Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Nobyembre, 2021

Samutsari

Imahe
SAMUTSARI namumutawi pa rin sa labi'y masalimuot na katagang sa kaibuturan ko'y nagdudulot ng samutsaring alalahanin at mga gusot na dapat malutas, katanungang dapat masagot kayhirap ng nag-aalala, kalabaw at baka baka dumating ang unos, sabi ng magsasaka baka dapat munang umuwi, maghanda-handa na baka di na madalumat ang daratal na klima isinilid ang sinampay, damit ay patong-patong namitas ng mga gulay, nanguha ng balatong pinagsisikapan ang bawat taludtod at saknong upang di danasin ang anumang kutya't linggatong paano ba kakathain ang dalit ng dalitâ kung naunang kathain ang tanaga ng katagâ paano nakatha ang talambuhay ng makatâ kundi ang tala ng buhay ay naroon sa kathâ - gregoriovbituinjr. 11.25.2021

Salamisim

Imahe
SALAMISIM napatingala muli sa langit walang buwan, di bughaw, pusikit wala rin ang bituing marikit habang nadarama'y anong init nahan ang sundang mula sa buwan at ang buwang ay huwag mong sundan kaysarap ng manggang manibalang habang binabagtas yaong ilang habang di pa rin natin malimot ang naraanang lungsod at gusot naglulutangan pa rin sa laot ang plastik at upos, O, kaylungkot sala-sala sa mga basura tila baraha, binabalasa nagbabaga na rin pati klima at lumulubog ang mga isla ibukod ang mga nabubulok sa mga basurang di mabulok ibasura ang sistemang bulok at ilagay ang dukha sa tuktok - gregoriovbituinjr. 11.24.2021

Antok

Imahe
ANTOK dumidila ang antok sa talukap niring mata ngunit niyayakag akong muli ng sintang musa upang maglimayon, maglakad-lakad sa kalsada sa ilalim ng buwan at siya'y hinaharana anong sarap damhin ng pag-ibig na nasa rurok habang matamis ang kwentuhang aking natatarok subalit di ko na kaya ang nagbabantang antok habang balat ko'y pinapapak na ng munting lamok ah, sa guniguni ang musa'y aking nakatagpo at muli kaming nagniig, sa kanya'y narahuyo mabuti't nariyan siyang kaiba ang pagsuyo na sa pagdatal ng Haring Araw ay naglalaho panay pa rin ang aking paghihikab, antok na nga at maglalatag na ng banig upang humilata hanging amihan ay umihip, dumampi sa mukha tandang sa guniguni na lang hahabi ng tula - gregoriovbituinjr. 11.23.2021

Pag-idlip

Imahe
PAG-IDLIP narinig kong tila may alingasngas sa karimlan kaya sa oras na iyon ay naalimpungatan anong klaseng nilalang ang mga nagtatawanan mga malignong lasing, mga sugapa sa daan at bumalik ako sa pag-idlip dahil sa antok nakaririndi pala ang kanilang mga sinok maya-maya pa'y may narinig akong mga putok sila ba ang namaril o sila ang nangalugmok di ko kaya ang antok at muli akong umidlip sa labasan ay di ko na nakuha pang sumilip o baka naman ito'y isa ko lang panaginip gigising na lang bukas baka balita'y mahagip at ang musa ng panitik sa akin ay dumalaw naroroon lang siya sa gilid ng balintataw animo siya'y nasa ulap nang aking matanaw may bata sa kanyang kandungan at pumapalahaw - gregoriovbituinjr. 11.22.2021

Init

Imahe
INIT sa init ng lungsod ay nabigla ang katawan ko nang mula sa probinsyang malamig, lumuwas dito para bang napapaso ang buo kong pagkatao animo'y kay-init na pagtanggap sa akin ito sa loob ng bahay, may bentilador man, wala rin mainit man ang panahon, ulo'y di mainitin mas maigi pa ngang nasa labas pagkat mahangin pulos usok nga lang ng sasakyan ang lalanghapin ibang-iba ang init, tagos sa kaibuturan animo'y sumasagad sa buto't mga kalamnan nanggaling kasi sa lamig kaya nababaguhan tumagal-tagal pa'y masasanay din ang katawan o baka nadarama na'y matinding global warming katatapos lang ng COP, ano itong dumarating marapat lang tugunan ang Climate Justice na hiling nitong taumbayan upang daigdig ay gumaling - gregoriovbituinjr. 11.21.2021

Kapit

Imahe
KAPIT kapitbisig, kapitpuso, kapitdiwa, kapit lang sa pagkilos para sa bayan ay huwag magkulang kapamilya, kapatid, kauri'y ipagsanggalang sa mga kapit tuko sa pwesto'y huwag palinlang maraming kapit sa patalim upang makaraos upang sa gatas ng sintang anak ay may panggastos upang kahirapan ay bakasakaling matapos umaasang di na sila mabuhay nang hikahos ang kapitalismo'y sistemang mapagsamantala sa tao't sa kalikasan, baguhin ang sistema pinopondohan ang mapanira sa mundo't klima tulad ng plastik, fossil fuel, coal plants, at kapara kumapit sa wasto, iwaksi ang anumang mali kumapit sa pag-asa, prinsipyong tangan at mithi kapit lang, mga kapuso, kapatid, at kauri magkapitbisig tayo't itaboy ang mga imbi sa tagdan ng hagdanan ay maaaring kumapit kung ayaw mahulog, matumba, o kaya'y mabingit basta kumapit sa pag-asa, huwag palalait sa sinuman, mahalaga pag-asa'y laging bitbit kapit lang, huwag patangay sa problemang nariyan kundi asahang iyan ay mareresolba...

Pitong tableta sa umaga

Imahe
PITONG TABLETA SA UMAGA O, anong bigat ng pag-inom ng mga tableta pito agad umagang-umaga, mabigat, di ba apat munang tableta para sa tuberculosis dalawa namang tableta para sa diabetes anim muna kalahating oras bago almusal at isa pa habang kumakain na ng almusal ikapito ng umaga'y susubo ng tableta upang maagapan ang sakit at magpalakas pa kaya di maaaring gumising ng alas-otso upang masunod ang rotinaryo kong ikapito ng umaga, alas-siyete y medya ang kain mga bitamina'y sa tanghali na iinumin lalo't pitong tableta sa umaga'y anong tindi tila lalamunan ko'y nasasakal, binibigti marahan ang pag-inom, sa una'y nabigla kasi habang maraming tubig yaong lalagukin dini noon nga'y wala pa akong ganoong rotinaryo kakain lang anumang oras pag nagutom ako ngunit dahil sa sakit, kumaing tama sa oras sa loob ng anim na buwan, inumin ang lunas - gregoriovbituinjr. 11.19.2021

Panulat

Imahe
PANULAT tulad ng puno sa gubat na matamis ang prutas patuloy itong panulat sa nalalabing oras kahit yaring pluma'y sibakin pa ng mararahas ipapakitang pagtangan sa prinsipyo'y parehas akala sa kawalan ay laging nakatunganga madalas mang magnilay, patuloy ang pagsagupa balitaktakan ng ideya, pagharap sa sigwa nakikipaggitgitan ngunit di natutulala tinatanim ko'y tamis-anghang na buti ang dulot habang sinusunog ang damo ng pakla at poot upang magbunga ng talagang masarap na pulot na maaaring lunas sa nararanasang gusot di ko papayagang pluma ko'y kanilang bakliin at mga tanim kong puno'y basta na lang tigpasin taludtod at saknong ay di hahayaang sibakin makata'y matatag habang pluma'y patatatagin namamasdan ng makata ang dukhang naghihirap pati pagsasamantala't pang-aaping naganap nais niyang akdain ang pag-ibig at paglingap at isatitik yaong lipunan nilang pangarap - gregoriovbituinjr. 11.18.2021 *  litrato mula sa google

Ka Heber

Imahe
KA HEBER isa si Heber sa inidolo ko nang bata pa dahil may ibig sabihin ang bawat niyang kanta mga awiting nagmulat sa aking mga mata upang maunawa't manindigan para sa masa Nena, Babae, Dukha, Tumindig Ka, anong galing Payag Ka Ba, Lerry, Istambay, Kung Walang Pag-ibig Karaniwang Tao, Almusal, Inutil na Gising Tayo'y Mga Pinoy, ilang sikat niyang awitin sa Banyuhay ni Heber, taospusong pagpupugay liriko ng mga awitin ay napagninilay makadaupang palad siya'y karanasang tunay at nakahuntahan pa si Heber sa kanyang bahay sa inilunsad niyang Paskong Tuyo'y nakadalo ng ilang beses, may tulaan at mini-konsyerto sa kanyang tahanan at pinatula niya ako si Mike Hanopol ang isa sa bumisita rito nakadalo rin kasama ang ibang manunulat nang magtalakay siya sa sining niya't panulat binigyan ko siya ng ilan kong inakdang aklat ako'y binigyan ng album niyang kanta'y pangmulat mabuhay ka, Ka Heber, salamat sa iyong awit pamana mo sa bayan ay liwanag sa pusikit na karimlang...

Hapi 80th Bday, Dad

Imahe
HAPI 80TH BDAY, DAD Dad, maligaya pong ikawalumpung kaarawan nawa'y gumaling po kayo sa inyong karamdaman tumagal pa ang buhay, gumanda ang kalusugan kami naman po'y nasa maayos na kalagayan kayo'y ehemplong amang gabay sa aming paglaki upang kinabukasan ay talagang mapaigi pangaral, pangarap, pangako, payo'y mabubuti kayo'y dakilang tatay na dapat ipagmalaki iwing buhay ninyo'y naabot ang walong dekada maluwalhating narating ang edad na otsenta sana kayo'y gumaling sa sakit na iniinda nawa disgrasya'y maiwasan, kamtin ay biyaya maraming salamat, Dad, taospusong pagpupugay kayo po ni Mommy ang dakila naming patnubay at mabuting gabay sa bawat naming paglalakbay muli, pasasalamat po, Dad, mabuhay! mabuhay! - gregoriovbituinjr. 11.17.2021 * kuha ang litrato sa UP Manila, Setyembre 13, 2007, sa launching ng aking librong Macario Sakay, Bayani, na nilathala ng Kamalaysayan (Kaisahan ng Kamalayan sa Kasaysayan), nakatayo si Dad sa likod, katabi ng kapatid kon...

Paalala sa upuan

Imahe
PAALALA SA UPUAN sa terminal ng bus ay may paalala sa silya: "Do not sit here. Let's practice physical distancing  pala nakadisenyo sa sticker, agad mababasa ng sinuman, puwera na lang kung aanga-anga sapagkat mahalaga pa rin ang social distancing o isa o dalawang metrong physical distancing dahil sa salot na pandemyang nagaganap pa rin na di dapat balewalain ninuman sa atin habang kami'y naghihintay na makasakay ng bus magkahalong tuwa't lungkot ang nadaramang lubos kaytinding sadyâ ng pandemyang sa atin umulos na madalas itanong ay kailan matatapos paluwas na kami ni misis tungong kalunsuran patuloy ang social distancing dahil kailangan at panibagong hamon ang kinakaharap naman sa pagdatal muli sa lungsod na pinanggalingan - gregoriovbituinjr. 11.16.2021, gabi

Paluwas

Imahe
PALUWAS paluwas na kami ni misis, paluwas na kami pakiramdam ay di maapuhap, walang masabi inihahanda kong mabuti ang aking sarili upang nabinbing tungkulin ay magawang maigi nais kong gampanang husay ang naiwang trabaho bilang opisyal sa samahan ng dukha't obrero ako na'y makauuwi sa  pinanggalingan ko habang ninanamnam ang mga karanasan dito sana, walang anumang balakid mamayang gabi sana'y tuloy na tuloy na ang aming pagbiyahe sana, lumakas na ako sa sakit na sakbibi sana, pulos sana, habang ngayon ay nagmumuni sintigas man ng kamao yaring paninindigan di maninimdim ang katulad kong para sa bayan at hahataw muli't pasisiglahin ang katawan lalo't daratal sa pinanggalingang kalunsuran - gregoriovbituinjr. 11.16.2021

Tiket sa CR

Imahe
TIKET SA CR Biyernes, sa ospital, may binigay ng umaga subalit hapon ko pa makukuha ang resulta kaya sa pamilihang bayan muna'y nagmeryenda hanggang nakaramdam kaya nagtungo sa kubeta limang piso ang jingle, pag nagbawas, sampung piso mabuti na rin, malinis naman ang C.R. dito kayhaba pa ng oras upang resulta'y kunin ko kaya tumambay muna kung saan, nagutom ako inabutan ng tanghali, nananghalian na rin sa ikalawang palapag ng palengke kumain ah, sa hapon pa sa ospital resulta'y kukunin habang naghihintay, sa C.R. muna'y bumalik din sa jingle na'y nakasampung piso, dalawang beses patunay riyan ang binayarang dalawang pases mahirap naman kasing ang pantog mo'y tinitiis sa C.R. nga'y jumingle, habang ako'y nagpapawis - gregoriovbituinjr. 11.16.2021

Bawal

Imahe
BAWAL bawal ang paggamit ng plastic bag at styrofoam sa isang lungsod ay talagang ordinansa roon sa ating mamamayan ay isang malaking hamon kung paano natin aayawang gamitin iyon huwag gumamit ng plastic bag sa pamimili mo halimbawa'y bayong o nabubulok gaya nito huwag gumamit ng styrofoam sa pagkain mo dahil microplastic ang mapapaloob sa iyo para sa kalikasan ang nasabing ordinansa dahil labis na ang gamit na nagiging basura di nabubulok, babara sa kanal, at iba pa na epekto'y malaki sa kalikasan at masa ang karagatan nga'y tadtad na ng upos at plastik kakainin mo'y isdang kumain ng microplastic baka tayo magkasakit at talagang hihibik mabuti't sa problemang ito'y mayroong umimik ang ordinansang iyon ay paalalang matalim upang sa mga basurang iyon ay di manimdim upang ilog, sapa't karagatan ay di mangitim na dapat kalikasan ay alagaang taimtim - gregoriovbituinjr. 11.16.2021

Magbasa-basa

Imahe
MAGBASA-BASA minsan sa kisame'y nadadatnang nakatingala pinanonood ang mga gagambang nagsagupa habang sa suot kapayatan ko'y nahahalata anuman ang mangyari, dapat tayong laging handa kaya ngayon ay nagbabasa ng maikling kwento na balang araw ay maging kwentista ring totoo bilang preparasyon sa nobelang kakathain ko at masulat ang dula't dagling nasa aking noo maaaring simulan sa makatarungang hari nang papugutan ng ulo ang malibog na pari may isang magsasakang ginawa'y kapuri-puri habang nag-alsa ang manggagawa laban sa imbi kaya magbasa-basa ng mga kwentong may kwenta may iyakan, may labanan, may inis, may patawa aralin ang bawat estilo ng mga kwentista magkwento ka't pag-alabin ang damdamin ng masa - gregoriovbituinjr. 11.15.2021

Resulta

Imahe
RESULTA noong Biyernes nang magpunta ako ng umaga isinumite ang maliit na boteng may plema upang suriin ito ng mga espesyalista noong hapon ding iyon ko nakuha ang resulta madaling araw gumising at maagang umalis pagkasumite'y ilang oras naghintay ng release ng resulta dahil nagka-T.B.'t may diabetes gamutan pang anim-na-buwan ang ipagtitiis kung di pa luluwas, aba'y di pa magpapa-check up kung di nagka-covid, di maiisip magpa-check up tila kalusugan ay nababalewalang ganap may sakit na'y di pa alam, kaya di nalilingap nang makuha ang resulta'y agad pinabasa ko sa doktor, iyon nga, matagal na gamutan ito sabi niya, mabuti't naagapan ngang totoo dahil kung tumagal pa'y baka mahirapang todo - gregoriovbituinjr. 11.15.2021

Esensya ng buhay

Imahe
ESENSYA NG BUHAY di mahalaga sa akin ang ginto man o pera kundi esensya ng buhay, bakit nabubuhay pa iyon ang mahalaga sa pag-iral ko tuwina hirap man ay patuloy sa paglilingkod sa masa ayokong maghanap ng pera sa buong panahon na di mo na namalayang tumanda kang ganoon na magbayad ng utang ang nasa isip maghapon nabubuhay lang upang magbayad ng utang doon iyon ba ang esensya ng buhay? di mo matiyak? na kaya ka nabuhay upang dumaan sa lubak? na dinaranas mo ngayon ay gumapang sa lusak? dahil sa sistemang bulok, kayraming hinahamak minsan, bato sa lansangan ay sinisipa-sipa tila baga wala silang kabuluhan sa madla kung bato'y titipunin, mga graba silang sadya at sila'y sangkap sa mga gusaling magagawa natagpuan ko na kung saan ako nababagay sa parlamento ng lansangan nga'y magpakahusay sa pakikibakang masa, sa mga isyung tunay pagkatha ng tulâ, pagsulat ng kwento't sanaysay nariyan ang esensya ng abang buhay kong iwi ang makapaglingkod sa bayan, sa masa, sa uri itayo ang...

Ang maging makatâ

Imahe
ANG MAGING MAKATÂ "To be a poet is more than a hobby, more than a profession - its a divine calling." ~ Maria Criselda Santos ang maging makata'y higit pa sa isang libangan na nawiwili ka lang gawin at nasisiyahan ito'y higit pa sa propesyon o hanapbuhay man pagkat ang maging makata'y tawag ng kabanalan ito'y kaygandang sambit ni Maria Criselda Santos sa f.b. page na Quote in the Act ay nakitang lubos ang maging makata'y banal kahit binubusabos tila ba ako'y banal na tinawag kahit kapos kalakip ng kanyang sinabi'y may mga litrato ng makatang magagaling sa historya ng mundo naroon sina William Shakespeare at Edgar Allan Poe pati na sina Balagtas at Emilio Jacinto anong sarap pakinggan ng kanyang mga tinuran makata'y nasa toreng garing o langit-langitan subalit ako'y manunulang sanay sa putikan at di maisip na ginagawa ko'y kabanalan lalo't may sinasagasaan ang mga tula ko na laban sa pagsasamantala't kapitalismo ako man ay kasama...

Kalusugan

Imahe
KALUSUGAN napapansin kong maraming nagkasakit at kapos na ang pandemyang ito ang sa kanila'y umulos subalit nais kong tumulong sa mga hikahos nais ko ring magboluntaryo sa Philippine Red Cross lalo't dinanas kong ma-covid at nagpapagaling kaya pagboluntaryo'y bahagi ng pagkagising dapat may kasanayan ako, natapos na training tulad ng first aid o contact tracing, ngunit di nursing dapat magpagaling habang tumutulong sa iba lalo't may diabetes at tuberculosis pala magbasa hinggil sa kalusugan at medisina pati halamang gamot bilang gawaing pangmasa anumang mapag-aralan ay dapat madalumat bilang makatâ, bilang matiyagang manunulat marahil sa ganito'y makatulong akong sapat at ibahagi sa masa anumang naisulat - gregoriovbituinjr. 11.14.2021

Tabletas

Imahe
TABLETAS dapat mga gamot ay tuloy-tuloy kong inumin mula sa reseta ng doktora'y binili namin dalawang klaseng tableta itong dapat lulunin may nakasulat sa kahon na mahigpit na sundin isa'y tatlong beses kada araw, kapag kainan ibig sabihin, agahan, tanghalian, hapunan subalit ang isa pa'y dalawang tableta naman medya ora bago agahan, sa buong sambuwan nagpa-check up muna bago sa probinsya umalis dahil nagka-covid, ilang linggo ko ring tiniis nakitang resulta'y pulmonary tuberculosis iyon daw ay sanhi dahil ako'y may diabetes mula Benguet General Hospital ay nagdesisyon na lilipat kami ng ospital sa Lungsod Quezon may trabaho na kasi si misis malapit doon ako'y babalik na rin sa aking trabaho roon anang doktora'y anim na buwan daw ang gamutan mahirap namang pabalik-balik sa lalawigan bawat payo ng doktora'y aming gagawin naman umaasang gumaling, gumanda ang kalusugan - gregoriovbituinjr. 11.14.2021

Pagkatha

Imahe
PAGKATHA di pa rin ako titigil sa paggawa ng akda kahit namroblema sa isang pesbuk kong nawala di pa rin ako titigil sa pagkatha ng tula wala mang mag-like sa pesbuk ng binahaging katha kung meron mang mag-like, isa, dalawa, o tatlo man pasasalamat ang tanging masasabi ko na lang marahil, ayaw ng di nag-like ang kaparaanan ko ng pagtula, o yaong paksa'y di nila ramdam nagsimula sa pagiging dyornalistang pangkampus naging features literary editor kahit kapos hanggang lumabas ng kolehiyo't nakipagtuos laban sa sistemang bulok, kakampi ang hikahos hanggang ngayon, tuloy ang pagdalumat at pagsulat sa landas ng putik ay patuloy sa pagmumulat mga prinsipyo't diwang sa proletaryo nagbuhat kasuhan man, isusulat gaano man kabigat pagsulat ng sanaysay ang akibat kong tungkulin pagkatha naman ng tula'y niyakap kong layunin iyan ang daluyan ng adhika, dusa't panimdim diyan dumadaloy ang aking liwanag at dilim anumang paksâ sa paligid ay bibigyang buhay isyu man ng manggagawa...

Pesbuk

Imahe
PESBUK di ko na mabuksan pa ang pesbuk kong pampamilya di ko kasi na-update iyon nang magsabi siya nalimutan nang tinawag ni misis ng "Kain na!" nalimutan ang deadline o ibinigay na petsa gamit ko pa naman iyon ng labingtatlong taon laksang kasaysayan pa naman ang natipon doon Climate Walk, Yolanda, Paris, litrato'y naroroon kaklase, kaibigan, alaala ng kahapon naroon din ang kapuso, kapamilya, kapatid kayrami pa namang tulang sa masa'y inihatid pati kaalamang ibinahagi't pinabatid Nobyembre Trese nang pesbuk kong iyon ay mapatid di ko lang siya mabuksan subalit di nawala sana kahit di na mabuksan ay huwag mawala bago pesbuk, friendster at multiply ko na'y nawala na kayrami ko ring naipon doong mga akda tinuturing kong mga akda'y gintong kalipunan ng pinagdaanan, karanasan ko't kasaysayan kung nais mo akong makilala, sa pesbuk tingnan makatâ mang gipit, mga akda'y para sa bayan Nobyembre Trese, alas-tres ng hapon nang mawalâ may ibabahagi pa naman ...

Liway

Imahe
LIWAY wala akong talasalitaan nang patunayan ngayon upang saliksikin ano bang kahulugan talaga ng LIWAY na sagot sa palaisipan kundi nakabatay lang sa naroong katanungan nasa tanggapan sa Pasig ang aking diksyunaryo sangguniang U.P. Diksiyonaryong Filipino na di nadala sa probinsya kung nasaan ako at malaking tulong sana sa pagsusulat dito sa labing-apat pahalang, kakaiba ang tanong "Hindi kinakapitan ng sakit,"  ano ang tugon tingnan ang pababa't pahalang, ano kaya iyon LIWAY ang sagot, at may salitâ palang ganoon kung tao man iyon, aba'y sino kaya ang LIWAY sila ba'y may agimat sa pagbubukang-liwayway dito kaya ipinangalan si Kumander Liway di kinakapitan ng sakit, malusog, matibay paano maging LIWAY upang di tablan ng sakit tulad ba ng anting sa saging, ito'y aking hirit salamat sa palaisipan, sa tulad kong gipit may salitang LIWAY, pag-asang hahanaping pilit - gregoriovbituinjr. 11.14.2021

Mapulang hasang

Imahe
MAPULANG HASANG namumula ang hasang, kapara'y sariwang isda na sa anupamang sagupaan ay laging handa tila bakal ang kaliskis nilang nakahihiwa habang sugatang makata'y tila di makakatha dapat magpalakas, muling papulahin ang hasang bagamat di na pwedeng maging manggang manibalang di man maging galunggong ay pating na kung sa gulang may karamdaman man, bumabalik ang dating tapang di dapat laging putla ang hasang, kundi'y mapula may sakit man ay titindig ng matikas sa masa kumbaga'y kaya pa ring tanganan ang manibela na malalim man ang tubig ay kayang sisirin pa dapat pula pa rin ang hasang ng tulad kong tibak upang patuloy na ipagtanggol ang masa't hamak upang mapalago pa ang tinanim sa pinitak upang makata'y di naman gumagapang sa lusak - gregoriovbituinjr. 11.13.2021

Tahimik man

Imahe
TAHIMIK MAN di ako nananahimik kahit mukhang tahimik dahil ramdam ng puso't diwa ko ang mga hibik ng mga pinagsamantalahan at pinipitik, ng mga tinotokhang, ng binabaon sa putik, pati nalulunod sa laot ng upos at plastik malapit na ang Dakilang Araw ni Bonifacio at Daigdigang Araw ng Karapatang Pantao tahimik man ay di natatahimik ang pluma ko buong puso't kaluluwa'y titindig pa rin ako upang magpahayag at tumula sa entablado para sa kalikasan at hustisyang panlipunan nais kong maglakad muli sa landas na putikan di ako matatahimik pag ako'y wala riyan pakiramdam ko'y sinikil ang aking karapatan na para bang nakamtan ko na'y luksang kamatayan tahimik lang ako, subalit di nananahimik tahimik man ako ngunit ayokong manahimik sige, subukan lang nilang ako'y mapatahimik subalit aking pluma'y tiyak na di tatahimik tanging sa kamatayan lang ako mananahimik - gregoriovbituinjr. 11.13.2021

Bitamina D

Imahe
BITAMINA D bakit ang manok ay nag-iisang nagpapainit nakasalampak lang sa yerong tiyak nang mainit nais magpalakas, sa sarili'y may malasakit di man samahan ng mga manok na makukulit nagsa-sunbathing kahit wala sa dalampasigan natanaw ko lang siya't agad na nilitratuhan anumang kwento niya'y wala akong kabatiran bakit siya nagpapainit ay tulad ko rin lang kapara ng Mulawin na sa araw nagmumula ang lakas upang mga katawan nila'y sumigla tulad ko ring nagpapaaraw sa umaga pa nga upang Bitamina D ay makamtan nating sadya wala man tayong ugatpak tulad nilang Mulawin pagpapainit sa araw ay magandang mithiin pagpapalakas ng katawan ang ating layunin upang anumang sakit ay mapaglaban natin magpaaraw at palakasin ang buto't kalamnan upang Bitamina D ay taglayin ng katawan ngunit di sa tanghaling tapat, kundi umaga lang sapat na init lang upang sakit ay maiwasan - gregoriovbituinjr. 11.13.2021

Aliwan

Imahe
ALIWAN aliwan ko na ang pagsagot sa palaisipan na sa libreng oras ay sadyang kinagigiliwan pinakapahinga ko na ang nasabing aliwan sagot lang ng sagot at matututo ka rin naman aba'y kayrami ko na palang nabiling ganito natapos ko ang iba't minsan binabalikan ko ang mga salitang sinasama sa tula't kwento sadyang kapaki-pakinabang ang libangang ito may nakakalito rin minsan sa mga katagâ kaya susuriin mo ang pahalang at pababâ pag natiyak ang tamang sagot, ilagay mong sadyâ may salitâ ngang dito lang nabatid ng makatâ tarang maglibang, sa palaisipan ay magsagot sa una lang naman ang noo mo'y mapapakunot ngunit masasagutan mo't di na pakamot-kamot at kasiyahan ang tiyak sa iyo'y idudulot - gregoriovbituinjr. 11.13.2021

Halamang gamot

Imahe
HALAMANG GAMOT may dalawang pampletong dapat ko palang basahin hinggil sa halamang gamot na marapat alamin sa sakit ko'y anong magandang katas na inumin mula sa halamang gamot, ito'y dapat aralin magbasa muna, sa dalawang pampleto'y tumuon una'y nabili ko noon pang nakaraang taon ikalawang pampleto'y nabili ko lang kahapon napadaan sa bilihan at natsambahan iyon nakita sa check up, mayroon akong diabetes na sanhi kaya may pulmonary tuberculosis ano bang halamang gamot upang ito'y maalis o kaya tinamaang baga't bituka'y luminis kumain ng kasoy, di ang buto, kundi ang bunga ilaga ang dahon at bulaklak ng sitsirika ilaga ang balat ng puno't dahon ng banaba at pakuluan din ang dahon ng Damong Maria sa dahon at ugat naman ng kogon ay gayon din sa T.B., bulaklak ng lagundi'y ilaga mo rin pinakuluang ito'y parang tsaa mong inumin ito'y isang pag-asa upang tuluyang gumaling kaya naisip kong magsimulang magtanim bukas kahit sa pasô ng mga itong at...

Paksâ

Imahe
PAKSÂ samutsaring paksa'y napulot ko sa panaginip o kaya ay gising na ako habang nakapikit gising ang diwa, nagninilay habang naiidlip kaya kung anu-ano ang naritong nalilirip pag nakakita ka ng bangin, huwag kang tatalon pag nalanghap ay sariwang hangin, huwag lumulon pag nakukuha ka sa tingin, huwag mong ituon pag nakita'y bakbakan, saan ka naglilimayon panaginip ang naiisip habang natutulog ngunit agad magigising pag narinig ang kulog parang totoo ang pelikula, buti't niyugyog kasama bilang aktor sa Titanic na lumubog sinabi sa panaginip ang samutsaring paksâ ibinulong ng diwata ano bang itutulâ kaya ngayong pagkagising ay tila namamanghâ buti't di namamanglaw kundi ngayon ay masiglâ - gregoriovbituinjr. 11.13.2021

Ako

Imahe
AKO hangga't nasa bundok, di ako ang tunay na ako tila baga hiram lang ang tangan kong pagkatao mapagkunwari, nakikisama sa tagarito mapagpanggap, ibang-iba sa tangan kong prinsipyo animo'y naghihingalo na ang tunay na ako nais kong mabuwal sa sariling pinanggalingan doon sa lansangan at putikan kong nilakaran kaysa langit na kunwari'y nagbabait-baitan mabuti pa sa impyernong masiglâ ang katawan at nasang lipunang makatao'y matupad naman sa tunay kong pagiging ako'y nais kong bumalik kaysa nagkukunwari sa bundok at walang imik sinasayang lang ang buhay na doon isiniksik lalo't isyu ng bayan ay dinig kong hinihibik ng obrero, pesante't dukhang dapat isatitik ako'y makatâ ng putik, makatang maglulupâ ako'y makatâ ng lumbay, na tula'y luha't sigwâ ako'y makatâ ng dalitang ano't namumutlâ at sa uring proletaryo'y makatang laging handâ na misyong isatitik ang laksang isyu ng madlâ - gregoriovbituinjr. 11.12.2021

Hamon ng aklat

Imahe
HAMON NG AKLAT nakabili ako sa Bookends ng dalawang aklat isa'y hinggil sa maikling kwento ng manunulat na may mga komentong dapat ding araling sukat isa'y nobela ni Isaac Asimov na sikat na nobelista ng sci-fi, buti't aking nabuklat sa Bookends nga'y kaytagal ko nang nais makapunta at nagkaroon lang ng pagkakataon kanina upang diwa'y paunlarin sa bagong mababasa at mapaunlad ang kasanayan bilang kwentista mula sa pagtulâ, aba, ako'y magkukwento na may aklat akong kalipunan ng maikling kwento na nilathala na noon ng Aklatang Obrero iyon ang unang sampung maikling kwentong akda ko subalit di na nasundan pa ang libro kong ito sana'y makagawa muli ng panibagong kwento taospusong pasasalamat sa pagkakataon upang mabili ang mahahalagang librong iyon ang halaga'y discounted pa, aba'y salamat doon pagsulat pa ng science fiction ay malaking hamon tila ako'y tinawag, at agad akong tumugon - gregoriovbituinjr. 11.12.2021 *  ang  BookEnds  ay isang bookstor...

Kalma lang

Imahe
KALMA LANG kalmado pa rin ba ang dagat kahit na basura'y nagkalat kahit maraming nabibinat kahit covid na'y sumambulat kalmado pa rin ba ang loob kung ako'y di nakapagsuob kung sa layon ay di marubdob kung sa dibdib ay pulos kutob kalmado pa rin ba ang puso kung nawala na ang pagsuyo kung pag-ibig na ay naglaho kung dumatal na ang siphayo kalma lang, ang payo sa akin problema'y huwag didibdibin anupaman ang suliranin iyan ay may kalutasan din - gregoriovbituinjr. 11.12.2021

Habilin

Imahe
HABILIN pag ako na'y binurol, may tatlong gabing tulaan unang gabi'y para sa grupong makakalikasan ikalawa'y sa kapwa makata, pampanitikan ikatlo'y luksang parangal, tulaan sa kilusan habang libing o kaya'y kremasyon kinabukasan wala na akong ibang hihilingin pa sa burol pagkat sa panahong iyon ay di na makatutol bahala na ang bayan kung anong kanilang hatol sana, sa huling sandali, pagtula'y di maputol datapwat may isang hiling pang nais kong ihabol sa lapida'y may ukit na maso na siyang tanda na ako'y tapat na lingkod ng uring manggagawa sa ilalim ng pangalan, nasusulat sa baba: "Makatang lingkod ng proletaryo, bayan at madla Mga tula'y pinagsilbi sa manggagawa't dukha" pinagmamalaki kong ako'y nagsilbi ng tapat bilang aktibistang mulat at kapwa'y minumulat tungo sa lipunang makatao't lahat ay sapat makata akong taospusong nagpapasalamat sa kapwa tibak, sa kamakata, sa inyong lahat - gregoriovbituinjr. 11.12.2021

Haplos

Imahe
HAPLOS ramdam ko ang paghaplos ni misis bago siya kanina umalis haplos na tanda ng paglalambing kahit di man muna magkapiling may trabaho siya sa Maynila ako'y naiwang di makahuma walang kibo o di makaimik nasa isip ay isinatitik gayunman, nanatili ang haplos na ngayong gabi'y yakap kong lubos nawa'y magawa lahat ng bilin di man makatulog ng mahimbing at inumin ang mga tableta batay sa nasulat sa reseta sana'y gumaling na akong lubos sana'y madama muli ang haplos - gregoriovbituinjr. 11.11.2021

Punyagi

Imahe
PUNYAGI di ako nakasamang lumuwas ni misis tungo sa kalunsuran; sa check up ay babalik pa bukas upang magpatuloy ang gamutan kayraming dagdag alalahanin: ang pulmonary tuberculosis nang doktor ay kanya pang sabihin na T.B.'y dahil may diabetes tila isang kanyon ang pumutok na mukha'y akin ngang nilamukos mga plema'y dapat kong matutok kailan ba ito matatapos ah, nais ko nang lumuwas sana ngunit sakit ayokong lumalâ mga plano man ay napurnada katawan muna'y gawing masiglâ subalit ako'y magpupunyagi upang di na magsisi sa huli bukas muli'y magbakasakali payo ng doktor, dingging maigi - gregoriovbituinjr. 11.11.2021

X-ray

Imahe
X-RAY natamaan nga ang baga ko, komento ni misis nang mabasa ang resulta ng x-ray, nang ma-release ako pala ay may pulmonary tuberculosis baka epekto ng covid na sa akin dumaplis dapat magsaliksik upang di na ito lumubha dapat kong aralin ano ito't dapat magawa noong nagka-covid, ang oksiheno ko'y bumaba naagapan naman iyon, buti't di na lumala di man colored, nakababahala ring magka-T.B. ingatan ang katawan, umuwi agad sa gabi bagamat patuloy pa ring sa bayan nagsisilbi kung makaramdam ng anuman ay agad magsabi bawat nangyayari'y agad namang itinutulâ pagkat ito ang kasanayan ng abang makatâ kwento ng sakit at paggaling ay nasasaakdâ animo'y paalalang mag-ingat at maging handâ - gregoriovbituinjr. 11.11.2021

Bago lumuwas

Imahe
BAGO LUMUWAS bago lumuwas ng Maynila, nagpa-check up muna nang malaman kung sa katawan ko'y may nasira ba nagpa-antigen, buti't negatibo ang resulta xray, testing ng dugo, general check up talaga mula sa lalawigan kung saan ako na-covid pa-Maynila na kami ni misis, walang balakid anumang resulta ng check up ay dapat mabatid upang kung mayroon mang sakit ay di na malingid sa pagbalik ng Maynila'y makikipag-face-to-face sa mga kasama sa planong aming kinikinis sabagay, sa tungkulin ko'y ayokong nagmimintis na ginagampanan kong tapat dugo ma'y itigis paluwas na kami ni misis, magpapa-Maynila siya'y may bagong trabaho, ako'y dati, siyanga magsaliksik, magsalin, magsulat, katha ng katha bilang secgen ng org, may trabahong dapat magawa kaya dapat talagang magpalakas ng katawan sakit ay labanan at ang sarili'y pag-ingatan palusugin ang bawat kalamnan, puso't isipan upang tungkuling atang ay talagang magampanan - gregoriovbituinjr. 11.11.2021

Pagbabasa ang aking kanlungan

Imahe
PAGBABASA ANG AKING KANLUNGAN pagbabasa ang aking kanlungan sa panahong yaring diwa'y lutang kapag buraot ang pakiramdam kapag panlasa'y walang linamnam kapag buryong ay di napaparam sa pagbabasa'y may nararating lalo't puso't diwa'y nagigising kunwa'y patungo sa toreng garing na tambayan daw ng magagaling na makata't awtor na maningning pagbabasa ng maraming paksâ ay malimit ko nang nagagawâ tulad ng balita, kwento't tulâ upang diwa'y mapagyamang sadyâ lalo't akda'y nagbibigay-siglâ taospusong nagpapasalamat ang inyong lingkod sa dyaryo, aklat, magasin, isyung nahahalungkat pagbabasa'y kanlungan kong sapat upang maging dilat at mamulat - gregoriovbituinjr. 11.10.2021

Bawal bata

Imahe
BAWAL BATA bawal ang bata sa upuan sa harapan ng dyip di nakaligtas sa akin ang paskil na nahagip agad nilitratuhan pagkat aking nalilirip na wasto ang nakasulat, at ako'y napaisip na kaligtasan agad ng bata ang kahulugan halimbawa'y isang sanggol na ina ang may tangan o bata mang di pa pumapasok sa paaralan na pag biglang nagpreno ang dyip, di sila masaktan ang kaligtasan ng mga bata'y malaking hamon lalo't magulang, patunay ang paskil na ganoon kaya magaling talaga ang nakaisip niyon kung batas na ito'y saludo sa nagpasa noon bawal ang bata ipwesto sa madaling disgrasya sa loob man ng dyip, malayo sa pintuan sila na sa biglaang preno'y tumilapon, mahirap na sa naglagay ng paskil, salamat at mabuhay ka! - gregoriovbituinjr. 11.10.2021

Sa Fab

Imahe
SA FAB nandito akong muli sa paboritong FabCaffe datapwat di kape, iniinom ko'y tsokolate mainit na Dark Choco habang nagmumuni-muni tangan ang pluma, tikim-tikim, anong sarap kasi isa ito sa mga malimit kong pagtambayan kung nais mo akong mahanap ay dito puntahan at bakasakaling ako'y dito mo matyempuhan inom lang ng inom habang may pinagninilayan mamaya, isusulat na kung anong nalilirip pagkat sa pagmumuni'y marami akong nahagip tinula ko'y basahin mo't di ka na maiinip at mababatid mo na rin ang nasa aking isip kaya sa FabCaffe, taospusong pasasalamat pagkat dito'y nakaka-relax na't nakasusulat at kung may suliranin man o ang puso'y may sugat umorder lang at tumambay sa FabCaffe na'y sapat - gregoriovbituinjr. 11.10.2021

Paalala sa dyip

Imahe
PAALALA SA DYIP makatawag-pansin yaong paskil sa nasakyang dyip matapos magpa-antigen, buti't di na positive piniktyuran ko ang paskil na kayganda ng hirit mangingiti ka sa  "Bawal ang Kabit, Este Sabit" dyip sa Baguio iyon, marahil pagsunod sa batas kung may batas ngang ganito'y di ko pa nawawatas sa Maynila ko unang nakita't tila paglutas laban sa sumasabit at nang-aagaw ng kwintas kaya seguridad iyon para sa pasahero upang walang basta sumabit sa mga estribo lalo't may mga isnatser na mabilis tumakbo kinawawa ang biktimang papasok sa trabaho bawal na ang kabit, bawal pa ang sabit, kayganda palabiro man sa paskil, sadyang matutuwa ka sa pasahero'y seguridad na, paalala pa salamat sa nakaisip ng paskil, mabuhay ka! - gregoriovbituinjr. 11.10.2021

Sa aklatan

Imahe
SA AKLATAN kung sakaling makabisitang muli sa aklatan nais kong maghapon doon, kahit walang kainan magbabasa, magsasaliksik, magsusulat lamang pagbabasa sa aklatan ay gawaing kay-inam subalit sa pampublikong aklatan ay may oras na pagdating ng alas-singko'y dapat nang kumalas; ngunit kung may sariling aklatan, di na lalabas makakapagbasa ka kahit na papungas-pungas bumili ka ng aklat, mag-ipon ng babasahin at sa mga libre mong oras, saka mo basahin magbasa ka kahit abutin pa ng takipsilim baka marami kang matuklasan at tutuklasin dahil ang bawat aklat ay para na ring kapatid pagkat kayraming kaalamang doon mababatid mga mensahe ng awtor sa diwa hinahatid kaya maraming sikretong sa iyo'y di na lingid - gregoriovbituinjr. 11.10.2021

Sagipin ang ating planeta

Imahe
SAGIPIN ANG ATING PLANETA kwaderno'y binili dahil sa magandang pamagat kwadernong tinataguyod ang daigdig ng lahat na mundong tahanan ay alagaan nang maingat upang di mapariwara ng ating gawa't kalat sulatan ng mga katha't ng samutsaring paksa tungkol sa nangyayari sa kalikasan at madla tungkol sa nagbabagong klimang ano't lumalala ang basurang plastik at upos, nakakatulala "Save   Our   Planet,"  ang planeta natin ay sagipin panawagang ito'y magandang layon at mithiin sino pa bang magtutulong-tulong kundi tayo rin na nananahan sa nag-iisang daigdig natin tara, pag-usapan natin paano isasalba ang tangi nating daigdig, ang tahanang planeta pagtibayin ang dapat na plataporma't programa para sa planeta'y magkapitbisig, magkaisa - gregoriovbituinjr. 11.09.2021

Makatang nars

Imahe
MAKATANG NARS taasnoong pagpupugay sa Pinay, nars, makata na nagwagi sa British poetry, kahanga-hanga pangalan niya'y Romalyn Ante, anang balita sa Jerwood Compton Poetry Fellows napabilang nga doon sa Britanya, isa siyang tala sa gabi sadyang nagniningning ang pangalang Romalyn Ante na co-founding editor pa ng Harana Poetry na online magazine na sa Ingles kinakandili di lang makata, tranlator, editor pa't essayist nars din siyang dalubhasa sa psychotherapeutic treatment, at marami pa siyang award na nakamit tunay siyang makatang dangal ng bansa ay bitbit sa makatang nars, ipagpatuloy mo ang pagkatha bagamat Pinay kang naririyan sa ibang bansa mga nakamtan at nagawa mo'y kahanga-hanga sana maisaaklat na ang iyong mga tula - gregoriovbituinjr. 11.08.2021 *  litrato mula sa ulat sa tabloid na Abante, isyu ng Nobyembre 8, 2021, pahina 9

Climate Justice Now!

Imahe
CLIMATE JUSTICE NOW! sa pangwalong anibersaryo ng bagyong Yolanda sa panawagang  Climate   Justice  ay nakikiisa lalo't COP26 sa Glasgow ay nagaganap pa kayraming delegadong tinatalakay ang klima bakit nakiisa ako sa gayong panawagan isa ako sa nakapunta noon sa Tacloban nang sumamang magbigay ng relief goods ang samahan sa mga nasalanta ng Yolanda't namatayan at isang taon matapos iyon, ako'y nagpasya sa mahabang lakaran, ang  Climate   Walk , ay sumama tutungo kami sa Tacloban mula sa Luneta naglakad mula Oktubre Dos, at lakad talaga ilang lalawigan at bayan-bayan ang tinawid upang mensaheng  Climate   Justice  ay aming ihatid bakit klima'y nagkaganyan, anong dapat mabatid anong magagawa ng mga gobyerno't kapatid nakapaang nilakad ang tulay ng San Juanico at nakarating sa mismong unang anibersaryo ng bagyong Yolanda sa Tacloban, Nobyembre Otso kita'y barko sa lupa't puntod ng mga yumao makalipas ang isang taon ay naglakad naman sa ibang bansa, k...

Delta

Imahe
DELTA paano ba patutungo sa lungsod na katabi na mula sa amin ay halos pitong kilometro ayon sa ulat, delta variant doon ay kaytindi pagkat nang bilangin, higit sandaan ang may kaso ang ganoong ulat ba'y ipagwawalang bahala nais man doong pumunta't may aasikasuhin ay di mo agad magawa pagkat nababahala kailangang papeles man ay dapat atupagin magkagayunpaman, dapat pa rin tayong mag-ingat lalo ngayong may delta variant na nananalasa ito'y uri ng coronavirus, ayon sa ulat, na mas matindi pa raw kaysa covid na nauna bukod sa delta, may beta variant pang binabanggit na ayon sa balita'y may limampu't limang kaso nagka-covid na ako't ayaw muling magkasakit kaya kalusugan ay pag-ingatan ngang totoo - gregoriovbituinjr. 11.08.2021 *  litrato mula sa tabloid na Pilipino Star Ngayon, Nobyembre 8, 2021, pahina 9

Kartilya

Imahe
KARTILYA dinaraos tuwing ikapito ng bawat buwan, ikapito ng gabi, pulong na makasaysayan doon binabasa ang Kartilya ng Katipunan sa isang seremonyang talaga namang dibdiban tulad ng petsa ngayon, ikapito ng Nobyembre na dinaraos kahit nasa malayo man kami sumabay man sa Dakilang Rebolusyong Oktubre  ikasandaang apat na anibersaryo nire maraming salamat sa pangkat ng Kamalaysayan o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan na tuwing sumasapit ang ikapito ng buwan ay sinasariwa ang Kartilya ng Katipunan ito'y Kartilyang patnubay sa pagpapakatao pawang inaaral bago maging Katipunero sinulat, pinagtibay, pinalaganap sa tao nina Gat Andres Bonifacio't Emilio Jacinto higit dalawang dekada ko nang sinasabuhay ang Kartilyang itong sadyang isinapusong tunay nakikibaka, maralita't obrero'y karamay halina't itaguyod sa madla ang gintong gabay - gregoriovbituinjr. 11.07.2021

Wika ng bayani

Imahe
WIKA NG BAYANI ang hindi magmahal / sa sariling wikà ay higit sa hayop / at malansang isdâ wika ng bayaning / tanyag at dakilà pamana sa bayan, / sa puso tumudlâ ang magsamantala / sa obrero't dukhâ ay kapara na rin / ng kuhila't lintâ ang sistemang bulok / na kasumpa-sumpâ ay dapat baguhin / at palitang sadyâ taludtod at saknong / ng abang makatâ ay mula sa danas / bilang maglulupâ na pag sinaliksik / ang mga salitâ mauunawaan / ang kanyang tinulâ hinggil sa obrero't / mga maralitâ yaong karaniwan / niyang mga paksâ pinag-uukulan / ng panahong sadyâ upang nasa loob / ay kanyang makathâ payo ng bayaning / tayo'y maging handâ sa anumang oras / dumaan ang sigwâ upang mailigtas / ang mga binahâ at upang masagip / ang mga nabasâ - gregoriovbituinjr. 11.07.2021 *  litrato mula sa google

Sahod

Imahe
SAHOD isinusulat kong pataludtod ang nakakaawa nilang sahod parang hinihintay sa alulod patak ng kanilang paglilingkod pag paksa'y ganyang nakakaluhâ pagtula'y di na nakakatuwâ ngunit may tungkulin ang makatâ na masa'y ipagtanggol sa tulâ kahit makata'y di mapalagay bawat isyu'y unawaing tunay kalutasang dapat matalakay sahod at lakas-paggawa'y pantay paano ang dapat nilang gawin upang mga ito'y pagpantayin pagkat iyon ang dapat tanggapin nilang mga sahurang alipin dapat ay makatarungang sahod para sa obrerong naglilingkod makatarungan, pantay na sahod upang di na sila manikluhod sa produktong kanilang nalikha may kapantay na lakas-paggawa subalit di mabayarang tama bigay lang ay sahod na kaybaba negosyo raw kasi ay babagsak kahit sila'y tumubo ng limpak obrero'y gumapang man sa lusak di ibibigay ang sweldong tumpak anang isang namimilosopo subukan mo kayang magnegosyo upang ang ganito'y malaman mo bakit dapat baratin ang sweldo at di dapat bayar...