyong baguhin ang lipunan huwag nang kinisin ang tanikala't maging manhid sa bulok na sistemang tuloy ang pananalasa lagutin ang tanikalang ito, mga kapatid palayain ang uri't bayan sa hirap at dusa mag-organisa, mag-organisa, iyan ang bilin ng mga rebolusyonaryong bayani ngang tunay magkaisa tayo't magsikilos sa adhikain upang uring manggagawa'y tunay na magtagumpay - gregbituinjr.

Nasa laban

ayokong mabagot, nais ko'y laging nasa laban di ang umuwi ng probinsya't manahimik na lang nais kong sa laban masalubong si Kamatayan kaysa payapang buhay na isip ay sarili lang para lang sa mga maysakit ang pamamahinga di mo mababago ang lipunan pag nasa kama kung laging nananahimik imbes nasa kalsada di kakamtin ang asam na panlipunang hustisya kabagot-bagot ang buhay na pulos telebisyon pulos drama sa buhay at pulos paglilimayon walang prinsipyong taglay at walang misyon at layon kundi magpalaki ng bayag, lumaklak, lumamon mabuti pang sumama sa mga pakikibaka kaysa manahimik sa isang tabi't nakatanga - gregbituinjr.

Bagong Taon, Lumang Sistema

Bagong taon, bagong petsa, dating pakikibaka Bagong taon, dating kalagayan, lumang sistema Nariyan pa ang pang-aapi't pagsasamantala Adhika pa rin ng masa'y panlipunang hustisya Bagong taon na, patuloy pa rin ang tunggalian Dukha pa rin ang sangkahig, santukang mamamayan At lalong yumayaman ang dati nang mayayaman Ah, dapat lang baguhin ang ganitong kalagayan Tuloy ang laban sa pagsapit nitong Bagong Taon Isang bagong sistema ang dapat maganap ngayon Lipunang makatao ang adhika't nilalayon Na maipapanalo lang sa pagrerebolusyon Halina't sama-samang kumilos at ipagwagi Ang lipunang walang kapitalismong mapanghati Dapat lang ipagwagi ang lipunang walang uri Walang pagsasamantala't wala ring naghahari - gregbituinjr.