Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Hulyo, 2024

Ang tungkulin ng makata

Imahe
ANG TUNGKULIN NG MAKATA "Poets are the unacknowledged legislators of the world." ~ Percy Byshe Shelley ako'y naaalatan sa maraming paksa na para bang minsan, ayoko nang tumula pangit na isyu't paksa, nakakatulala di matanggap ng loob, nakakaasiwa nariyan ang ginagawa ng trapong bulok at mga naghahari sa sistemang bulok patayan, dungisan ng dangal, mga hayok na sa ating lipunan ay talagang dagok subalit ang mga makata'y may tungkulin sa masa ng sambayanan at mundo natin mga makatang may kakaibang pagtingin upang ilarawan ang nangyayari man din kaya narito pa rin akong nagninilay na aking mga tula'y nagsisilbing tulay upang masa'y mamulat sa kanilang lagay sa sistemang itong dapat palitang tunay di lang namin tungkulin ang pananaludtod o masdan ang patak ng ulan sa alulod makata'y para ring kalabaw sa pagkayod na tangan ang isyu ng pabahay at sahod ang makata'y tinig ng mga walang boses ng dukhang sa pagkaing pagpag nagtitiis ng manggagawang dapat ma...

Ilog sa Montalban at 2 kasama sa Ex-D

Imahe
ILOG SA MONTALBAN AT 2 KASAMA SA EX-D kamakailan lamang ay nagpunta kami sa bahay ng dalawang kasama sa Ex-D na mula sa Litex, kami'y isang sakay lang dumalaw, nagtalakayan, at nag-inuman bago magtanghali nang doon makarating at nagkita-kita ang mga magigiting plano ng Ex-D, dalawin bawat kasapi at iyon ang una sa aming plano't mithi dating pangulo ng Ex-D yaong dinalaw plano't proyekto ng grupo'y aming nilinaw nainom nami'y apat na bote ng Grande apat na Coke, dalawang Red Horse na malaki katabi lang ng ilog ang lugar na iyon bumubula, tila may naglaba maghapon bago umuwi, ang ilog ay binidyuhan pagragasa ng tubig ay mapapakinggan kumusta kaya nang dumating si Carina sana'y ligtas sila pati na gamit nila nabatid ko sa ulat, Montalban ay baha tiyak ilog na ito'y umapaw na sadya sana ang mag-asawang kasama sa Ex-D ngayon sana'y nasa kalagayang mabuti nawa bago magbagyo sila'y nakalabas at nakaakyat din sa lugar na mataas - gregoriovbituinjr. 07.31.202...

Baby pisak sa nagdeliver ng ayuda

Imahe
BABY PISAK SA NAGDELIVER NG AYUDA sadyang nakaluluha ang nasabing ulat: "Baby, pisak sa nagdeliver ng ayuda" ang tsuper ba'y lasing at walang pag-iingat? bakit ang ganito'y nangyayaring talaga? di ba nakitang mag-ate ay tumatawid patay ang sanggol na buhat ng dalaginding sayang ang buhay, ilang luha ma'y mapahid napakabata pa'y agad nang ililibing ayon sa ulat, bata'y edad isang taon ngunit nasagasaan ng rescue vehicle na may dalang relief goods, ayuda ang layon subalit bakit ang nangyari'y di napigil ang biktima'y nadala pa raw sa ospital subalit sa pinsala sa ulo't katawan ang sanggol ay dineklarang dead on arrival tsuper ay kinustodiya ng kapulisan kahindik-hindik ang ganitong pangyayari ulat na sadyang dudurog sa iyong puso paano kung anak mo ang naaksidente aba, puso mo'y habambuhay magdurugo - gregoriovbituinjr. 07.31.2024 * ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 29, 2024, pahina 1 at 2

Payak na pananghalian

Imahe
PAYAK NA PANANGHALIAN inulam ko'y talbos ng kamote at saka sibuyas at kamatis gulay ay pampalakas, ang sabi at baka rin gumanda ang kutis payak lamang ang pananghalian upang di malipasan ng gutom sa munting hardin, mamitas lamang kahit amoy mo ang alimuom talbos ay isapaw sa sinaing kaysa ilaga nang makatipid hanguin pag kanin na'y nainin ulam itong may ginhawang hatid tara, kaibigan, salo tayo at tiyak, mabubusog ka rito - gregoriovbituinjr. 07.31.2024

Laro sa Hulyo

Imahe
LARO SA HULYO bawat araw, may larong  Word Connect at  Sudoku  na app game sa selpon buong Hulyo'y sinagot kong sabik na kasiyahan ang tanging layon matapos ang maghapong pagsulat o paggising ng madaling araw matapos din maglinis ng kalat o habang humihigop ng sabaw pinakapahinga sa magdamag at maghapon kong pagtatrabaho upang isipan ko'y di malaspag at upang di sumakit ang ulo isip ng isip ng susulatin ah, kailangan din ng pahinga Sudoku 't  Word Connect  ay laruin at magpahinga ng buong saya - gregoriovbituinjr. 07.31.2024

Tara munang magkape

Imahe
TARA MUNANG MAGKAPE tara munang magkape dito sa bahay, pare at magkwentuhan dine bago lalong gumabi kumusta ang trabaho tumaas ba ang sweldo o amo mo ang paldo habang nganga kang todo pag ako'y nag-iisa pakape-kape muna aklat ay binabasa kung di tula, nobela pahinga lang sandali nang pagod ay mapawi sarap ng kape't ngiti mababakas sa labi - gregoriovbituinjr. 07.30.2024

Pagpupugay sa atletang Pinoy sa Paris Olympics

Imahe
PAGPUPUGAY SA ATLETANG PINOY SA PARIS OLYMPICS dalawampu't dalawang Pinoy na atleta ngayon ay kalahok sa  Olympics  sa  Paris lumalaban sa labing-isang kategorya nakikipagpaligsahan at kumikiskis halina't atletang Pinoy ay suportahan at asam na medalya'y kanilang matamo iuukit nila ang kanilang pangalan sa historya ng bansa't Olympics na ito pagbutihin ang laro nang medalya'y kamtin lalo't ito ang pangarap at inaasam atletang Pilipino'y suportahan natin at tunghayan ang kanilang mga pangalan: Carlos Yulo, Gymnastics  Emma Malabuyo, Gymnastics  Aleah Finnegan, Gymnastics  Levi Jung-Ruivivar, Gymnastics  Eumir Marcial, Boxing  Hergie Bacyadan, Boxing  Nesthy Petecio, Boxing  Aira Villegas, Boxing Carlo Paalam, Boxing  EJ Obiena, Athletics - Pole Vault   Lauren Hoffman, Athletics - Women's 400m Hurdles  John Cabang Tolentino, Athletics - 110m Hurdles   Bianca Pagdanganan, Golf  Dottie Ardina, Golf  Sa...

Soneto sa pananghalian

Imahe
SONETO SA PANANGHALIAN sa pagnilay sa paksang nanamnam biglang aabalahin ng gutom tiyan ko na pala'y kumakalam nalalanghap ko na'y alimuom kaya ako'y agad na nagsaing naabalang muli yaring isip ayos lang basta huwag gutumin babalikan na lang ang nalirip salamat, kanin ay nainin na buti'y may natirang isdang prito kaibigan, kumain ka na ba? tara rito't saluhan mo ako sa aking munting pananghalian nang muling lumakas ang katawan - gregoriovbituinjr. 07.30.2024

Tugon kay kamakatang Glen Sales

Imahe
TUGON KAY KAMAKATANG GLEN SALES tulad ko ang kapalaran ng makatang  Glen Sales himutok niya'y danas ko't di sa akin maalis maraming rejection, walang award, walang fellowship walang like, ngunit di tumitigil sa pag-iisip upang may maitula at patuloy na kumatha aniya'y di nawawalan ng gana sa paglikha tulad niya, pinangatawanan ko ring mag-akda lalo na't may samutsaring isyu, balita't paksa tulad niya, wala mang pagkilala sa pagsulat dahil di naman layunin ng pagkatha'y pagsikat mahalaga'y masaya ka sa bawat madalumat na iyong iuukit sa salitang mapagmulat ang kaibhan lang namin, siya'y guro, ako'y tibak siya'y guro nang bata'y matuto't di mapahamak ako'y laman ng kalsada't gumagapang sa lusak na kasangga ng maralita, api't hinahamak kaya para sa akin, pagtula'y isang tungkulin upang maisulong ang pangarap at simulain marahil pag patay na ako'y may magbabasa rin na sa panahon palang ito'y may makata pa rin at sa iyo...

Yanga at saplad

Imahe
YANGA AT SAPLAD napakaliit na bagay lang ito sa marami subalit para sa akin ito'y sadyang malaki di madali ang itaguyod ang wikang sarili upang pagbuhusan ko ng panahong sinasabi tulad na lang sa nasagutan kong palaisipan ang PASO pala ay YANGA , ang SAPLAD naman ay DAM salita bang lalawiganin o may kalaliman kahit sa munti mang tula'y maging tulay sa bayan bakit ba pinag-aaksayahan ko ng panahon ang ganitong salitang animo'y sagradong misyon sa gawaing ito ba sa hirap makakaahon? o gawain ng makata'y sa ganyan nakakahon? tungkulin ng makatang tulad ko ang itaguyod ang mga ganitong salitang nakita sa krosword tungkuling pinagsisikapan at kayod ng kayod at pinagtitiyagaan wala man ditong sahod marahil, sadyang ganito ang buhay ng makata hinahawi ang alapaap ng mga kataga nakikipagbuno sa alon ng mga salita hagilap ang ginto sa gitna ng putik at sigwa - gregoriovbituinjr. 07.30.2024 * litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 29, 2024, pahina 10 * 17 Pababa ...

Hagkis at Kilatis: Isang Pagpupugay

Imahe
HAGKIS AT KILATIS: ISANG PAGPUPUGAY taospusong pagpupugay sa dalawang makata kina  Lamberto E. Antonio  at  Marne Kilates akda nila sa panitikan ay kahanga-hanga tulad ng kay  Antonio  na pinamagatang  Hagkis ng Talahib , na koleksyon ng kanyang mga tula habang kay  Kilates , pananaludtod ay kaykinis nitong buwan ng Hulyo nang sila'y kapwa namatay habang kapwa rin sila isinilang ng Nobyembre magandang ipagdiwang paano sila nabuhay lalo't mga tula nila'y may magandang mensahe silang sa karaniwang tao'y laging nakaugnay tulad ng tula ni  Antonio  sa mga pesante habang si  Marne  ay tagasalin ng mga akda tulad ng salin ng mga tula ni  Rio Alma muli, pagpupugay sa mahuhusay na makata ang kanilang katha'y nspirasyon sa bansa't masa - gregoriovbituinjr. 07.29.2024 * Lamberto E. Antonio (Nobyembre 9, 1946 – Hulyo 6, 2024) * Mariano "Marne" Losantas Kilates (Nobyembre 5, 1952 - Hulyo 20, 2024) * litrato mula sa LIRA (Linangan sa Imahen...

Kalat at dumi

Imahe
KALAT AT DUMI animo ang kalsada'y luminis ang nasabi sa akin ni misis bagyong Carina na ang nagwalis gabok, basura't dumi'y inalis baka iyan ang kasiya-siya sa ginawa ng bagyong Carina subalit kayraming nasalanta na dapat nating tulungan sila ngunit bakit ba may mga kalat na basura't plastik, anong ulat nagbara ba sa kanal ang lekat ganyan ba'y ating nadadalumat kahit sa laot ang mga isda microplastic na ang nginunguya kaya tiyan nila'y nasisira pagkat basura'y di mailuwa ano ngayon ang ating tungkulin pagkalat ng basura'y di gawin binabahang lugar ay ayusin ah, ito'y pag-isipan pa natin - gregoriovbituinjr. 07.29.2024 * litrato mula sa app game na Word Connect

Pag-idlip

Imahe
PAG-IDLIP ngayong hapon ay naalimpungatan ako nakita si alaga, tulog din tulad ko animo'y nananaginip, aba'y tingnan mo paa't buntot gumalaw nang kunan ng bidyo pag tulog ba ako'y pagmamasdan din niya? ano kayang ginagawa't aking itsura? pansin ba niyang nagmuta ang aking mata? o mas uunahin niya'y dagang puntirya? paumanhin kung siya ang paksa na naman siya kasi'y isang tapat na kaibigan sa pag-uwi ko'y nagbibigay kasiyahan kung may bigat ng loob ay biglang gagaan sige, alaga, balik tayo sa pagtulog abutin natin ang pangarap na kaytayog at bakasakaling makapitas ng niyog nakainom na, tayo pa ay mabubusog - gregoriovbituinjr. 07.28.2024 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://web.facebook.com/reel/882316533741238  

Sakay sa traysikel

Imahe
SAKAY SA TRAYSIKEL sakay kami ni misis sa traysikel nakaupo roon, siya'y siniil ko ng halik sa pisngi, di napigil ang damdaming tila walang hilahil kami'y nagtungo noon sa palengke at mga kailangan ay binili noodles, sardinas, okra, talbos, kape, bigas, buti't di inabot ng gabi bumili rin ng binhing itatanim nang umulan, nagpahinga sa lilim habang naiisip ko nang taimtim ang nasalanta ng bahang kaylalim ah, dapat mayroong laman ang bahay kung umulan man, may kukuning tunay lalo ngayong di tayo mapalagay baka may bagyong muling masisilay sa traysikel sumakay kaming muli nang sa aming bahay ay makauwi pahinga muna, sa lakas babawi bukas itatanim ang bagong binhi - gregoriovbituinjr. 07.28.2024 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://web.facebook.com/reel/411971717942142

Pananaliksik

Imahe
PANANALIKSIK patuloy akong magsasaliksik ng anumang paksang natititik o sa lansangan ay isyu't hibik o usaping dapat isatitik marahil iyan ang magagawa ng tulad kong abang mangangatha magsaliksik, maghanap, mangapa ng paksang dapat batid ng madla anong isyu ng dukha't obrero bakit dapat itaas ang sweldo bakit dapat labanan ang trapo at ibagsak kasama ng amo bakit maralita'y naghihirap dahil ba sa trapong mapagpanggap anong sistemang dapat magagap ng maralitang di nililingap patuloy kong gagawin ang misyon sa kauri't gampanan ang layon sasaliksikin ko ang kahapon upang iugit sa bagong ngayon - gregoriovbituinjr. 07.28.2024

Si alaga

Imahe
SI ALAGA nakatunganga sa pinto, tila gustong lumabas  nang binuksan ko ang pinto, ayaw namang lumabas gabi na, di umuulan, di siya kumaripas bumalik sa loob, dito na siya nagpalipas ganyan si alaga, mayroong higaang sarili di hinahayaan, baka ako'y di mapakali aba'y ilang bubuwit na ba ang kanyang nahuli lalabas siya sa araw, bumabalik sa gabi kahit paano'y natutuwa kami't may alaga na animo'y mandaragit, nag-aabang ng daga kaya nga madalas ang inuulam ko na'y isda tirang ulo, hasang, buntot, ay sa alagang pusa tara, alaga ko, sa banig, tayo nang umidlip naroon ang musa ng panitik sa panaginip sa pagtulog makata'y patuloy na nag-iisip sana, nasalanta ng bagyo'y tuluyang masagip - gregoriovbituinjr. 07.27.2024 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://web.facebook.com/reel/1043137127245996  

Lumaki akong nagbabaha sa Sampaloc, Maynila pag may bagyo

Imahe
LUMAKI AKONG NAGBABAHA SA SAMPALOC, MAYNILA PAG MAY BAGYO asahan mo nang baha sa Sampaloc pag nagbagyo kaya bata pa lang ako, pagbaha'y nagisnan ko pinapasok ang loob ng bahay ng tubig-sigwa bibili nga ng pandesal ay lulusong sa baha ilang beses palutang-lutang ang tanim ni Ina kinakapa ko sa baha tanim niyang orkidya pag may bibilhin sa tindahan, ako ang lulusong dapat alam mo saan may butas nang di mahulog nasa kinder pa lamang ako'y akin nang nagisnan na isang malaking ilog ang highway ng Nagtahan bababa kami noon ng dyip galing sa Bustillos pakiwari ko'y kahoy pa ang tulay doong lubos matapos naman masunog ang likod-bahay namin sinemento na ang Nagtahan nang ito't tawirin upang pumasok sa eskwela, maputik ang landas kaya suot kong sapatos ay may putik madalas subalit laging nagbabaha pa rin sa Sampaloc kaya nagbobota pag sa eskwela na'y papasok pinataasan na ni Ama ang sahig ng bahay ngunit ang lugar ng Sampaloc ay mababang tunay sa nakaraang bagyong Carina, mul...

Palaisipan

Imahe
PALAISIPAN bata pa'y nagsasagot na ako ng krosword sa samutsaring dyaryo umaga pa dyaryo'y bibilhin ko upang krosword ay sagutan dito sa palaisipan nahahasa ang aking bokabularyo't diwa nababatid ang mga salita sa kasalukuyan, bago't luma krosword ay malaking naitulong nang wikang Filipino'y isulong ang wikang mamahalin mong bugtong tulad kong nagmamakata ngayon nakaupo man sa gilid-gilid sa krosword may tulang malulubid salitang tinahi ng sinulid tiyak sa dibdib may sayang hatid - gregoriovbituinjr. 07.26.2024 * palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 26, 2024, p.10

21 patay kay 'Carina'

Imahe
21 PATAY KAY 'CARINA' inulat ng dalawang pahayagan namatay ay dalawampu't isa na kaya ingat-ingat, mga kabayan dahil kaytindi ng bagyong 'Carina' apat ang namatay sa Central Luzon sa Calabarzon, sampu ang namatay pito sa National Capital Region dahil sa bagyo'y nawalan ng buhay nasugatan ay labinlimang tao habang lima yaong pinaghahanap ayaw mang dinggin ang ulat na ito ngunit mahalagang ito'y magagap bakasakaling may maitutulong paano kung tayo ang nasalanta lalo't namatay ay walang kabaong na tinangay ng baha, ni Carina baka mayroon tayong kamag-anak na walang kuryente't di na mabatid ligtas ba o natabunan ng lusak sana'y nasagip, ang mensaheng hatid - gregoriovbituinjr. 07.26.2024 * ulat mula sa headline ng pahayagang Bulgar at Pilipino Star Ngayon, Hulyo 26, 2024

Si Pacquiao ang Asian Athlete of the Century

Imahe
SI PACQUAIO ANG ASIAN ATHLETE OF THE CENTURY taasnoong pagpupugay sa  Pambansang Kamao sa natatanging pagkilala pang natanggap nito aba'y  Asian Athlete of the Century  na si Pacman sa bansa'y isa na namang malaking karangalan sa  Top Twenty Five Asian Athlete  siya ang nanguna sa boksing ay walang kaparis ang nakamit niya si  Pacquiao  ang natatanging boksingerong nagkampyon sa walo, oo, walong magkakaibang dibisyon sa tatlong dekadang karera'y nakitang magaling limang beses na  Fighter of the Year  ng  Ring Magazine na pag humabol ng suntok ay  PacMan , namamakyaw kaya karangalan ay nakamit ni  Manny Pacquiao maraming salamat,  Manny , mabuhay ka! Mabuhay! sa iyo, buong bansa'y taasnoong nagpupugay! at sa nagbigay ng karangalan, ang  E.S.P.N. pasasalamat sa inyo'y mula sa puso namin! - gregoriovbituinjr. 07.26.2024 * ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 26, 2024, pahina 12 * ESPN - Entertainment and S...

Meryendang abukado

Imahe
MERYENDANG ABUKADO bigay lang sa amin ang abukado na nang bata pa'y aking paborito sa gitna abukado'y hinati ko binukod muna ang naroong buto ang laman ay kinayod kong talaga saka ko nilagay sa aking tasa kaunting asukal ay nilagay pa saka aking hinalo ng kutsara subalit si misis ay di mahilig  sa prutas, kaya ako ang kumahig ng abukadong kaytamis, malamig sa dila't animo'y nakakakilig marami pong salamat sa nagbigay at maganda ito sa pagninilay tila ba tula ko'y nagiging tulay upang daigdig ay maging makulay - gregoriovbituinjr. 07.25.2024

Balitang Carina

Imahe
BALITANG CARINA tinunghayan ko ang pahayagan ngayong araw, kaytitinding ulat ng unos na naganap kahapon nagbaha ang buong kalunsuran nilampasan na ang bagyong Ondoy sa buong pagluha ni Carina baha sa maraming kabayanan mga pamilya'y sinaklolohan dahil nagsilubog ang tahanan nilikha iyon ng kalikasan ipinakita ang buong ngitngit nagngangalit ang klima at langit climate action na nga'y kailangan upang matugunan ang naganap subalit anong gagawing aksyon makipag-usap sa P.M.C.J., K.P.M.L., Sanlakas, B.M.P., S.M. ZOTO, CEED, A.P.M.D.D samahan natin sila sa rali panawagan: climate emergency mag-shift sa renewable energy climate adaptation, mitigation ipagbawal na ang mga coal plant pati ang liquified natural gas kontakin ang Bulig Pilipinas para sa ating maitutulong sa mga biktima ni Carina kailangan ng kongkretong aksyon para sa sunod na henerasyon na may ginawa rin tayo ngayon - gregoriovbituinjr. 07.25.2024 * litrato ay mga headline ng pahayagang Abante Tonite at Pilipino Star Nga...

Palikero

Imahe
PALIKERO bata pa nang salitang palikero'y batid dahil sa kapitbahay, tatak iyon ng dyip ang " Palikerong Banal"  agad ang naisip na namamasada noon sa Balic-Balic salita iyong sagot sa palaisipan noong una'y di ko agad mawari naman Babaero: Tatlumpu't Dalawa Pahalang aba'y  Palikero  pala ang kasagutan halos ilang dekada na, gayon katagal batid ko na ngayon ang  Palikerong Banal salitang magkataliwas, di magkatambal na kahulugan pala'y  Babaerong Banal salamat sa krosword at tayo'y natututo ng lumang salita tulad ng  Palikero di ko na nasangguni pa ang diksyunaryo sapat nang batid,  Palikero'y Babaero - gregoriovbituinjr. 07.25.2024 * krosword mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 25, 2024, p.7

Pitaya (dragon fruit)

Imahe
PITAYA (DRAGON FRUIT) mabuti't may  dragon fruit  o  Pitaya na siya namin ngayong mineryenda aayaw-ayaw pa ako nang una subalit kaysarap pala ng lasa salamat sa dragon fruit, may pagkain habang bagyo't humaginit ang hangin dito sa Cubao ay meryenda namin na buti't mataas, hindi bahain si  Bruce Lee  nga'y nagunita ko ngayon habang dragon fruit itong nilalamon bida si  Bruce Lee  sa  Enter the Dragon at bida rin sa  The Way of the Dragon ang  Pitaya  ay binigay kay misis na nang tikman ko ay manamis-namis panlaban daw ito sa diabetes, sa kanser, maging sa Parkinson's disease laban din sa Alzhaimer o kalimot prutas pala itong mabisang gamot na sa atin pala'y may buting dulot salamat sa  Pitaya  o  dragon fruit - gregoriovbituinjr. 07.24.2024 * ilang pinaghalawan ng datos: -  https://pharmeasy.in/blog/10-health-benefits-and-recipes-of-dragon-fruit-pitaya/   -  https://en.wikipedia.org/wiki/Pitaya  

Halaman

Imahe
HALAMAN nagtatabaan ang mga halaman pagkat binubusog sila ng ulan natighaw ang uhaw ng lupang tigang sa bahaging ito ng kalunsuran tag-araw pa'y lagi nang nagdidilig ng halaman, iyon ang aking hilig ngayon, sipol ng bagyo'y umaantig sa puso't tila musika'y narinig mga gulay sa paso, talong, sili petsay, alugbati, kangkong, kamote may gamot din sa kanser: ang mulberry upang sa botika'y di na mawili salamat sa mga tanim ni misis habang tinanim ko'y okra't kamatis mayroon din namang tanim na atis na sana'y magsitubo nang mabilis - gregoriovbituinjr. 07.24.2024 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/reel/1083181226565202      

Tagas sa loob ng bahay

Imahe
TAGAS SA LOOB NG BAHAY yerong bubong namin ay butas na panay ang tagas ngayong may bagyo apat na timba'y nilagay ko pa upang tulo'y sahuring totoo tila may waterfalls na sa bahay unos at patak nga'y maririnig patak ay minamasdan kong tunay habang katawa'y nangangaligkig tinapalan naman ito noon tila di umubra ang bulkasil patak na tila patalon-talon na sa diwa ko'y umuukilkil inipon ko ang naroong timba na agad itinapat sa butas habang lansangan na'y binabaha subalit nais kong makalabas nais kong bumili ng pang-ulam ngunit bagyo'y kaylakas sumipol tila ako'y tatangayin naman ng bagyong animo'y nagmamaktol - gregoriovbituinjr. 07.24.2024 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/twgyPWor2R/

Do or Door

Imahe
DO OR DOOR pumasok ka sa pinto o lumabas subalit huwag lamang sa bintana ika nga,  DO OR DOOR , aba'y ang angas di  DO OR DIE  ang nalikhang salita pariralang nabuo sa  Word Connect na paborito ko laging laruin upang makapahinga yaring isip sa paglipad doon sa papawirin gagawin ko ang pinto, pintong kahoy at lalagyan ng bisagra sa gilid gagawin ko kahit na kinakapoy natutunan sa  Wood Work  na'y magamit bumabagyo, may pantabing sa lamig bukod sa balabal, kurtina't kumot pinto'y pantabing sa nangangaligkig na ang ginaw sa balat nanunuot mas mabuting may pinto kaysa wala upang di mapasok ng magnanakaw lalo na't tulog sa gabing payapa o kahit tirik pa ang haring araw - gregoriovbituinjr. 07.24.2024

Magbasá

Imahe
MAGBASÁ magbasa-basá habang bumabagyo magbasá talaga ang aking bisyo di ang magbasâ sa ulan o bagyo kundi magbasá ng lathala't libro ayoko namang magbasâ sa ulan baka magkasakit yaring katawan magbasá na lang sa munting aklatan may nobela pa't may kwentong wakasan kaylakas ng tikatik, bumabahâ sa lansangan, kasama ko'y palanggâ sa aming tahanang kayraming timbâ upang saluhin ang patak ng sigwâ tumatanda na ang iyong kapatid buti't may aklat at may nababatid upang pag buhay na ito'y mapatid sa ulap ay may tulang ihahatid - gregoriovbituinjr. 07.24.2024

Bagyo

Imahe
BAGYO dinig ko ang tikatik sa atip bumabagyo, agad kong nalirip sa harap ng bahay nag-iisip na kung anu-ano'y nahahagip nadarama ko'y matinding unos ang rumaragasa't umuulos malalaking patak ay natalos kong gumuhit sa daan nang lubos isa'y nag-abang ng masasakyan kahit batid ang lakas ng ulan baka papuntang pinapasukan upang makapagtrabaho naman at natighaw ang uhaw ng lupa napawi ang katigangang sadya sa ulap ako'y napatingala sa bawat unos ay may paghupa - gregoriovbituinjr. 07.23.2024 * ang bidyo ay mapapanood sa kawing na:  https://www.facebook.com/reel/514070264296902

Pagpupugay sa pagwawagayway

Imahe
PAGPUPUGAY SA PAGWAWAGAYWAY isang karangalang mabidyuhan ang pagwawagayway ng bandila ng samutsaring mga samahan, ng guro, obrero, masa, dukha na ginawan ko ng pagpupugay at tulang makabagbag-damdamin sumusuot sa kalamnang taglay at yaring puso'y papag-alabin binanggit ng tagapagsalita sa rali yaong mga pangalan ng mga samahang ang adhika itayo'y makataong lipunan sa kanila, mabuhay!  MABUHAY ! iyan ang tangi kong masasabi taaskamao pong pagpupugay sapagkat sa masa'y nagsisilbi mabuhay kayo, mga kasama! kayong tunay naming inspirasyon para sa karapatan, hustisya at lipunan nating nilalayon - gregoriovbituinjr. 07.23.2024 * bidyong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa SONA, 07.22.2024 ^ ang bidyo ay mapapanood sa:  https://www.facebook.com/reel/1143756510213675

Nang umulan sa SONA

Imahe
NANG UMULAN SA SONA Sa SONA ay kaylakas ng ulan Kaya raliyista'y naulanan Mga pulis ba'y takot sa ulan? At nauna sa masisilungan? O ito lang ay napaghandaan? Serve and protect  ba'y talagang ganyan? Sarili'y unang poprotektahan? Pinrotektahan laban sa ulan... - gregoriovbituinjr. 07.23.2024 * litratong kuha ng makatang gala sa Commonwealth sa rali sa ikatlong SONA ni BBM, Hulyo 22, 2024

Said ang utak ng makata

Imahe
SAID ANG UTAK NG MAKATA nasasaid din ang utak ko kaya wala pang maitula pakamot-kamot lang ng ulo tila baga natutulala di mapiga-piga ang utak kahit rinig mong lumagitik nais nang gumapang sa lusak bakasakaling may pumitik nakatanga lang sa kisame animo'y nais kong magbigti walang lumabas na mensahe ako ba'y talagang may silbi isang tula sa isang araw ang puntirya ng aking pluma nang may tumarak na balaraw sa likod ko'y nakikinita ipahinga muna nang saglit ang pagod kong puso't katawan at baka ako pa'y masagip mula sa dulo ng kawalan - gregoriovbituinjr. 07.22.2024

Makahiya

Imahe
MAKAHIYA hinipo ko ang damong  Makahiya tumiklop agad, parang nahihiya di ko dalumat ang aking nagawa nasiyahan ba sila o namutla ako'y napadaan sa kasukalan at ang  Makahiya 'y nahipo lamang subalit sila'y agad nagtiklupan na para bang dalagang matimtiman at napaisip ako ng pabula kung bakit sila'y tila nahihiya dahil alaga sila ng diwata at ang hipo ko'y hipo ng binata naligaw lang ako sa kagubatan ang diwata'y di naman liligawan sapagkat ako'y may-asawang hirang dahil sa hipo ko'y nagkahiyaan marahil ganyan lang ang  Makahiya ramdam nila'y dalagang minumutya na tila pagdating ko'y nagbabadya na irog akong magtatalusira - gregoriovbituinjr. 07.21.2024 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/tEnsTcp-Gq/  

Isda sa kanal

Imahe
ISDA SA KANAL naglalanguyan ang makukulay na isda sa malawak na kanal pinanood ko na lamang sila pagkat nakakatuwa talaga nakunan iyon sa lalawigan kaya sinubukan kong bidyuhan yaong mga isdang kaytataba marahil ay talagang alaga sinasambit ko sa aking isip kumuha kaya akong pamingwit kaytataba, kaysarap ihawin mamaya'y tiyak may uulamin ay, di ko nga lang nagawa iyon pagkat may ibang lakad at layon - gregoriovbituinjr. 07.21.2024 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/tEEG5kxX7V/  

Munting suporta

Imahe
MUNTING SUPORTA suporta na sa kapwa manunulat ang pagbili ko ng kanilang aklat upang mabasa kahit di pa sikat at malasahan tamis nito't alat talaga namang pinag-iipunan ang librong ilalagay sa aklatan sa ganyan ko lang nasusuportahan ang kahalagahan ng panitikan minsan, tinitingala ko ang langit kung ano ang literaturang bitbit nobela, pabula, tanaga, dalit o alamat, dagli, kwento ng paslit minsan, nakakunot ang aking noo animo'y seryoso, o nagtatampo ay, nagbabasa lang pala ng kwento ng hustisya't karapatang pantao may kwento ng digma't estratehiya may nobela rin sa chess at taktika may libro sa klima't aklat pangmasa masarap ang may aklatan talaga - gregoriovbituinjr. 07.20.2024

Sunog

Imahe
SUNOG bata pa ako'y nagisnan ko nang masunog ang likod bahay naming talagang natutong nasa kinder pa ako nang panahong iyon talagang uling pag mapupunta ka roon bata pa lang, batid ko na ang kasabihang: "mabuting manakawan kaysa masunugan" bilin bago lumisan ng ating tahanan  tiyaking gamit ay tanggalin sa saksakan tinititigan ko ang apoy sa kandila kapag blakawt habang nakapangalumbaba nagsasayawang apoy ang mahahalata habang pinagpapawisan akong malubha noon nga, bilin sa mga batang tulad ko: "huwag maglaro ng kandila at posporo" ngayon, huwag maglaro ng apoy, tanda ko kaya sa asawa't pamilya'y tapat ako aba'y may nakita na rin akong effigy na sadyang pinaghirapan ang anyo't arte sinunog bilang tanda ng pangulong imbi na sa burgesya't di sa masa nagsisilbi ah, kayrami ko nang nakitang mga sunog lalo na sa lugar kong Quiapo't Sampaloc ako'y tutulong pag may sunog sa kanugnog ingat lang baka may kalan doong sasabog - gregoriovbituinjr...

Wala mang pera sa tula

Imahe
WALA MANG PERA SA TULA oo, walang pera sa tula ang marami'y lumbay at luha ang marami'y kawawang dukha na inilalarawan ko nga huwag mong hanapin sa akin na sa pagtula'y yayaman din wala ako sa toreng garing kundi nasa kumunoy pa rin na sinusubukang umahon kaysa naman malunod doon kayraming danas ng kahapon na turing sa dukha'y patapon ngunit ang dukha'y may dignidad tulad ng makatang naglahad na bagamat dukha'y masikap buhay nila'y di umuunlad kung sa pagtula'y walang kita itong makatang aktibista pagsisilbi ang mahalaga sa bayan, sa uri, sa masa tinutula ang adhikain ng manggagawang magigiting ng maralitang kaysipag din upang ginhawa'y ating kamtin - gregoriovbituinjr. 07.18.2024

Ang mag-Ingles, ayon kay Marian Rivera

Imahe
ANG MAG-INGLES, AYON KAY MARIAN RIVERA anong ganda ng sinabi ni  Marian Rivera aba'y sadya namang sa kanya'y mapapahanga ka ang kanyang sinabi:  "Aanhin ko ang kagalingan  sa pag-i-Ingles kung hindi naman ako marunong dumeskarte, at hindi mapagmahal sa magulang o nakalimutan ko ang mga kaibigan ko. Kung ang depinisyon ng pagiging matalino ay mag-Ingles lang, 'wag na lang akong maging matalino." di man siya makata o isang panitikero ay nauunawa niya ang wika ng ninuno ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng isang mabaho't malansang isda maraming nag-i-Ingles dahil doon nanghihiram ng tapang upang sila'y magmukhang kagalang-galang kahit na pagkatao't ugali'y kagulang-gulang tusong nag-i-Ingles upang sa iba'y makalamang nakita nila sa wikang Ingles ang instrumento ng pang-aapi at pagsasamantala sa tao iniisahan ang katutubong di Inglesero nilalamangan ang maliliit, dukha't obrero O, Marian Rivera,  salamat sa prinsipyo mo ak...

Tulang binigkas sa SOHRA 2024 (State of Human Rights Address)

Imahe
TULANG BINIGKAS SA SOHRA 2024 (State of Human Rights Address) bilang sekretaryo heneral nitong organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, tinalakay ko sa SOHRA ang mga isyu ng dukha sa pagtatapos ng presentasyon, binigkas ko'y tula: "for homeless and underprivilege" batay sa Konstitusyon ang pabahay ngunit 4PH ay kaiba ang layon ang 4PH ay pabahay di para sa walang bahay kundi sa may Pag-ibig at kayang magbayad ng tunay ang presyo pa ng pabahay ay batay sa market value kaya tubo o profit ang pangunahing layon nito dapat batay sa CAPACITY TO PAY ng maralita at di sa tutubuin ng kapitalistang kuhila parang sapilitan sa dukha ang 4PH na iyan na sa ayaw mo't gusto, tatanggalin ka sa tahanan etsapwera na ang maralita sa lipunang ito ay nagagamit pa upang pagtubuan ng gobyerno ang market value ay sagka sa karapatan ng dukha na dapat gobyerno ang sa kanila'y kumakalinga sa mga kasama sa SOHRA, kung kayo'y may mungkahi pagtulungan natin upang dukha’y ...

Pagpupugay sa tatlong estudyante

Imahe
PAGPUPUGAY SA TATLONG ESTUDYANTE nakakatuwang ulat na dapat ipagmalaki sa pamagat pa lang, pupukaw na itong kaytindi pagkat sa nasaliksik nilang "Asteriod" , ang sabi "pinangalan sa tatlong Pilipinong estudyante" si Nadine Antonnette Obafia l, na estudyante ng kursong robotics engineering doon sa Ateneo de Davao University ang cosmic recognition ay kanilang natanggap sa paggunita sa International Asteroid Day nitong ikatatlumpu ng Hunyo, ang natuklasan niya noong Hulyo 30, taong 2020 na Asteroid 2000 OZ31 ay kikilalaning Asteroid 34044 Obafial ang Asteroid 34047 ay magiging Asteroid 34047 Gloria bilang parangal kay Rubeliene Chezka Fernandez Gloria ang Asteroid 34049 naman ay magiging Asteroid Myrelleangela bilang parangal kay Myrelle Angela Colas inukit na nila ang pangalan sa kasaysayan lalo't sa atronomiya nilang pinag-aralan at sa kanilang tatlo'y taospusong pagpupugay pagkat estudyante pa sila'y kinilalang tunay - gregoriovbituinjr. 07.15.2024 * ...

Ang sining ng digma

Imahe
ANG SINING NG DIGMA may aklat akong  Art of War  ni Sun Tzu pati  Book of Five Rings  ni Miyamoto Musashi, ang  On War  in Karl Von Clauswitz at may koleksyon  din ng mga tula noong World War One, sadyang binasa ko pati na ang  Limang Silahis  ni Mao at ngayon, akin pang naaalala ang tatlong panuntunang disiplina pati na walong punto ng atensyon bawat tibak na Spartan ay alam lalo't marahas ang mga kalaban na mapang-api't mapagsamantala habang patuloy ang pakikibaka habang makauring misyon ang tangan - gregoriovbituinjr. 07.14.2024 * larawan mula sa app game na Word Connect

Bawang juice

Imahe
BAWANG JUICE ramdam kong para bang nilalagnat anong lamig kasi't naghabagat dama ng katawan ko'y kaybigat kaya nag-water therapy agad uminom ng mainit na tubig nang katawan pa'y nangangaligkig di ko maitaas itong bisig subalit kaya ko pang tumindig ginayat ko'y sangkumpol na bawang at sa tubig ay pinakuluan ininom iyon nang maligamgam guminhawa na ang pakiramdam para bagang aswang iyang lagnat na nilagang bawang ang katapat noong bata pa'y tinurong sukat ni ama, marami pong salamat! - gregoriovbituinjr. 07.13.2024

Scotch tape, timbang butas at kamatis

Imahe
SCOTCH TAPE, TIMBANG BUTAS AT KAMATIS madalas nating nakikita ang di hinahanap na pag kailangan naman natin ay di makita buong kabahayan ay hahalughugin mong ganap pag di agad makita, ramdam mo'y maiirita tulad ng scotch tape na pinatungan ng kamatis upang balutan ng scotch tape ang butas na timba nasa taas lang pala ng ref ako'y naiinis sa loob ng isang oras, nakita ko ring sadya imbes na bumili ng bagong timba sa palengke ay nilagyan ko ng scotch tape upang magamit pa kaya ginawa ko ang nalalaman kong diskarte ngayon, nalabhan ko na ang sangkaterbang labada maging matiyaga sa paghahanap, ani nanay at nagawa ko rin ang anumang gagawin dapat huwag maiirita't mahahanap din ang pakay sa scotch tape at sa kamatis, maraming salamat - gregoriovbituinjr. 07.13.2024