Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Abril, 2021

Manggagawa't maralita sa Mayo Uno

Imahe
MANGGAGAWA'T MARALITA SA MAYO UNO handa rin ang maralitang samahan ang obrero sa Daigdigang Araw ng Paggawa, Mayo Uno sapagkat sila'y magkauri sa lipunang ito silang pawang mga walang pag-aaring pribado mabuhay ang uring manggagawa at maralita magkasamang naninindigan upang makalaya mula sa pang-aapi't pagsasamantalang sadya ng uring burgesya, ng kapitalista't kuhila ang mga bituka nila'y tunay na magkarugtong kaya magkasangga sa labanan, di umuurong prinsipyo'y tinatanganan kahit saan humantong binabaka, ani Balagtas, ang kutya't linggatong tara, sa Mayo Uno'y halinang magkapitbisig at ating iparinig ang nagkakaisang tinig ng manggagawa, na kapitalismo'y inuusig alam nating marami riyan ang handang makinig - gregoriovbituinjr.04.30.2021

Hirit sa huling araw ng Buwan ng Panitikan

Imahe
HIRIT SA HULING ARAW NG BUWAN NG PANITIKAN sa Buwan ng Panitikan, tayo nga'y naging saksi sa dalawang linggong lockdown na sa atin nangyari sumulpot din ang Maginhawa community pantry hanggang ginaya ng iba kaya ito dumami ang buwan ng Abril ay talagang masalimuot lalo't community pantry'y kayganda ng dinulot kahit tinawag na ignorante ng punong buktot ang nagpasimula nito'y huwag tayong matakot kaya bilang pagtatanggol, kayrami kong kinatha at binigkis ang mga salita sa kwento't tula habang nagsasaliksik ng mga isyu't balita upang sumalamin sa mga kinakathang akda ang hirit ko'y suportahan ang community pantry kahit saan man tayo naroroong community sapagkat pagbabayanihan ay di ignorante na tulad ng patutsada ng pangulong salbahe kaisa ako upang panitika'y paunlarin habang sinusulong ang pagbabayanihan natin dapat mga mangingisda'y suportahan din natin pati na magsasakang lumilikha ng pagkain kaya sa huling araw ng Buwan ng Panitikan at bisperas ng...

Pagpupugay sa bayaning midwife

Imahe
PAGPUPUGAY SA BAYANING MIDWIFE Lea Barro Blacer, ngalan ng midwife na bayani sinaklolohan ang inang nanganak sa kalsada kapuri-puri ang ginawa, maraming sumaksi tinulungan din ang sanggol na di na humihinga pinalo raw sa puwit, at maya-maya'y umuha hanggang ang mag-ina'y itinakbo na sa ospital buti't nasaklolohan agad, ayon sa balita kundi baka lumala ang nangyari kung magtagal maraming salamat, Lea Barro Blacer, sa iyo na dapat lamang gawin sa ganoong pangyayari salamat, tinupad mo ang tungKulin at misyon mo tunay na widwife na sa kapwa't bayan ay nagsilbi ang bayaning midwife ay nakapagligtas ng buhay maraming salamat, sa kanya kami'y nagpupugay! - gregoriovbituinjr.

Mabuhay ka, kasama

Imahe
MABUHAY KA, KASAMA mabuhay ka, kasama, kami'y saludo sa iyo dahil sa kusa mong pagtulong sa uring obrero lalo na sa paghahanda para sa Mayo Uno nariyan kang kasamang nakikibakang totoo nagtanong ka kung bakit may mahirap at mayaman bakit may inaapi't pinagsasamantalahan hanggang kasama sa iyo'y nagpaliwanag naman hanggang laban ng obrero'y atin nang sinamahan maraming salamat, kasama, maraming salamat at katuwang ka namin sa gawaing pagmumulat kasamang tunay, kaagapay, sa yaman ma'y salat upang asam na pagbabago'y masagawang sukat taas-kamaong nagpupugay sa iyo, kasama sana tulad mong nakakaunawa'y dumami pa sama-samang sumulong at baguhin ang sistema upang makataong lipunan ay kamtin talaga - gregoriovbituinjr.

Soneto para sa Mayo Uno 2021

Imahe
SONETO PARA SA MAYO UNO 2021 kaisa ang obrero di lang tuwing Mayo Uno kundi sa araw-araw na pakikibaka nito upang itayo ang isang lipunang makatao habang tangan ang kanilang layunin at prinsipyo ako'y maralita mang sakbibi ng karukhaan ay laging nagsisikap para sa prinsipyong tangan kasama ng uring manggagawang naninindigan tungo sa inaasam na makataong lipunan mabuhay ang manggagawa, hukbong mapagpalaya lantay ang paninindigan, dumaan man ang sigwa naririto kaming nakikibaka't laging handa upang pagkaisahin ang bayan at manggagawa at sa Mayo Uno, susumpa muling maging tapat sa prinsipyo't patuloy na gawaing pagmumulat - gregoriovbituinjr.04.30.21

Hindi ignorante ang nasa community pantry

Imahe
HINDI IGNORANTE ANG NASA COMMUNITY PANTRY puso'y naghihimagsik sa sinabi ni Duterte na nasa community pantry'y pawang ignorante ngunit kabu-angan niya'y atin bang masisisi pangulong di na alam kung anong makabubuti di na malaman kung saan kukuha ng ayuda nadamang community pantry'y sumapaw sa kanya di na maaming palpak ang pamamahala niya ah, pinagpapasensyahan na lang siya ng masa datapwat pinagtanggol ng masa ang bayanihan community pantry'y pagdadamayan at tulungan nagsisulputan dahil palpak ang pamahalaan kaya kusang nagsikilos ang mga mamamayan sa ayuda'y ubos na raw ang pondo ng gobyerno pero sa N.T.F.-ElCac, bilyon-bilyon ang pondo nariyang mahigit labingsiyam na bilyong piso na dapat pondong ito'y gawing ayuda sa tao nakakalungkot, ani Patreng, sa isang panayam na mismong pangulo ng bansa pa ang nang-uuyam sa bayaniha't pagdadamayan ng mamamayan ngunit binabalewala lang ng pangulong bu-ang pinagpapasensyahan na lang natin si Duterte sa kanyang pa...

Benepisyaryong planted?

Imahe
BENEPISYARYONG PLANTED? di naman magsasaka ngunit sanay sa planted ganito ba talaga? ano bang ating batid? anong tingin sa masa? na utak ay makitid? para bang ebidensya? na di alam kung planted? may pantry ang pulisya benepisyaryo'y planted community pantry ba? ay isa nang balakid? kung magtalaga sila ng tinuring na planted masa sa pantry nila ba'y sa mali nabulid? dapat litratuhan pa pag natanggap ang hatid na ayuda ang masa patakarang di lingid ito'y tanong lang muna nais naming mabatid bakit kailangan pa tutulungan ay planted? - gregoriovbituinjr.

Bagalan lang ang takbo

Imahe
BAGALAN LANG ANG TAKBO bagalan lang ang takbo, bagalan nakapinta mismo sa lansangan na paalala sa may sasakyan upang aksidente'y maiwasan SLOW DOWN: malaking nakapinta lalo sa matao't may kurbada na dapat lang sunding paalala nitong tsuper na namamasada di pa siksikan sa dyip o sa bus nag-iingat sa coronavirus mag-social distancing tayong lubos nangyayari na'y kalunos-lunos kayhirap kung sasakya'y mabangga naaksidente'y kaawa-awa o kaya'y may mabundol na bata sa bilis ng takbo'y may nagluksa magmaneho lamang ng mabagal lalo na sa paliko't may kanal baka pasahero na'y mangatal kung patakbo'y parang patiwakal - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala habang nakasakay sa isang bus

Sa mga kalakbay

Imahe
SA MGA KALAKBAY dapat nang tumula ng tumula pagkat baka mamatay na bigla tandang handa at may ginagawa upang mulatin ang dukhang madla di lang panahon ang nauubos panahon pa ng coronavirus panahon din ng pambubusabos at kayrami ring naghihikahos buti kung bumubuti ang lagay ng bawat isang mga kalakbay at kung sumakbibi na ang lumbay kaya pa ba ng diwang magnilay tula ng tula kahit ganito sana'y nasa maayos pa kayo ngunit magpatuloy pa rin tayo baka masolusyonan pa ito "mag-ingat!" ang tanging masasabi sa katoto, kalaban, kakampi mag-ingat sa sakit na salbahe habang katha'y nasa guniguni - gregoriovbituinjr.

Pagsisilbi

Imahe
PAGSISILBI isa man akong kadalasang binabalewala ayos lang, habang patuloy sa misyon at adhika kahit di man pansinin ang tulad kong maglulupa patuloy akong kikilos, buhay ko'y nakahanda tinuring akong alikabok ng nasa burgesya tinuring akong puwing sa kanilang mga mata tinuring akong putik sa madulas na kalsada tinuring akong tuldok na itim sa puting tela hayaan akong sa kapwa'y magkaroon ng silbi  lalo't pinili ko'y buhay na di makasarili hayaan akong ihalo kapara ng adobe sa ginagawang gusali ng bunying anluwagi sapagkat namumutiktik ang balon ng pag-asa upang lumaya ang masa sa bulok na sistema nakikibaka pa rin sa gitna ng pag-iisa habang nagdaralita ang nakararaming masa - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Hayak

Imahe
HAYAK marahil nga'y lagi akong nakalutang sa ere nakatingalang nagninilay ng mga nangyari tila walang ginagawa subalit super busy sukdulan man ang hirap, patuloy sa pagmumuni tila isang lawing lumilipad sa panginorin tutok ang mata sa lupa't tila may dadagitin kumakalam ang sikmura't ang hanap ay pagkain maingat sa paglipad, alam kung anong gagawin subalit bakit mga pangarap ay naglalaho kung walang adhikang sa puso't diwa'y nahahango dapat matiyak na may maipakain kay Bunso nang hindi na kailangang magbubo pa ng dugo iyang makatang hayak, nakalutang ang isipan nasa'y masarap na pulutan ang nais matikman nais bumarik upang bumalik sa katinuan at makaulayaw muli ang dukhang mamamayan - gregoriovbituinjr. * hayak (pang-uri) - nakalutang ang isipan, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 439

Simulaing nilulunggati

Imahe
SIMULAING NILULUNGGATI simulaing nilulunggati    sa iwing puso'y naghahari habang kinukurot ang budhi pag-ibig ang namumutawi binibitbit lagi ang bayag nagsusuri ngunit di bulag problema't isyung nakalatag ay solusyon ang inaambag lumilipad ang mga lawin sa matayod na panginorin minsan nga'y di mo iisipin na ikaw pala'y dadagitin mistula silang mga aba hinahamak lang ng burgesya wala nang galang sa hustisya karapatan ay binastos pa kaya dapat may pagbabago upang masa'y di matuliro lansagin ang kapitalismo at itayo'y sistemang bago isang makataong lipunan gumagalang sa karapatan hustisya'y pinaglalaban nagpapakatao ang tanan - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala sa lalawigang kanyang napuntahan

Parang langay-langayan

Imahe
PARANG LANGAY-LANGAYAN para lamang akong langay-langayang nasa hawla di tulad ng langgam na laging maraming kasama walang magkomento sa pahayag kong nagawa na para sa pinagsisilbihang samahan at masa kahit sa panawagang katarungang panlipunan o pagbago sa sistemang tadtad ng kabulukan kahit sa nalikhang tula para sa sambayanan upang kung may mali sa sinabi'y aking malaman tila baga walang mga kasangga o kakampi bahala ka diyan, sa pag-iisa'y tanging saksi para bang langay-langayang ayaw nilang makanti o kaya'y kalabitin man lang gayong magkatabi tila ako langay-langayang kanilang nabihag naduling sa bitag, isip kasi'y anong maambag sana'y may magkomento na sa tula ko't pahayag nang di madama ang pag-iisa't buhay na hungkag - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala sa lalawigang kanyang napuntahan

Pagpinta sa plakard

Imahe
PAGPINTA SA PLAKARD malapit na naman ang Mayo Uno, kailangan muli natin ang magpinta sa plakard ng islogan magsasama-sama muli ang manggagawa't bayan upang Dakilang Araw ng Paggawa'y ipagdiwang gawin nang regular ang kontraktwal na manggagawa; sahod ay itaas, presyo ng bilihin, ibaba; lakas paggawa'y nararapat lang bayarang tama hiling sa lockdown: libreng gamot at pangangalaga dapat tayong may pulang kartolina't puting pinta o kaya nama'y pulang pinta't puting kartolina ipapahid nating anong husay gamit ang brotsa ang ating panawagan nang malinaw na mabasa gamit natin ang mga plakard sa bawat pagkilos upang ang masa, mga isyu natin ay matalos pagsasamantala, pang-aapi't pambubusabos ay atin palang inaadhika upang matapos pagpipinta sa plakard ay marangal na gawain nang isyung mahalaga sa madla'y maiparating kaya pag may nakita kang rali'y agad basahin anong nakasulat sa plakard, ang isyu'y alamin pag nakumbinsi, sa pagkilos ay sumama na rin - gr...

Tula sa Mayo Uno (para sa Teatro Pabrika)

Imahe
TULA SA MAYO UNO PARA SA TEATRO PABRIKA 11 pantig bawat taludtod tangan-tangan ng uring manggagawa ang mabigat na maso ng paglaya upang pagsasamantala'y mawala sistemang kapitalismo'y magiba tinanganan ng obrero ang maso ng kasaysayan isang Mayo Uno doon sa Haymarket Square, Chicago ay nagkaisa ang libong obrero hiling na walong oras na paggawa ay ipinaglaban ng manggagawa isang usaping tunay na dakila at sa daluyong, sila'y sumagupa sa Paris, paglipas ng ilang taon Mayo Uno'y kinilala na doon isang Araw ng Paggawa ang layon Mayo Unong dakila hanggang ngayon - gregoriovbituinjr. * litrato mula sa google * ang tula'y bilang pagtalima sa hiling ng mga kasama sa Teatro Pabrika

Protektahan ang mga bata

Imahe
PROTEKTAHAN ANG MGA BATA nakagigimbal ang mga balita, anong tindi ulat kaninang umaga, lumbay ang sumakbibi namatay sa sunog ang tatlong anyos na babae nabaril ng airgun ang walong anyos na babae nakita sa balita habang ako'y nagdidildil isa'y sa aksidente, isa pa'y sa pamamaril bata'y di nasagip sa sunog, sinong masisingil suspek sa pamamaril, buhay ang nais makitil tinaga pa ng loko ang sumaklolong matanda ang krimen niyang ito'y tunay na kasumpa-sumpa nakalulungkot ang sinapit ng dalawang bata sa pagprotekta sa kanila'y dapat maging handa bakit dalawang batang babae ang nabiktima marahil nagkataon lang na naiulat nila sana ang dalawang bata'y magkamit ng hustisya kaya ang sigaw ko'y hustisya para sa kanila sa Convention on the Rights of the Child, basahin doon na karapatan nilang magkaroon ng proteksyon ang nangyari sa dalawang bata'y malaking hamon sa gobyerno, sa atin at sunod na henerasyon - gregoriovbituinjr. 04.27.2021

Pag-alagata

Imahe
PAG-ALAGATA naroroong nakatalungko't inaalagata ang ilang alalahaning halos di matingkala maraming isyu't usaping di agad maunawa na tumatarak sa puso't may mga talusira ibig sabihin, may mga balimbing sa tag-araw na sa likod ay handa kang tarakan ng balaraw parang talupaya silang kunwa'y di gumagalaw tila kayrami mong parusang sila ang nagpataw sino nga bang tunay na kaibigan o kasangga upang sama-samang malutas ang mga problema marahil ay wala, kaya dapat lamang magdiskarga ng anumang pasan sa puso't balikat tuwina naglutangan ang plastik at upos sa karagatan ngunit walang magawa ang mga pamalaan habang nagdaraan ang ulan at hanging amihan may mga nananaghoy pa rin sa dakong silangan tingnan ang balimbing na gaya ng taksil na trapo pakuya-kuyakoy lang sa harap man ng delubyo kahit nagkalat na ang mga sapal at bagaso naroong di matinag ang pagkatao't prinsipyo - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Lakarin ma'y kilo-kilometro

Imahe
LAKARIN MA'Y KILO-KILOMETRO balita nga'y kilo-kilometro ang nilalakad ng maraming taong, kundi gutom, ay sawimpalad nawalan ng trabaho at lockdown sa komunidad kaunting pangkain ng pamilya ang tanging hangad pipila sa community pantry maaga pa lang bakasakaling ang pamilya'y may maiuulam wala na raw kasing ayuda ang pamahalaan kaya community pantry na ang inaasahan maraming nagbibigay, mas maraming kumukuha dahil tunay na kayraming nagugutom na masa lalo na't manggagawa'y natanggal na sa pabrika nawalan pa ng tahanan sa gitna ng pandemya kaya biyaya ang community pantry sa tao magbigay ka, kumuha ng sapat para sa inyo pagbibigayan at pagdadamayan ang konsepto na batid nila, lakarin ma'y kilo-kilometro - gregoriovbituinjr.

Huwag maging palabusakit

Imahe
HUWAG MAGING PALABUSAKIT sa tungkulin nati'y huwag maging palabusakit na sa inumpisahang mulat ay biglang pipikit tila ba kinabukasan ay ipinagkakait kapara'y ningas-kugon na gawaing walang bait kapit lang sa inumpisahan at pakatutukan ang inyong napagplanuhan at napagkaisahan kaya ba hindi magawa'y wala pang pondo iyan pondo'y paano pinlano nang umusad naman huwag maging palabusakit, huwag ningas-kugon sa mga plano'y tiyaking isip ay nakatuon anong kalakasan o kahinaan ninyo ngayon sinong dapat magpatupad, sinong kikilos doon sayang lahat ng napag-usapan, plano't gawain kung pagiging palabusakit ang paiiralin - gregoriovbituinjr. *  palabusakit  -[Sinaunang Tagalog] paggawa sa simula lamang,  mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 889

Mutual aid, di limos, ang community pantry

Imahe
MUTUAL AID, DI LIMOS, ANG COMMUNITY PANTRY ito'y hindi limos, kundi pag-agapay sa kapwa hindi kawanggawa kundi pagtutulungang kusa bigayan, ambagan, damayan, kaisahang diwa hindi charity, kundi mutual aid, ang siyang tama iyan ang paglalarawan sa community pantry damayan ng bawat isa, di limos, di charity salamat kung naipaliwanag itong mabuti upang hindi i-redtag ng mga loko't salbahe prinsipyo dito'y magbigay ayon sa kakayahan at kumuha lang ayon sa iyong pangangailangan sa bawat araw at kapwa'y iisipin din naman na siyang patnubay natin sa pagbabayanihan di ba't kaygandang konsepto ng community pantry na sa panahong ito'y nagdamayan ang marami - gregoriovbituinjr. * Balita mula sa: https://newsinfo.inquirer.net/1420463/community-pantry-not-charity-but-mutual-aid

Magkatunog kasi

Imahe
MAGKATUNOG KASI pakinggan mo, magkatunog kasi sabihin mo: Community Pantry ang dinig niya: Communist Party kaya ni-redtag na ng salbahe baka di attentive sa trabaho lumabas ang kabugukan dito binulong sa kanya ng demonyo parang mansanas ni Eba ito tigilan nyo na ang pangre-redtag aba'y community pantry iyan pagbabayanihan ang nilatag tulungan, damayang di matinag community pantry, di ba, Patreng at hindi communist party, dingging mabuti, kapag ating sabihin sige nga, subukan mong ulitin Maginhawa community pantry di Maginhawa communist party maliwanag naman pag sinabi kaya huwag i-redtag si Ate baka naman tadtad ng tutuli iba ang narinig ng salbahe ulitin nga: COMMUNITY PANTRY malinaw, hindi communist party - gregoriovbituinjr.

Sa lilim ng puno

Imahe
SA LILIM NG PUNO matapos dumalo sa programang pangkalikasan ay namasyal naman ang magsing-irog sa liwasan mapuno, mahangin, kaysarap ng pananghalian habang kung anu-ano lang ang napapag-usapan nagyaya lang si misis na doon kami'y dumalo pagkat isang ninang namin ang nagsalita rito Earth Day iyon, tatlong taon na iyon, ang tanda ko nakinig kami't maraming napag-aralang bago kapwa suot ay lunting tshirt na may sinasabi sa kanya'y kay Pope Francis, may-akda ng Laudato Si akin naman ay panawagan ng Save Sierra Madre nangangahulugang sa mundo, kami'y magsisilbi kaysarap ng aming pahinga sa lilim ng puno na pinag-usapan ay punong-puno ng pagsuyo - gregoriovbituinjr. * ang litrato'y selfie ni misis noong Earth Day 2018 sa Ninoy Aquino Wildlife sa Lungsod Quezon

Community pantry sa Timor Leste

Imahe
COMMUNITY PANTRY SA TIMOR LESTE nakakatuwang balita dine: "Nakarating na sa Timor Leste ang diwa ng community pantry" salamat, mga bagong bayani sadyang nakakuha ng atensyon ang bayanihan nating mayroon sadyang diwa ng damayan ngayong may pandemya't nagtutulong-tulong ang Timor Leste'y katabing bansa sakop ng Indonesia't lumaya nabatid ang bayanihang diwa na kanilang tinularang sadya maraming salamat, Timor Leste sa tinayong community pantry bayanihang di makasarili ang sa mamamayan nagsisilbi - gregoriovbituinjr.

Gobyernong praning

Imahe
GOBYERNONG PRANING aba'y desperado talaga ang gobyernong praning na pati nagbabayanihan ay nire-redtagging palpak kasi't inutil ang puno nilang si Taning na ang pamamaslang para sa kanya'y paglalambing ayaw ng mga hayop sa nangyaring bayanihan dahil nauungusan nito ang pamahalaan kaya community pantry ay nire-redtag na lang produkto ng kanilang matinding kainutilan nasanay kasi ang gobyernong manakot ng tao sanay pumaslang, walang galang sa due process of law sinanay lang pumatay, kumalabit ng gatilyo kaya walang respeto sa karapatang pantao sana'y matapos na ang kagunggungang pangre-redtag dahil nagdadamayan ang tao't walang nilabag - gregoriovbituinjr.

Napakagandang prinsipyo ng community pantry

Imahe
NAPAKAGANDANG PRINSIPYO NG COMMUNITY PANTRY sabi:  Magbigay ayon sa kakayahan Kumuha batay sa pangangailangan anong ganda nitong prinsipyo't islogan mula sa puso ng nagbabayanihan ito ang gabay sa community pantry magbigay, huwag maging makasarili mag-ambag sa kapwa't di ka magsisisi magbayanihan ang prinsipyong kaytindi pagkatapos, ire-redtag lang ng gunggong tinulad pa sa mansanas ng ulupong tila ba ayaw nilang may tumutulong wala kasi silang papatayin doon ulupong na nangre-redtag, alis diyan kung bayanihan ay di maintindihan kayong mapangwasak sa diwang damayan ay magsibitiw na't tuluyang lumisan - gregoriovbituinjr.

Pag-alala sa Cordillera Day

Imahe
PAG-ALALA SA CORDILLERA DAY pinaslang si Macliing Dulag ng mga sundalo dahil planong Chico Dam ay ipinrotesta nito at mawawalan sila ng tahanan dahil dito kanilang lupang ninuno'y masisirang totoo petsang Abril bente kwatro nang siya ay pinaslang ng mga kawal ng gobyerno, mga pusong halang petsang ginawang Cordillera Day ng mamamayan at ginugunita taun-taon ng sambayanan dalawa ang Cordillera Day, isa'y Hulyo Kinse kasunduang Cory Aquino't Padre Balweg dine subalit ngayong Cordillera Day ay nagsisilbi bilang paalala kay Macliing bilang bayani pagpupugay sa Cordillera Day, kami ni misis ay kapwa inaalala ito ng walang mintis - gregoriovbituinjr. 04.24.2021 * Pinaghalawan: https://newsinfo.inquirer.net/395097/what-went-before-cordillera-day https://newsinfo.inquirer.net/1110387/indigenous-people-celebrate-cordillera-day-with-street-protest

May community pantry na rin si Gabby Garcia

Imahe
MAY COMMUNITY PANTRY NA RIN SI GABBY GARCIA talaga ngang inspirasyon ang community pantry kaya nagsulputan ang mga ito't dumarami nagtayo na rin ng community pantry si Gabbi Garcia na nais tumulong, sa kapwa'y magsilbi sinabi nga niya sa panayam sa telebisyon nagsulputang community pantry ay inspirasyon kaya nagtayo rin siya nito't nais tumulong kaygandang adhika para sa masang nagugutom lalo na ngayong may pandemya't kulang ang ayuda nagbibigayan at nagdadamayan na ang masa tunay na bayanihan ay kanilang pinakita ang bayanihang ito sa mundo na'y nababasa at sa iyo, Gabbi Garcia, maraming salamat sa panahong may pandemya, tumulong ka ring sukat sa kabutihan mo, sana'y marami pang mamulat Oh, Gabbi Garcia, taospusong pasasalamat - gregoriovbituinjr.

Pagpupugay sa mga naglilingkod sa pantry

Imahe
PAGPUPUGAY SA MGA NAGLILINGKOD SA PANTRY sa nagtatayo ng kanilang community pantry pagpupugay, mabuhay kayo't kayraming sumali at nagboluntaryo upang sa kapwa nga'y magsilbi nakipagbayanihan, nakipagkapwa, bayani aba'y imbes na i-redtag ay nakisawsaw na rin ang mga pulitikong karamihan ay balimbing na nilagay pa ang pangalan nila sa tarpolin pati kapulisang dapat nakatutok sa krimen pag inaral mo ang kasaysayan ng himagsikan o ang natayong mga mapagpalayang kilusan sa ayaw mo man o gusto, marami'y katugunan ng masa sa kainutilan ng pamahalaan maraming halimbawa nito'y ating makikita tao'y hindi pumipikit at laging umaasa sa ayuda't limos, kundi nag-iinisyatiba upang mapunan yaong kakulangan ng sistema tugon sa kainutilan kundi man sa kabulukan ng lideratong nagpauso ng mga patayan kaya di maikakaila ang pagsusulputan ng community pantry na tugon sa kagutuman espontanyo't batid ng masa ang halaga nito kaya pinili nilang maglingkod sa kapwa tao inisyatiban...

Kung mga community pantry ay nire-redtag na

Imahe
KUNG MGA COMMUNITY PANTRY AY NIRE-REGTAG NA kung mga community pantry ay nire-redtag na komunista daw, mabuti pala ang komunista bayanihan at damayan yaong prinsipyo nila kung ganyan nga, kayganda palang maging komunista ika nga nila, magbigay ayon sa kakayahan dagdag pa, kumuha ayon sa pangangailangan  kung community pantry'y ganyan ang paninindigan mabuti palang maging komunista kapag ganyan sinabi nga noon ni Obispo Hélder Câmara "When I give food to the poor, they call me a saint.  When I ask why they are poor, they call me a communist." mabuting gawa'y santa, pag nagtanong, komunista kailangan nating tumindig habang iba'y takot ipaglaban ang makatwiran laban sa baluktot labanan ang pangre-redtag ng mga utak-buktot kailangan nating makibaka, huwag matakot nagsama-sama nang magtulungan ang mga tao dahil sa mga hindi magampanan ng gobyeno itinuturo sa atin ng karanasang ito ang halaga ng pakikipagdadamayang totoo bayanihan ang ipinakita ng community pantry dahil...

Sa mga utak-pulbura

Imahe
SA MGA UTAK-PULBURA balisawsaw ang utak kaya di naiintindihan kung bakit community pantry ay nagsusulputan pagpaslang ang alam, walang alam sa bayanihan kaya nire-redtag pag may nakikitang damayan nasa pandemya tayo, naunawaan ba nila maraming manggagawang natanggal na sa pabrika walang trabaho kaya nagugutom ang pamilya regular, ginawang kontraktwal ng kapitalista hanggang sa community pantry'y may nakaisip upang makatulong at nagugutom ay masagip munti man ang kusang loob na tulong, di malirip na may mabubuting ang gawa'y walang kahulilip dahil walang magawa, bayanihan ay ni-redtag ng mga ulupong gayong wala namang nalabag o nakitang nakasulat na gobyerno'y ibagsak kundi talaga lang silang balisawsaw ang utak doon na magmatapang sa sinasakop ng Tsina o community pantry lang ang inyong kinakaya o kaya sa tungkulin ay mabuting magbitiw na kaysa gumawa ng kalokohan at inhustisya - gregoriovbituinjr. - litrato mula sa google

Paalala sa loob ng traysikel

Imahe
PAALALA SA LOOB NG TRAYSIKEL sumakay ako ng traysikel patungo sa pulong at nakatutuwa ang mga nakapaskil doon sapagkat tadtad ng paalala sa mamamayan bawal magyosi sa mga pampublikong sasakyan at terminal, sa umaga ibayad mo'y barya lang may istiker pa ng Love Radio, at tayo'y makinig at may Wow Tiyan pa sa isang lalagyan ng biskwit habang ako naman ay naroong napapaisip at kumatha ng paglalarawan ng buong tigib paalala sa kalagayan nati't kalusugan lalo't may pandemya't nais ng tao'y kaligtasan maraming salamat, may mga paalalang ganyan kaya nilitratuhan ko ang mga nakapaskil mababasa pa sa gilid, "smoking cause mouth cancer" - gregoriovbituinjr.

Pagtahak sa hindi makasariling buhay

Imahe
PAGTAHAK SA HINDI MAKASARILING BUHAY ako'y tumahak sa hindi makasariling buhay pagkat hindi pagpapayaman ang sa puso'y taglay buhay ko'y sa marangal na layunin inialay lipunang makatao'y matayo ang aking pakay bakit di ko nga ba isipin ang pagpapayaman? ang mag-angkin ng mag-angkin ng yaman sa lipunan? para ano? para kapwa ko'y pagsamantalahan? ang maging sikat? sambahin ako ng mamamayan? sayang ang buhay kung magpayaman lang ang isip mo sayang ang buhay kung magpakabundat ka lang dito sayang ang buhay kung magiging tuso sa negosyo sayang ka kung wala kang banal na misyon sa mundo bakit ka isinilang? upang yaman ay makamal? mag-angkin ng milyong piso, maupo sa pedestal? at magbababad sa bisyong babae, alak, sugal ah, ganyan ba kababaw ang kasiyahan mo, hangal? nasulat nga doon sa Kartilya ng Katipunan: "Ang buhay na di ginugol sa banal na dahilan ay kahoy na walang lilim kundi damong makamandag." Kartilya'y gabay ko hanggang sa aking kamatayan may esen...

Isa pang tula sa Earth Day 2021

Imahe
ISA PANG TULA SA EARTH DAY 2021 "I am an ecobricker and a yosibricker,"  oo iyan nga ang napili kong itatak sa tshirt ko upang sabihing halina't gumawa tayo nito nang kalikasan ay mapangalagaang totoo kasama ko si misis sa paggawa ng ecobrick kung saan aming ginugupit ang naipong plastik sa boteng plastik nga'y talaga namang sinisiksik upang sa kalaunan ay patigasing parang brick saka nagawang ecobrick ay pagdidikitin pa upang gawing istruktura tulad ng munting silya at pagpatung-patungin ito nang maging lamesa dapat talagang matigas nang makatayo sila ginagawa ko rin ang yosibrik mula sa upos bilang kampanyang basura itong dapat maubos mga hibla nito'y anong produktong matatapos oo, gawing produkto upang kumita ang kapos at kung may pagkakataon ka'y iyong unawain ang aming ginagawang ito't pag-aralan mo rin nang ecobrick at yosibrick ay ating paramihin mabawasan ang mga basura ang misyon natin - gregoriovbituinjr.

Huwag hayaang "manatiling naka-sign in"

Imahe
HUWAG HAYAANG "MANATILING NAKA-SIGN IN" isang booby trap iyang "manatiling naka-sign in" isa iyang patibong, isang bitag, isang pain bakit nanaisin mong "manatiling naka-sign in" dahil ba sa password, ikaw ay makalilimutin natanong ba, paano pag naiwang "naka-log in" patay kang bata ka, may makakagamit nang iba baka palitan pa ang password mo't magamit nila "manatiling naka-sign in", di ka ba nagtataka bakit "manatiling naka-sign-in" ang paanyaya di lang virus ang sumisira sa kompyuter, di ba? yaong nais "manatiling naka-sign in" ay tamad nais lagi'y madali, burara sa seguridad huwag hayaang ituring kang walang kapasidad gayong nakapag-aral ka't sa kompyuter nga'y babad subalit hinahayaang wasakin ang dignidad kaya huwag hayaang "manatiling naka-sign in" huwag tsekan baka pag-log out ay malimutan din sa bahay man o sa computer shop, ito ang gawin kundi'y baka paglaruan ka ng utak-salarin...

Tulang akrostik para kay A.P.Non

Imahe
TULANG AKROSTIK PARA KAY A.P.NON A ng kasalukuyang inspirasyon N g bayan: si  Ana Patricia Non A ng community pantry'y nilayon P ara walang masang nagugutom A ng kanyang pantry'y alay ng loob T umutulong siyang kusang loob R inig niyang sa puso'y marubdob I tong bayang sa gutom nalublob C ommitment sa pakikipagkapwa I tong ginawa niyang talaga A t naging inspirasyon sa masa N a pantry'y ginawa din ng iba O h, bagong inspirasyon ng bayan N a laking tulong sa sambayanan - gregoriovbituinjr. Earth Day 04.22.2021 * litrato mula sa google

Ngayong Earth Day 2021

Imahe
NGAYONG EARTH DAY 2021 Earth Day ay nagpapaalala ng tahanan nating daigdig ito'y alagaang tuwina punuin natin ng pag-ibig walang coal plants na sumisira sa atmospera nitong mundo walang polusyong lumulubha at sa baga'y umaapekto nagkalat na ang mga plastik dagat ay puno na ng upos mag-ekobrik at magyosibrik bakasakaling makaraos bawal na basura'y masunog baka hininga'y di tumagal kalikasan na'y nabubugbog anong nakita nating aral? alagaan ang kalikasan at tanging tahanang daigdig mga sumisira'y labanan at dapat lang namang mausig - gregoriovbituinjr. 04.22.21

Ipagdiwang ang tagumpay nina Lapulapu

Imahe
IPAGDIWANG ANG TAGUMPAY NINA LAPULAPU Ilang araw na lang ay atin nang ipagdiriwang Ang ikalimandaang taong tagumpay sa Mactan Halina't pagpugayan ang kanilang katapangan Naitaboy agad ang mananakop na dayuhan Sa pangunguna ng Portuges, ngalan ay Magellan Mabuhay ka, Lapulapu, sa kabayanihan mo At ng mga kasama mong mandirigmang tumalo Sa mga dayuhan sa labanan sa Mactan dito! Taospusong pagpupugay sa alaala ninyo! Limangdaang taong singkad nang nakaraan iyon Pinigilan n'yo ng apatnapu't apat na taon Ang pagsakop ng dayo sa di pa ganap na nasyon Iyan ang esensya bakit kayo dinadakila Iyan ang mahalaga sa pagbubuo ng bansa Mabuhay kayo, Lapulapu! Mabuhay! Mabuhay! - gregoriovbituinjr. 04.21.2021 * Ayon sa kasaysayan, naganap ang Labanan sa Mactan noong Abril 27, 1521, mahigit isang buwan nang lumapag ang grupo ni Magellan sa Mactan

Ang mga pantry ay pagbabayanihan

Imahe
ANG MGA PANTRY AY PAGBABAYANIHAN nalalantad kasi'y kainutilan ng gobyerno community pantry'y ni-redtag pa ng mga ito kusa na ngang nagbabayanihan ang mga tao pagtutulungan na, ni-redtag pa ng mga gago mag-resign na sa pwesto kayong mga mapanira aba'y sa West Philippine Sea kayo magsiga-siga community pantry'y pagbabayanihang dakila huwag pakialaman kung wala kayong magawa kapara kayo ng alikabok sa tabi-tabi mga utak na'y inaagiw, pawang marurumi o kayo'y langaw na walang silbi kundi sa tae sa pagre-redtag nyo sa mga community pantry ipagtanggol ang mga pantry't pagbabayanihan dahil gobyerno'y palpak kaya ito nagsulputan - gregoriovbituinjr. 

Ang pamuwat

Imahe
ANG PAMUWAT bukod sa aliping sagigilid at namamahay mayroon pa palang aliping saluwat sa hanay tila ba timawa noon na naging malayang tunay na iba sa timawa ngayong kawawa sa buhay o kaya'y iba talaga ang aliping saluwat may kalayaan na ang alipin ngunit di sapat gumagawa sa bukid ng amo ng walang bayad kundi nakakakain lang, tila paglayang huwad malaya na siya dahil di na nilalatigo lumaya dahil ba amo na'y nagpapakatao? alipin pa rin siyang walang bayad kahit singko habang nililinang ang bukirin ng kanyang amo tunay nga bang lumaya o alipin pa ring sadya? buhay na ba'y umalwan, dama na ba ang ginhawa? o pamuwat na nagsisilbi'y tunay na dakila? alipin nang isilang ngunit ngayon na'y malaya? - gregoriovbituinjr. * hango sa UP Diksiyonaryong Filipino, Binagong Edisyon, pahina 907

Pagsisikap

Imahe
PAGSISIKAP mabuti nang nagsisikap kung di pinapapasok ang marunong sa pagkamit ng tagumpay sa tuktok sa pagsisikap ay makakarating din sa rurok pagkat di lang pulos marunong ang nailuluklok matulog sa oras upang katawan ay gumanda walong oras na tulog ay para sa resistensya tiyakin lamang lagi ang paggising ng maaga upang makapagbanat na ng buto sa tuwina pinagsisikapang tunay ang asam na pangarap magpagal, mag-aral, matuto, magtapos, magsikap nang sa kalaunan ay maging manggagawang ganap maging sahurang alipin sa bayang naghihirap kahit di man makapasok ang sinumang marunong dahil baka danasin ay pawang kutya't linggatong pagsikapang buhatin ang sa balikat sinuong bakasakaling may tagumpay ka ring masusumpong - gregoriovbituinjr.

Congrats, Golden Cañedo, kampyon sa pag-awit

Imahe
CONGRATS, GOLDEN CAÑEDO, KAMPYON SA PAG-AWIT akala ko noong una'y si Sarah Geronimo ako nga'y mali, siya pala'y si Golden Cañedo kampyon ng The Clash Season 1, ako'y sumasaludo kampyon sa kantahan, kaygandang tinig at idolo napanood ko sa telebisyon, Sarah talaga ang tinig niya'y nanghahatak, animo'y mahika deja vu, tulad niya'y kampyon din noon si Sarah na siya ngang tuntungan sa larangan ng musika pambato ng Cebu, talagang golden voice si Golden animnapu't dalawa'y naglaban, siya'y nagningning nanguna, nagkampyon, tinig niya ang tumaginting napabalikwas ako sa boses niyang kaygaling sa iyo, Golden, ang tinig mo'y tunay na marikit nagbunga ang lahat ng iyong pagpapakasakit nawa'y magtagumpay ka pa sa mundo ng pag-awit at kagandahang asal pa rin ay iyong mabitbit - gregoriovbituinjr. * kuha ng makatang gala sa replay ng The Clash, na paligsahan sa pag-awit ng GMA 7

CBA ng Uri

Imahe
CBA NG URI makipagtawaran sa gobyernong kapitalista ang sambayanan hinggil sa mga isyu ng masa tulad ng pakikipagtawaran ng unyunista para sa benepisyo ng obrero sa pabrika collective bargaining agreement ng uri'y panlahat uring manggagawa't dukha'y nagkakaisang tapat panlipunang serbisyo'y dapat sa lupa lumapat at di sa bulsa ng mga gahamang nangabundat ipinaglalaban ang dignidad ng kapwa tao direktang paglahok ng manggagawa sa gobyerno pati partisipasyon ng masa sa pagpaplano ng pag-unlad ng bansa't walang maiiwan dito pampublikong pabahay ang asam ng maralita kuryente, tubig, iba pang serbisyo'y isabansa dapat maregular ang kontraktwal na manggagawa pambansang minimum na sahod ay dapat itakda pagminina't produksyon ng plastik, huwag payagan coal-fired power plants ay tuluyang patigilin naman solusyong medikal, di militar, sa kalusugan libreng mass testing para sa lahat ay ipaglaban tuluyang tanggalin ang regresibong pagbubuwis ipaglaban ang kapakanan ng b...

Pagtagay

Imahe
PAGTAGAY paminsan-minsan, kailangan din nating tumagay di lang upang magdiwang kundi ang makapagnilay lalo't nangangamba sa panahong di mapalagay na di na masilayan ang gintong uhay ng palay maanong kayraming mga kwentong di nalilingid na dahilan ng lumbay habang luha'y nangingilid tumatagay ng mag-isa't nagkukulong sa silid sa paunti-unting pagmumuni'y may nababatid huwag mong kunin ang lubid, huwag magpatiwakal lalo't naglalaro ang mga daga sa imburnal dapat bukas na matwid ang sa isip mo'y kumintal kaya huwag mong talikuran ang magandang asal sige, tagay pa, tagay ng tagay hanggang malasing at sa iyong pag-iisa'y tuluyan kang humimbing anumang lumbay ay huwag mong isiping parating at sasalubong ang magandang araw sa paggising - gregoriovbituinjr.

Ang kahulugan ng buhay

Imahe
ANG KAHULUGAN NG BUHAY inaamin ko, dati akong makata ng lumbay mas mahalaga sa akin ang kahulugan ng buhay, ang pagsisilbi sa masa, iyon ang mas may saysay kaysa pribadong pag-aari't mga yamang taglay di ako nabubuhay para kumita ng pera o magtrabaho nang utang ay bayaran tuwina wala sa pangungutang at pagkita ang esensya ng buhay, kundi ang magsilbi sa bayan, sa masa noon nga'y tinutula ko ang samutsaring lungkot pagkat buhay sa mundo'y tunay na masalimuot pagkat nananahan sa bansa'y namumunong buktot bayang pinamumugaran ng tiwali't baluktot anong kahulugan ng pagkasilang ko sa mundo? ang magkaroon ng laksang pag-aaring pribado? magkaroon ng kapangyarihan, magpulitiko? magpayaman, magpasarap, pagkatapos ay ano? mabuti na lang, tinahak ko'y buhay-aktibista may kahulugan ang buhay, nagsisilbi sa masa pinaglalabang kamtin ang panlipunang hustisya tunay na nagpapakatao't nakikipagkapwa kaysa mauto't maging kawal ng gobyernong ganid na tinotokhang lamang an...

Dapat lagi ka sa tama

Imahe
DAPAT LAGI KA SA TAMA dapat lagi ka sa tama ito ang aming adhika ipinaglalabang kusa kung ano ang laging tama huwag magsasamantala o mang-aapi ng kapwa dapat makamit ng masa ang panlipunang hustisya ngayon, natatandaan ko ang bilin ng aking lolo na lagi kang magmamano pagkat tanda ng respeto lola naman ay nagsabi huwag kang magpapagabi mahirap, baka maapi o tumimbuwang sa tabi sundin mo ang health protocol at magdala ng alkohol sa face mask man ay gumugol basta't malayo sa trobol igalang ang matatanda igalang din kahit bata igalang sinumang dukha magsasaka't manggagawa huwag kang basta titingin sa mga siga't mahangin baka bigla kang bugbugin ng mga utak-salarin dapat gawin mo ang wasto ipaglaban ang prinsipyo marangal kahit kanino bawat isa'y may respeto - gregoriovbituinjr.

Ang diwata sa likod

Imahe
ANG DIWATA SA LIKOD buti't di ako nagitla nasa likod ang diwata ano kayang sinambitla ng diwata sa makata tila nangamoy pinipig ang pinigilang pag-ibig hanggang sa puso'y makinig at nagyapusan ang bisig ang diwata'y nangalabit sa makata'y may hinirit bawat tanong na bakit ay lagi na lang may sirit sa pagsintang di masabi puso ang nakaintindi - gregoriovbituinjr.

Kaunting tulong para sa kalikasan

Imahe
KAUNTING TULONG PARA SA KALIKASAN patuloy pa rin akong gumagawa ng ekobrik na sa mga patay na oras ay nakasasabik gupit ng gupit ng plastik ng walang tumpik-tumpik upang tulungan ang kalikasan sa kanyang hibik paulit-ulit ko mang sabihing naglipana ang plastik na basura sa laot, bahay, kalsada ngunit tila binabalewala ito ng iba katwiran nga'y may trak na tagahakot ng basura bukod sa paglikha ng ekobrik, may yosibrik din na pawang upos ng yosi naman ang titipunin at ipapasok sa boteng plastik, isa-isahin ah, nakakadiri naman daw ang aking gawain ngunit nais kong may maitulong sa kalikasan ekobrik at yosibrik ang aking pamamaraan ayokong malunod sa upos ang ating karagatan ayokong maging basurahan ang mga lansangan gawing mesa't upuan ang magagawang ekobrik pag-isipan kung anong magagawa sa yosibrik mahalaga'y matipon ang ating mga siniksik baka naman may makita pang solusyon sa plastik kaunting tulong lang naman ang aking ginagawa kaya sana layuning ito'y iyong maunawa ...

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Imahe
ANO NGA BA ANG KAHULUGAN NG "TUNÓD"? Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Naguluhan ako nang makita ko sa UP Diksyunaryong Filipino at sa English-Tagalog Dictionary ni L. English ang kahulugan ng salitang "tunód" na kaiba sa orihinal na pagbanggit dito sa isang katutubong tula o salawikaing malaon nang nalathala. Sa sanaysay na "Mga Diwa ng Salawikain" ni Virgilio S. Almario, na nalathala sa aklat na "Bakit Kailangan Natin si Pedro Bucaneg?" ay nalathala sa pahina 125 ang sumusunod na saknong: Pag di ka naglingón-likód Dito sa bayang marupok, Parang palasô at tunód Sa lupa ka mahuhulog. Ang saknong na ito ang Salawikain 105 sa saliksik ni Almario sa aklat ng isang Jose Batungbacal, ang 101 Selected Tagalog Proverbs and Maxims (1937): Dahil hindi ko maunawaan ang salitang "tunód" ay tiningnan ko agad iyon sa dalawang diksyunaryo. Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1289, ang kahulugan ng "tunód" ay: matulis at pah...