Pag-idlip

PAG-IDLIP

narinig kong tila may alingasngas sa karimlan
kaya sa oras na iyon ay naalimpungatan
anong klaseng nilalang ang mga nagtatawanan
mga malignong lasing, mga sugapa sa daan

at bumalik ako sa pag-idlip dahil sa antok
nakaririndi pala ang kanilang mga sinok
maya-maya pa'y may narinig akong mga putok
sila ba ang namaril o sila ang nangalugmok

di ko kaya ang antok at muli akong umidlip
sa labasan ay di ko na nakuha pang sumilip
o baka naman ito'y isa ko lang panaginip
gigising na lang bukas baka balita'y mahagip

at ang musa ng panitik sa akin ay dumalaw
naroroon lang siya sa gilid ng balintataw
animo siya'y nasa ulap nang aking matanaw
may bata sa kanyang kandungan at pumapalahaw

- gregoriovbituinjr.
11.22.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot