Magbasá

MAGBASÁ

magbasa-basá habang bumabagyo
magbasá talaga ang aking bisyo
di ang magbasâ sa ulan o bagyo
kundi magbasá ng lathala't libro

ayoko namang magbasâ sa ulan
baka magkasakit yaring katawan
magbasá na lang sa munting aklatan
may nobela pa't may kwentong wakasan

kaylakas ng tikatik, bumabahâ
sa lansangan, kasama ko'y palanggâ
sa aming tahanang kayraming timbâ
upang saluhin ang patak ng sigwâ

tumatanda na ang iyong kapatid
buti't may aklat at may nababatid
upang pag buhay na ito'y mapatid
sa ulap ay may tulang ihahatid

- gregoriovbituinjr.
07.24.2024

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot