Mga Post

Nalalambungan ng ulap (Sa eroplano, Bidyo 5)

Imahe
NALALAMBUNGAN NG ULAP (Sa eroplano, Bidyo 5) animo'y usok sa himpapawid o nagsulputang bulak ang hatid na nanagasa o bumalakid sa landas na yaong tinatawid marahil dahil inip nagbidyo o kaya'y dahil interesado sa agham upang may maikwento habang sakay pa sa eroplano tila kinain ng alapaap ang sinakyang noon pa pangarap nalalambungan kami ng ulap sa ere nang wala sa hinagap minsan lang marating ang itaas na animo'y uri ng palabas na isa na lang pangarap bukas maganda na ring ito'y dinanas - gregoriovbituinjr. 06.02.2023 * ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/lfAZ7fYF9A/

Sa taas ng alapaap (Sa eroplano, Bidyo 4)

Imahe
SA TAAS NG ALAPAAP (SA EROPLANO, BIDYO 4) akala mo'y agila akong kaytayog ng lipad o di kaya'y si Bathalang mataas pa sa ulap o si Aladin na nasa karpet na lumilipad tanaw ang musa't diwatang naroon nakabungad pagkat ibabaw ng alapaap ay naabot din ng tanaw, nakamit din ang malaon nang mithiin tila baga panaginip sa kaytagal kong himbing nasa taas man ay wala pa rin sa toreng garing pagkat paa ng makata'y nanatili sa lupa na buong pakumbabang sinasamahan ang dukha inaabot man ang langit ng asam na ginhawa sugat ay nagpapatuloy pa ring nananariwa kaya di tayo titigil sa ating pagsisikap na abutin ang langit ng ating mga pangarap upang kamtin ang ginhawa't makaahon sa hirap upang tunay na pag-unlad ay kamtin nating ganap - gregoriovbituinjr. 06.01.2023 * ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/l6V6uloEyU/

Kanya-kanyang kain ang inahin at mga kuting

Imahe
KANYA-KANYANG KAIN ANG INAHIN AT MGA KUTING nang mapakain sila'y magtatanghaling tapat na natira ko sa tilapya'y pinagsaluhan nila buong ulo, gilid, tinik, hasang, pati bituka pagkakuha ng kanilang parte'y nagkanya-kanya pansin ko iyon, kanya-kanya, at di sabay-sabay ang makuhang parte'y siya lang ang kakaing tunay dapat kong hati-hatiin nang sila'y mapalagay dahil pag hindi, isa lang yaong makakatangay di sila gaya ng tao na magsasalo-salo pusa't kuting niya'y nagkakanya-kanyang totoo pag nakuha ang parte'y lalayo ang mga ito ayaw magutom, pagkaing nakuha'y itatakbo nakahanda na ang kuko pag sila'y aagawan di hating kapatid, nakuha ng isa'y kanya lang ganyan ang napansin kong kanilang kaugalian hatiin agad ang pagkain nang walang awayan - gregoriovbituinjr. 06.01.2023 * mapapanood ang bidyo sa:  https://fb.watch/l2i2JQtIr8/

Pagmamasid sa karagatan (Sa eroplano, Bidyo 3)

Imahe
PAGMAMASID SA KARAGATAN (SA EROPLANO, BIDYO 3) tanaw ko ang karagatan habang nasa itaas tila kapara nami'y lawin sa kanyang pagmalas "dadagit ako ng isda", sa lawin ay bulalas tila si Icarus kaming sa piita'y tumakas mga isla'y tila ba mumunting tipak ng bato na sa alamat, higante'y talon doon at dito bansa ba'y ilang isla't di mabilang ang numero kung masdan ang mga ito mula sa eroplano tigib ng lumbay at galak ang namahay sa dibdib pauwi mula pagtitipon sa malayong liblib na animo'y nagsipaglungga sa malaking yungib ng mga isyung sa sambayanan naninibasib at tinanaw kong muli ang dagat ng alaala tunay na may pag-asa sa bawat pakikibaka mamatay man kami'y tiyak mayroong mag-aalsa hangga't di pa nababago ang bulok na sistema sa malalim na laot makata'y nakatulala mababaw man ang pagninilay ay nakatutula ang lawin kaya'y may nadagit nang pagkaing isda ah, anong sarap pagmasdan ng dagat sa ibaba - gregoriovbituinjr. 06.01.2023 * ang b...

Pagtulog sa ilalim ng traysikel

Imahe
PAGTULOG SA ILALIM NG TRAYSIKEL umaga, nakita kong tulog pa ang mga kuting sa ilalim ng nakaparadang traysikel, himbing may dala akong pagkain, di ko muna ginising pag ngiyaw nila'y narinig, saka pakakainin para bagang sila'y maralitang walang tahanan noong una'y binigyan ko ng basahang tulugan subalit kung saan matulog ang ina'y susundan ah, nanay iyon, kaya sila'y nauunawaan may ginawa akong tulugan sa bakuran noon subalit di sila nasanay na gamitin iyon pag nagising kasi sila'y nililinis ko roon dahil tae't ihi nga nila'y nangangamoy doon gayunpaman, may sarili din naman silang buhay bahala na ang nanay magtaguyod at gumabay tiyak sa anak, ang inahing pusa'y di sasablay mahalaga'y di naman nagpapabaya ang nanay - gregoriovbituinjr. 06.01.2023

Paglipad sa ere (Sa eroplano, Bidyo 2)

Imahe
PAGLIPAD SA ERE (SA EROPLANO, BIDYO 2) anong lapad din ng runway ng paliparan maya-maya lang, eroplano'y umandar na pinagmasdan ko ang buong kapaligiran pag-usad namin ay binidyuhang talaga wow, natiyempuhan ko ang mismong paglipad hanggang kalupaa'y lumiit sa paningin sa tabi ng bintana'y naupong kaypalad habang naririnig ang pagaspas ng hangin iyon ang aking unang pagbidyo sa ere nakabibingi ang katahimikan doon bigla'y makaririnig na di ko masabi baka sa hangin kaya nangyayari iyon buti't hangin ay di gaanong nagngangalit lalo't may balitang may parating na bagyo at ninamnam ko na lamang ang bawat saglit nakapagbidyo rin ng dalawang minuto - gregoriovbituinjr. 05.31.2023 * ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/l0chDSp8Sd/

Paglalagay ng gamit (Sa eroplano, Bidyo 1)

Imahe
PAGLALAGAY NG GAMIT (SA EROPLANO, BIDYO 1) noong makalampas na ang katanghalian nakapasok na rin kami sa eroplano animan ang upuan sa bawat hilera habang nadarama sa puso'y pananabik minasdan ko ang tanawin sa paliparan buti't sa tabi ng bintana nakapwesto tiyak, maya-maya lang kami'y lilipad na kaya nakita sa kwaderno'y sinatitik iginala ang mata sa kapaligiran may naglalagay ng gamit ng pasahero binidyuhan ang pagsalansan ng maleta sa kumbeyor na sa ilalim isiniksik ay, isang tagpo iyon ng pagtutulungan upang bagahe'y mapag-ingatang totoo marahil ay sapat-sapat ang sahod nila nang pamilya nila'y di sa gutom tumitik - gregoriovbituinjr. 05.31.2023 * ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/k-XRqJBcjl/ 

Pasalubong

Imahe
PASALUBONG alas-singko pa lang, kami'y nasa airport na para sa flight ng alas-syete ng umaga subalit anong tagal kong maghihintay pa flight ay nalipat ng alas-dose y medya nasa loob na't ayoko na ring lumabas ramdam ko pa'y antok, minuto'y pinalipas sa upuan nakatulog, dama ang puyat ngunit gising ang diwa, di dapat malingat maya-maya pa'y naglibot, nakakagutom bumili ng makakain at pasalubong ah, pantawid-gutom din ang biskwit na iyon buti't may tubig akong nadala rin doon ako'y pumasok na rin bandang alas-onse dala kong tubig ay na-detect, at sinabi ng gwardya, iwan ko raw ang tubig sa tabi tubig ko'y ininom at iniwan ang bote buti't may Jollibee, makakakain na rin kaya di na lang biskwit, may ulam na't kanin di dapat magutom, ito ang laging bilin sa sarili't baka tiyan ay pilipitin - gregoriovbituinjr. 05.31.2023

Pagtungo sa airport

Imahe
PAGTUNGO SA AIRPORT kay-agang gumising upang maglakbay na pauwi nag-ayos, naligo, nagbihis, sadyang nagmadali mabuting maagap upang pag-alala'y mapawi pagkasabik ba o lungkot ang sa puso'y naghari doon nga sa kwarto'y talaga akong tinawagan alas-kwatro ng madaling araw, gising na naman nasa hulatanan o lobby naghihintay ang van upang sumundo sa amin patungong paliparan tatlo kaming umalis na kasamang nagsidalo sa tatlong araw na asembliyang ginanap dito sa Mactan, Cebu, sa lalawigan ni Lapulapu hinggil sa paksang hustisya't karapatang pantao madaling araw yaong iskedyul naming nauna kaya kagabi pa lang ay talagang kumain na habang mamaya pa magsisialisan ang iba na bago lumisan ay may almusal o meryenda uuwi kaming dala ang nangyaring pag-uusap upang dalhin sa kanya-kanyang lugar ang naganap na sa paglaon itayo ang lipunang pangarap na walang nagsasamantala at nagpapahirap - gregoriovbituinjr. 05.31.2023 * kuha ang bidyo ng madaling araw ng 05.31.2023 * may mapapanood n...

Danggit

Imahe
DANGGIT inalmusal ko'y danggit, kaysarap ng pagkapritong aking nalasap na para bang ako'y nangangarap lalo't sikat nga ito sa Cebu at ngayon ay nakarating dito kaya hinanap itong totoo pagtungo sa Cebu'y ikalawa matapos ang Climate Walk ang una siyam na taon ang lumipas na sa airport lamang nagtungo roon at pa-Maynila na kami noon di man lamang nakapaglimayon ngayon sa Cebu nakapagdanggit sana sa asngal ay di sumabit salamat sa sarap na kaylupit - gregoriovbituinjr. 05.30.2023 * asngal - ngalangala * ang makatang gala ay dumalo sa isang asembliya ng karapatang pantao sa Mactan, Cebu mula Mayo 28-30,2023

Bente pesos na bigas, trenta pesos na kanin

Imahe
BENTE PESOS NA BIGAS, TRENTA PESOS NA KANIN bente pesos na bigas / ang pangako sa atin pangako sa eleksyon / ay di na ba kakamtin? boladas lang ba iyon / na pang-uto sa atin? habang trenta pesos na / ang isang tasang kanin ito ba'y isang aral / sa dukhang mamamayan? mga trapo'y nangako / sa turing na basahan? upang manalo lamang / sa nangyaring halalan nabulag sa pangako / ng trapo't mayayaman? ay, ano nang nangyari? / nagpabola't nabola? matagal nang pag-iral / ng trapong pulitika? kung dati limangdaang / piso raw bawat isa ngayon naman ay naging / libo na, totoo ba? trenta pesos ang kanin, / bente pesos na bigas ang pangako sa masa, / pangako ba ng hudas? na sadyang ipinako? / kamay kaya'y maghugas? masabunan pa kaya? / at sa puwet ipunas? - gregoriovbituinjr. 05.29.2023

Nilay sa karapatan

Imahe
NILAY SA KARAPATAN mahalaga ang pinag-usapan sa asembliya kong dinaluhan hinggil sa pantaong karapatan at samutsaring isyung pambayan dito'y sinikap kong magsalita at ibahagi ang nasa diwa lalo na karapatan ng madla pati na ang usaping pangwika nagbahagi sa mga sirkulo sa bawat isyu sa bawat grupo sayang naman kung napipi ako sinabi ang nasasaisip ko makinig ka muna sa umpisa at pag may pagkakataon ka na basta umangkop sa isyu't linya magsalita't makikinig sila ganyan naman dapat pag may pulong huwag sa sulok bubulong-bulong magsalita baka makatulong upang di tayo mag-urong-sulong - gregoriovbituinjr. 05.29.2023

Coffee, tea or me?

Imahe
COFFEE, TEA OR ME? SYEMPRE, IKAW NA 'TE! minsang kasama si misis ay nag-deyt kami magkaharap sa lamesa, di magkatabi paskil sa kanyang  likuran: Coffee, Tea, or Me? aba'y syempre YOU  sa kanya'y aking sinabi pag di siya kasama, may pagpipilian kape man o tsaa ay iinumin naman subalit pag si misis na ang naririyan na talagang pipiliin ko'y siya lamang ah, kapara ko'y ang makatang si Balagtas na nagsabi na noon:  "Sa loob at labas ng bayan kong sawi" , ngunit ang nilalandas ay pagsintang parang maong na walang kupas - gregoriovbituinjr. 05.29.2023

Ang mga awitin ng Sining Dilaab

Imahe
ANG MGA AWITIN NG SINING DILAAB ang mga awitin / ng   Sining Dilaab ay talagang dama / at talab na talab sa puso't diwa ko'y / sadyang nagpaalab awiting para bang / dyamante't dagitab magpatuloy tayo / sa pakikibaka para sa human rights, / para sa hustisya maraming salamat / sa alay n'yong kanta para sa obrero, / sa dukha, sa masa taas-kamao pong / ako'y nagpupugay sa  Sining Dilaab  / sa kantang kayhusay tapik sa balikat / sa di mapalagay tanging masasabi'y / mabuhay! Mabuhay! - gregoriovbituinjr. 05.28.2023 * ang  Sining Dilaab  ay grupo ng mang-aawit na nakabase sa Cebu * ang dilaab ay Cebuano sa liyab, lagablab     

Chorizo de Cebu

Imahe
CHORIZO DE CEBU inalmusal ko'y  Chorizo de Cebu pagkat ispesyal na putahe ito kaya agad na ito'y tinikman ko lalo't pangalwang beses ko lang dito agad ngang nakahalina sa akin ang pangalan pa lang nitong pagkain soriso, ah, mukhang masarap man din at piniling ito'y matikman ko rin kinunan muna ito ng litrato na nakasulat:  Chorizo de Cebu minsan lang kasing mapapunta rito kaya aking ninamnam ang soriso aba'y malasa kaysa karaniwan at tamang-tama pa sa lalamunan nadama kong nabusog din ang tiyan pagkat anong sarap, talaga naman - gregoriovbituinjr. 05.28.2023 * sinulat ng makatang gala sa ikalawa niyang punta sa Cebu

Pagdatal sa Mactan

Imahe
PAGDATAL SA MACTAN at nakarating din sa Mactan tangan ang bagahe buti'y di Japan na kailangan ng pasaporte dadalo sa asembliya, dapat may masasabi hinggil sa mga isyung ang dama'y di mapakali narating ko na rin ang lupain ni Lapulapu kung saan si Fernando Magallanes ay natalo ito ang aking ikalawang pagpunta ng Cebu una'y noong Climate Walk nang pauwi nang totoo upang daluhan ang malaking asemliya roon ng mga prinsipyadong karapatan yaong misyon na pinag-uusapan ang isyung napapanahon at panawagang hustisya ng namatayan noon mga isyu ng mga nawalan ng katarungan at usaping dapat pag-isipan at pag-usapan na sistema'y babaguhin kung kinakailangan at hustisyang panlipunan ay ipinaglalaban - gregoriovbituinjr. 05.28.2023 * litratong kuha ng makatang gala, 05.27.2023

Paalala sa kalinisan

Imahe
PAALALA SA KALINISAN madaling unawain kung uunawain nila ang paalala sa mga sa opis bumisita: "Huwag mag-iwan ng anumang uri ng basura," at saka,  "dumi at kalat sa ating opisina" magwalis mag-imis maglinis mag-isis kailangan pa talaga ng paalalang iyon upang opisina'y iwanang malinis paglaon habang nakikibaka't tinutupad yaong misyon ang kalinisan din ng ginagalawan ay layon - gregoriovbituinjr. 05.27.2023

Ang kuting na ayaw pasusuhin

Imahe
ANG KUTING NA AYAW PASUSUHIN nakauna na ang ibang kapatid pinalipat ang may batik na itim palipat-lipat, di mapatid-patid di na makasuso ang isang kuting tila tulog na ang inahing pusa o nakapikit lang habang abala na pasusuhin ang mga anak nga na agawan sa pagsuso talaga inaalis ng kapatid ang ulo ng isang kuting na di makadede lumipat naman sa kabila ito ganoon din, di pa rin makadede ibang kapatid niya't anong kulit na gustong ang makasuso'y sila lang hanggang kanyang sarili'y ipinilit ayaw rin niyang siya'y maisahan sige, karapatan mo'y igiit mo kapatid ka namang dapat dumede ipagtagumpay mo rin ang pagsuso kaysa magutom ka't mauhaw dine - gregoriovbituinjr. 05.26.2023 * mapapanood ang bidyo sa:  https://fb.watch/kMvUNFH10U/

Kanina, sa dyip

Imahe
KANINA, SA DYIP sa dyip, naupo ako sa una nang may pinuntahan lang kanina may istiker roong may babala: "Bawal sumakay ang walang pera!" buti't ako'y may baryang pambayad kaya ayun, nagbayad kaagad bagamat dyip sa takbo'y makupad dumating din, pagong man ang usad piniktyuran ko na lamang iyon baka tama naman yaong layon baka may nagwa-wantutri roon inis na ang tsuper kaya gano'n salamat sa gayong parirala naalimpungatan ang makata matagumpay yaong parikala na tumatagos sa puso't diwa - gregoriovbituinjr. 05.26.2023 * parirala = phrase * parikala = irony

Paggising sa umaga

Imahe
PAGGISING SA UMAGA paggising sa umaga'y nag-inat inimis ang inunan kong aklat kagabi'y umulan at mahamog buti't tuhod ay di nangangatog mumog, hilamos, handa'y almusal barakong mainit at pandesal karaniwang tagpo pagkagising mag-eehersisyo, magdi-dyaging ihahanda ang buong sarili para sa gawain hanggang gabi mangangalap ng mga balita at isyu ng dukha't manggagawa magsusulat ng mga sanaysay sinong bibigyan ng pagpupugay mga kuting ay kukumustahin pakakainin, paiinumin at maglalakad muli sa lubak nanamnamin ang paksa sa utak na isusulat agad sa papel titipain naman sa kompyuter - gregoriovbituinjr. 05.26.2023