Pagpupugay sa mga naglilingkod sa pantry

PAGPUPUGAY SA MGA NAGLILINGKOD SA PANTRY

sa nagtatayo ng kanilang community pantry
pagpupugay, mabuhay kayo't kayraming sumali
at nagboluntaryo upang sa kapwa nga'y magsilbi
nakipagbayanihan, nakipagkapwa, bayani

aba'y imbes na i-redtag ay nakisawsaw na rin
ang mga pulitikong karamihan ay balimbing
na nilagay pa ang pangalan nila sa tarpolin
pati kapulisang dapat nakatutok sa krimen

pag inaral mo ang kasaysayan ng himagsikan
o ang natayong mga mapagpalayang kilusan
sa ayaw mo man o gusto, marami'y katugunan
ng masa sa kainutilan ng pamahalaan

maraming halimbawa nito'y ating makikita
tao'y hindi pumipikit at laging umaasa
sa ayuda't limos, kundi nag-iinisyatiba
upang mapunan yaong kakulangan ng sistema

tugon sa kainutilan kundi man sa kabulukan
ng lideratong nagpauso ng mga patayan
kaya di maikakaila ang pagsusulputan
ng community pantry na tugon sa kagutuman

espontanyo't batid ng masa ang halaga nito
kaya pinili nilang maglingkod sa kapwa tao
inisyatibang ito'y di matanggap ng gobyerno
dahil nasapawan ang palpak nilang liderato

sa mga nagsimula nito, maraming salamat
tinugunan ang kapalpakan, at kami'y namulat
na magbayanihan pala'y magagawa ng lahat
ng walang panibugho kundi maglingkod ng tapat

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot