Pasalubong

PASALUBONG

alas-singko pa lang, kami'y nasa airport na
para sa flight ng alas-syete ng umaga
subalit anong tagal kong maghihintay pa
flight ay nalipat ng alas-dose y medya

nasa loob na't ayoko na ring lumabas
ramdam ko pa'y antok, minuto'y pinalipas
sa upuan nakatulog, dama ang puyat
ngunit gising ang diwa, di dapat malingat

maya-maya pa'y naglibot, nakakagutom
bumili ng makakain at pasalubong
ah, pantawid-gutom din ang biskwit na iyon
buti't may tubig akong nadala rin doon

ako'y pumasok na rin bandang alas-onse
dala kong tubig ay na-detect, at sinabi
ng gwardya, iwan ko raw ang tubig sa tabi
tubig ko'y ininom at iniwan ang bote

buti't may Jollibee, makakakain na rin
kaya di na lang biskwit, may ulam na't kanin
di dapat magutom, ito ang laging bilin
sa sarili't baka tiyan ay pilipitin

- gregoriovbituinjr.
05.31.2023

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot