Parang langay-langayan

PARANG LANGAY-LANGAYAN

para lamang akong langay-langayang nasa hawla
di tulad ng langgam na laging maraming kasama
walang magkomento sa pahayag kong nagawa na
para sa pinagsisilbihang samahan at masa

kahit sa panawagang katarungang panlipunan
o pagbago sa sistemang tadtad ng kabulukan
kahit sa nalikhang tula para sa sambayanan
upang kung may mali sa sinabi'y aking malaman

tila baga walang mga kasangga o kakampi
bahala ka diyan, sa pag-iisa'y tanging saksi
para bang langay-langayang ayaw nilang makanti
o kaya'y kalabitin man lang gayong magkatabi

tila ako langay-langayang kanilang nabihag
naduling sa bitag, isip kasi'y anong maambag
sana'y may magkomento na sa tula ko't pahayag
nang di madama ang pag-iisa't buhay na hungkag

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa lalawigang kanyang napuntahan

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan