Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Disyembre, 2019

Pag naputukan sa Bagong Taon

nakatingin ako sa kawalan habang doon ay nagpuputukan mawawalan ng daliri'y ilan dahil sa labintador na iyan sa ospital ba'y sinong tututok iyon bang binilhan ng paputok at sinong magbabayad sa turok at gamot kung walang naisuksok hahayaan ka ng pinagbilhan wala raw silang pananagutan di raw naman nila kasalanan pag daliri mo na'y naputukan aba'y nabentahan ka na nila masaya na't tumubo na sila walang paki pag nadisgrasya ka nang maputol ang daliri, huwaaa! - gregbituinjr.

Maghalo man

maghalo man ang balat sa pinagtalupan maghalo man ang laway sa pinaghalikan maghalo man ang tamod sa pinagsalsalan maghalo man ang bala sa pinagbarilan maghalo man ang damo sa pinagtabasan maghalo man ang buhok sa pinaggupitan maghalo man ang alak sa pinagtagayan maghalu-halo tayo't Bagong Taon naman - gregbituinjr.

Doble Bente

DOBLE BENTE (tulang akrostiko) Dumatal ang Bagong Taon na animo'y pag-asa Oo, sinalubong ito ng dukhang nagdurusa Bagong umagang nawa'y may panlipunang hustisya Lalo't naglipana pa rin ang mapagsamantala Eto'y simula ng panibagong pakikibaka Bagong taon ba'y pag-asa o bagong petsa lamang? Espesyal na petsa o tayo lang ay nalilinlang Ng komersyalismo ng mga tuso't salanggapang Tubong limpak ng kapitalistang nakikinabang E, tayong maralita'y sa hirap pa rin gagapang - gregbituinjr.

Noon, tinagurian akong makata ng lumbay

noon, tinagurian akong makata ng lumbay dahil tinula'y pawang katotohanan ng buhay dahil pulos kasawian ang kinakathang tunay dahil sa kawalang hustisya't sa bala nabistay dahil maraming inakdang pahimakas sa patay minsan, tinaguriang makatang proletaryado dahil inilalahad ang niyakap na prinsipyo dahil tinutula ang buhay ng dukha't obrero dahil katha'y laban sa sistemang bulok sa mundo dahil akda'y tumutuligsa sa kapitalismo ang karaniwang taguri'y makatang aktibista dahil tula karaniwa'y nagsisilbi sa masa dahil nananawagang baguhin na ang sistema ngayon, makata'y ikinasal, nakapag-asawa kaya naging makata ng puso sa sinisinta ang makata'y patuloy pa rin ngayong kumakatha para sa kalikasan at kilusang lunting diwa para sa manggagawa, ang hukbong mapagpalaya para sa ipinaglalaban ng kilusang dukha araw-gabi'y may akda, tumutula, kumakatha - gregbituinjr.

Paglalaba'y panahon ng pagkatha

paglalaba'y panahon ng pag-iisip ng akda samutsaring isyu't problema'y suriin ng diwa kukusutin ang kwelyo'y may sasaglit sa gunita habang dumi ng manggas ay kinukusot nang kusa nilagyan ng sabon ang damit bandang kilikili habang nagkukusot, ang nasa diwa'y binibini labandero man ako'y isang tunay na prinsipe dadalhin ko sa kaharian ang mutyang babae ang puti at dekolor ay dapat paghiwalayin pati ang tula't pabula'y dapat ding pagbukurin nasa barong kinukusot ang aking kakathain nakintal sa diwa'y damit na gusot at gusgusin kwento'y nalilikha kahit pawis na'y gumigiti habang labada'y binabanlawan nang nakangiti ako'y magbabarong sa aking pagtatalumpati habang binibilad sa arawan ang barong puti sa diwa'y nagsusulat kahit pa nasa bilaran tula'y inuugit sa isipan, nagbabanlaw man kakathang nakatitig sa makulay na sampayan akda'y matatapos pag sinampay na'y maarawan - gregbituinjr.

Pag tumagas ang dugo mo, O, maralita

pag tumagas ang dugo mo, O, maralita ito'y isang pasakit sa ina't gunita tinotokhang ka kahit na magmakaawa bakit binibira ang walang labang dukha nais mo'y wastong proseso't may paglilitis kung may sala'y hatulan, huwag tinitiris kung may kasalanan, sa piitan magtiis huwag lang kitlin ang buhay, proseso't boses di balang tagos sa puso ng sambayanan na dulot ay takot, kawalang katarungan maysala'y walang sala pag di nahatulan kung maysala, ang magpapasiya'y hukuman ang paglaban sa droga'y di dapat mabigo wasto lamang na droga'y tuluyang masugpo subalit paglabang ito'y bakit madugo at bakit puntirya'y laging sa dukhang bungo "at ang hustisya ay para lang sa mayaman" anang isang awit pag iyong pinakinggan O, dukha, wala kang hustisyang panlipunan kaya baguhin na ang bulok na lipunan! - gregbituinjr.

Ubo at antok

ubo pa, ubo, ubo ito'y isang insulto pag mga kausap mo sa pulong ay seryoso pag may ubo'y kayhirap lalo na't may kausap pagkat di mo maharap lunas tila kay-ilap panay na ang hikab mo ito'y isang insulto pag mga kaharap mo sa usapan seryoso antok na di mawala hikab na nginangawa natutulog ang diwa sa pulong nitong dukha - gregbituinjr.

Pag may karamdaman

sabi ng isang patalastas: "Bawal magkasakit!" dahil karamdaman madalas nakakabuwisit pagkat di mo na magawa ang pangako sa paslit di makatrabaho pag pakiramdam ay mainit kung may karamdaman: ""Huwag mahihiyang magtanong!" damang sakit ay itanong sa duktor na marunong napapaso ang puso sa nadaramang linggatong di agad malunasan lalo't masakit ang tumbong kaygandang patalastas ng botikang binilhan ko sabi: "Nakasisiguro, gamot ay laging bago!" sigurado bang gaganda ang kalusugang ito? pag inom ng gamot ba'y hupa ang sakit ng ulo? uminom ng gamot upang sakit ay malunasan kumain ng gulay upang lumusog ang katawan lumagok ng maraming tubig at dapat pawisan maglakad-lakad upang bumuti ang kalusugan - gregbituinjr.

Di ako nasa kilusan para lang magtrabaho

di ako nasa kilusan para lang magtrabaho narito ako dahil niyakap ko ang prinsipyo't diwa ng kilusang mapagpalaya't sosyalismo kumikilos upang sistemang bulok ay mabago di ako nasa kilusan para lang magkasahod narito ako upang sosyalismo'y itaguyod sa bayan at uring manggagawa'y makapaglingkod at ibagsak na ang burgesyang bulok at pilantod di ako nasa kilusan para lang magkapera dahil wala ditong pera kundi pagod at dusa pangunahin dito'y pagkilos at pakikibaka upang baguhin ang lipunan kasama ang masa matatagpuan sa kilusan ay sakit at hirap di ka bagay dito kung nais mo lang magpasarap ngunit kung makataong sistema'y iyong pangarap tayo'y magsikilos upang mangyari itong ganap - gregbituinjr.

Dito'y muli mo akong maaasahan, mahal ko

dito'y muli mo akong maaasahan, mahal ko sa isang gawaing tangan ang dangal ko't prinsipyo magpapatuloy ang pagkatha nitong tula't kwento sa kabila ng bagyong Ursula't mga delubyo ang aking mga pagsamo'y halina't iyong dinggin tumatanda man akong matatag ngunit putlain mababakas sa aking kilay at noong gatlain na di na ako ang dating aktibistang gusgusin ako'y aktibistang nakapolo na ng maayos na nilalabanan pa rin yaong pambubusabos kahit mahirapan, patuloy pa ring kumikilos upang makiisa sa uring manggagawa't kapos halina, aking sinta, pag-aralan ang lipunan suriin bakit laksa'y dukha't mayama'y iilan halina't kumilos tayo para sa sambayanan ipanalo natin ang makauring tunggalian - gregbituinjr.

Inglesan sila ng Inglesan, Pinoy naman

sa maraming pulong, pulos inglesan ng inglesan sariling wika'y ayaw gamitin, kinalimutan sariling wika ba'y bakya, para lang sa tsismisan? at Ingles ba'y wika ng mga may pinag-aralan? ingles ang powerpoint, ingles ang bawat presentasyon ang ilan sa dumalo'y nakatunganga lang doon kapwa Pinoy, di agad magkaunawaan ngayon pagwaksi sa ganitong ugali'y napapanahon aba'y wala na ba tayong sariling pagkatao? ginagamit na lang natin lagi'y wika ng dayo! dala nga ba ito ng sistemang kapitalismo? o ayaw natin sa tila impyernong bansang ito? sa mga talakayan nga'y ingles ang gagamitin kapwa Pinoy na ang kausap, iinglesin pa rin umaastang dayuhan, akala'y sikat sa atin ingles ng ingles upang sila'y ating respetuhin nanghihiram sila ng diwa sa wikang banyaga ngunit dapat nating gamitin ang sariling wika patunayang may sarili tayong kultura't diwa ang sariling wika'y dangal nitong lahing dakila - gregbituinjr.

Ayoko sa salitang "wala akong pamasahe"

ayoko sa salitang "wala akong pamasahe" kaya di ka makakadalo sa pulong, kumpare ang pulong ay pulong, daluhan mo dito o dine, doon o saanman, paghandaan mo ang sinabi "wala akong pamasahe'y" huwag mong idahilan ang pulong ay pulong, paghandaan ito't daluhan ang araw na iyon ang itinakda ng samahan mahalagang usapan, huwag mong ipagpaliban para sa pamasahe, simulan mo nang mag-ipon upang madaluhan ang pulong, malayo man iyon tayahin ang gastusin kung ikaw ay paparoon upang di kapusin sa iyong gugugulin doon sa bawat tinakdang pulong, may pananagutan ka hinalal ka ng kongreso, may posisyon, halal ka kaya pagdalo sa pulong dapat asahan mo na responsibilidad mong dumalo roon, kasama kakapusan sa pamasahe'y huwag idahilan agahan ang paglalakad kung kinakailangan maglakad ka na ngayon upang pulong ay abutan kung ayaw, pulos dahilan; kung gusto, may paraan - gregbituinjr.

Ang tariya

Imahe
ANG TARIYA aba'y ano ang tariya sa ating pulong ngayon? tinatanong ng kasama ang adyenda ng pulong may salita naman palang katumbas ang "adyenda" na mula sa salitang Waray, ito'y ang "tariya" halina't gamitin ang sariling salita natin itong wikang Filipino'y atin pang pagyabungin tara, gamitin ang tariya sa organisasyon upang maayos nating matupad ang nilalayon "The agenda of our meeting today is..." ang bilin "Ang tariya ng ating pulong ngayon ay..." ang salin kailangan ang tariya sa bawat nating pulong upang magawa ang plano't matiyak ang pagsulong - gregbituinjr. *  TARIYA  - pagtatakda ng gawain (Waray), - sa wikang Ingles ay AGENDA,  - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1232

Palabra de onor

saanmang sulok ng daigdig ay may kasabihan may palabra de onor kahit pa nabilanggo man may palabra de onor din kahit magnanakaw man may isang salitang tutupdin, tapat sa usapan may palabra de onor din kahit mga birador ngunit iba'y ayaw tupdin ang palabra de onor pag walang nakitang pupuntahan ay nagtatraydor iba'y dahil may ibang sa kanila'y nagmomotor ito'y dahil walang isang salita ang kausap matatag, usapang matino pag iyong kaharap ngunit sila'y agad nagbabago sa isang kurap palabra de onor ay nawala sa isang iglap akibat ng palabra de onor ay pagkatao anumang lumabas sa bibig mo'y panindigan mo bawat sinasalita'y inilalarawan tayo maging tapat sa usapan upang walang perwisyo - gregbituinjr.

Ang limang anak ni Gat Andres Bonifacio

Imahe
ANG LIMANG ANAK NI GAT ANDRES BONIFACIO Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr. Ang karaniwang alam natin kay Gat Andres Bonifacio ay may isa siyang anak sa kanyang asawang si Gregoria de Jesus, subalit ito'y namatay. Subalit may apat pang anak si Gat Andres Bonifacio. Kung mayroon nga, nasaan na kaya sila? May mga apo kaya ang mga anak niyang ito na nabubuhay sa ngayon? Bukod kay Gregoria de Jesus o Oriang, may iba pang babaeng nakaugnayan ni Andres Bonifacio, kung saan nagkaroon siya ng anak sa mga ito. Ito'y malinaw na itinala ni Jose P. Santos sa kanyang aklat na  "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan"  sa pahina 3 at pahina 5. Narito ang tala: "Ang unang niligawan ni Andres Bonifacio ay isang babaeng nagngangalang  Monika  at taga-Palomar, Tondo, na ayon sa mga nakakakilala ay may katutubong kagandahan din naman. Nagkaibigan sila at nagsamang parang tunay na mag-asawa. Si Monika ay namatay sa sakit na ketong. Nagkaroon dito ng tatlong anak s...

Muling panunumpa

Imahe
di pa nagaganap ang kaginhawahan ng bayan na adhika noon ng Supremo ng Katipunan ngayon, muli akong nanunumpa ng katapatan babaguhin ang bulok na sistema ng lipunan - gregbituinjr.,12/25/2019

Ipinaglalaban ko'y kaginhawahan ng bayan

Imahe
"Kaya, O mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas, sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan." ~ mula sa akdang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" ni Gat Andres Bonifacio ipinaglalaban ko'y kaginhawahan ng bayan ito ang prinsipyo ko't panata sa sambayanan na dapat kong tupdin hanggang sa aking kamatayan kumikilos para sa pagbabago ng lipunan dapat kitang kumilos laban sa pambubusabos dayuhan man at kababayang sanhi ng hikahos dahil sa pagsasamantala, mga dukha'y kapos suliranin ng masa'y dapat na nating matapos dudurugin ang ugat ng maraming kaapihan noon, sinasabing mga dayuhan ang kalaban ngayon, sinuri ang problema nitong pamayanan pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan pag-aralan ang lipunan, kausapin ang masa at durugin ang sanhi ng hirap at pagdurusa patuloy tayong mag-organisa, mag-organisa at mags...

Tanaga sa Pagtatapos ng Taon

TANAGA SA PAGTATAPOS NG TAON huling araw ng taon di man lang maglimayon magdamag at maghapon ay nagrerebolusyon magtiwala ka lamang sa ating pamunuan at tayo’y magtulungan tungkulin ay gampanan nawa’y maging parehas ang palakad ng batas wala nang pandarahas at walang inuutas buhay ay ipagtanggol laban sa gago’t ulol huwag dinggin ang sulsol kung buhay ay puputol maralitang iskwater tinokhang at minarder ng haring ala-Hitler at naroon sa poder pantaong karapatan hustisyang panlipunan ang kinakailangan ng ating mamamayan obrero’y kumakayod araw-araw ay pagod pamilya’y tinaguyod kaybaba na ng sahod nang binaril ng punglo ay nabasag ang bungo ang pumaslang na dungo dapat lang mabilanggo - gregbituinjr. * Nalathala ang tulang ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2019, pahina 20

Mga Binhi ng Diwa

nais kong mamangka sa mahabang ilog itatanghal ang diwa hanggang sa tugatog alagaan natin ang kapaligiran ating aayusin pag kinailangan sa bangin ng buhay gawin ang mabuti minsan ay magnilay sa dilim ng gabi bayan ay iligtas sa mga kurakot lalo na't dumanas ng mga hilakbot umasang liwanag ay mahalukipkip lalo na't magdamag tayong nanaginip magkapitbisig na ang mga obrero at gawing maganda ang bayan at mundo mahaling mabuti kung ina'y kapiling huwag magsisisi kung gawa'y magaling - gregbituinjr. * unang nalathala sa munting pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Disyembre 2019, pahina 20

Tanimang Bota

Imahe
TANIMANG BOTA maaari palang pagtamnan ang bota ng gulay, halaman halina't atin ding subukan at baka mapagkakitaan di magamit na lumang bota dahil ang swelas ay butas na subukang pagtamnan tuwina ito'y malaking tulong pala dapat ding maging malikhain at magsuri ng tamang gawin lumang bota'y pagtamnan na rin balang araw, may pipitasin ang tinanim mong okra't sitaw patola, kamatis at bataw magbubunga rin balang araw at ngiti sa labi'y lilitaw - gregbituinjr. * nakunan ng larawan ang isang taniman sa loob ng Strawberry Farm sa La Trinidad, Benguet, Disyembre 21, 2019, nang bumisita roon ang makata, kasama ang kanyang asawa

Ang sudoku at ang sundot kulangot

Imahe
imbento nga ba ng Igorot ang larong sudoku? mula sa SUnDOt KUlangot ba'y pinangalan ito? inipit sa kawayan itong matamis na bao ikumpara ang sundot kulangot sa anyo nito linya-linya, pahalang, pababa, tila sudoku sa lungsod ng Baguio kayraming sundot kulangot matamis na baong ginawa ng mga Igorot kaysarap, pampatalino, at lunas din sa lungkot pag natikman mo ang kaytamis na sundot kulangot tiyak pag nag-sudoku ka'y madali mong masagot - gregbituinjr.

Paano mo tatanggaping umiral pa rin ang nakitang mali?

Imahe
PAANO MO TATANGGAPING UMIRAL PA RIN ANG NAKITANG MALI? Maikling sanaysay at saliksik ni Greg Bituin Jr. Paano mo masasabing isinilang ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong Disyembre 18, 1986, habang sa kasaysayan niya'y sinasabing isa siya sa nangampanya at kumilos upang maitayo ang Presidential Commission on the Urban Poor (PCUP) na naisabatas noong Disyembre 8, 1986, sampung araw bago itatag ang KPML? Isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1986, isinabatas ang PCUP sampung araw bago isilang ang KPML. Isa ang KPML sa nangampanyang magkaroon ng PCUP? Kuha mo? Mali ang pagkakasulat ng kasaysayan, di ba? Ang batayan ay ang petsa ng pagsasabatas ng PCUP, na nilagdaan noong Disyembre 8, 1986. Klaro iyon. Batas iyon. Isinilang ang KPML sampung araw matapos maisabatas iyon. At naisabatas na ang PCUP nang sinasabi ng KPML na isa siya sa nangampanyang maisabatas iyon, gayong may PCUP na nang siya'y isilang. Kuha mo ba? Hindi ba't may mali ang ...

Usapang Katipunero tayo, mga kapatid

Imahe
USAPANG KATIPUNERO TAYO, MGA KAPATID usapang Katipunero tayo, mga kapatid upang buhay at layunin ay di agad mapatid tupdin ang sabi't makikilalang tayo'y matuwid may isang salita tayong dapat tupdin at batid doon sa Kartilya ng Katipunan ay inakda ang mga pangungusap ng diwa, dangal at gawa isa roon ang sa budhi't winiwika'y adhika sabi: "sa taong may hiya, salita'y panunumpa" at pag nagsabi tayong Usapang Katipunero di lang basta usapang lalaki, tutupad tayo napag-usapa'y tutupdin, may balakid man ito may isang salita tayong dapat gawing totoo tumango tayo sa usapan, tayo'y sumang-ayon sa pag-uugali'y isa na itong rebolusyon Usapang Katipunero ngayo'y napapanahon kaya di dapat pairalin iyang ningas-kugon - grebituinjr.

Pagbati sa lahat ng kasapi ng KPML!

Imahe
K ongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod P agkakaisa nitong mga dukha'y nakalulugod M istulang mga lider at kasapi'y di napapagod L alo't sosyalistang lipunan ang itinataguyod K PML, ito'y organisasyong sadyang matatag P alaging nasa laban, bagong sistema'y nilalatag M ga prinsipyong tangan ang kanyang ipinapahayag L andas tungong lipunang makatao ang pinapatag K aya nating baguhin ang sistema kung sama-sama P agtaas ng ating kamao'y di mapipigil nila M aralitang nagkakaisa'y katatagan ng masa L umalaban para sa isang makataong sistema K ung nagkakaisa sa laban, magpatuloy pa tayo P agpupugay sa nakikibaka tungong sosyalismo M abuhay ang KPML, mga kasapian nito L upigin ang mapang-api, mapagsamantala't tuso - gregbituinjr.12-18-2019

Di ko makita ang labing-isang pananagutan

di ko makita ang labing-isang pananagutan ng mga pulitikong balimbing sa sambayanan makita nawang sila'y tunay na lingkod ng bayan na nilalabanan pati mismong katiwalian binaha na ang lansangan ng laksa-laksang trapo kikilos ba sila upang basahan ay magbago ang mga trapo'y tatalun-talon na parang trumpo habang tingin sa dukha'y aliping nilalatigo palamura'y binuhusan ng malamig na tubig sakali'y magmalat na ang mainit niyang tinig tila lasenggo ang pasuray-suray niyang bibig na nakatutulig na sa mga nakakarinig teka, sasagpangin ta ng suwapang na buwitre habang nagsisitukaan naman ang tatlong bibe habang sa aplaya'y pilit tinungkab ang kabibe habang katawan ng trapo'y nangangamoy asupre anong pananagutan ng trapong walang dignidad na pagtingin sa mga dukha'y karaniwang hubad mga trapo'y mararangal daw, ako'y napaigtad tila diwa't mukha nila sa sahig ay sumadsad - gregbituinjr.

Bakit karapatang mag-unyon ay mistulang giyera

pag ikaw ay natanggap na't pumasok sa pabrika sasabihan kang huwag mag-uunyon sa kanila bawal daw mag-unyon, ayon pa sa kapitalista magtrabaho ka lang upang tumubo ang kumpanya karapatan mong mag-unyon, karapatan mo iyon kahit na basahin mo pa ang ating Konstitusyon mabuting kalagayan sa trabaho'y nilalayon kaya mga manggagawa'y nagtatayo ng unyon ang manggagawa ang lumilikha ng ekonomya subalit sa loob ng pabrika'y may pulitika bakit pag-uunyon ay nagmimistulang giyera at tinuturing na paglaban sa kapitalista manggagawa'y tao, at di makinang gagamitin taong malaya ang manggagawa, at di alipin katotohanan bang ito'y kayhirap intindihin ng kapitalistang ang sarili'y diyos ang turing? iyang karapatang mag-unyon ay pandaigdigan na kinikilala rin ng maraming bansa't bayan kaya ang karapatang mag-unyon ay ipaglaban ng manggagawang kontraktwal, regular, o arawan - gregbituinjr.

Buhay ng boteng plastik sa sahig ng bus

itinapon siya sa sahig nang siya'y maubos kaya pagulong-gulong na siya sa loob ng bus nagtapon ba sa kanya'y wasto ang ugaling lubos o taong ito sa kabutihang asal ay kapos sinisipa ng mga pasaherong nakatayo at nasisipa-sipa rin ng mga nakaupo pagulong-gulong sa bus na tila ba naglalaro ngunit napapagod din siya't nais nang maglaho buhay ng boteng plastik ay tinatapon na lamang ng kung sinong sa paligid ay walang pakialam ganyan nga ang buhay na kanilang nararanasan tinatapon kung saan matapos pakinabangan naglipana na sa mundo ang milyun-milyong plastik sa basurahan at dagat sila'y nagsusumiksik kung may pakialam ka'y huwag magpatumpik-tumpik ikampanyang tigilan na ang paglikha ng plastik - gregbituinjr.

Kaysa tumanghod sa telebisyon buong maghapon

di ba't dapat nating ipaglaban ang karapatan kaysa tumunganga lang lagi tayo sa kawalan kaysa mangalumbaba't tumanghod sa telebisyon kaysa manood lang ng kung anu-ano maghapon di ba't wasto lamang maging bahagi ng kilusan at nakikibaka upang mabago ang lipunan kaysa nakatunganga na lang sa buong maghapon kaysa mga parke't mga mall ay naglilimayon di ba't magandang may niyakap tayong simulain upang kaginhawahan ay kamtin ng bayan natin kaysa naman nagpapalaki lang tayo ng bayag kaysa nagbabate na lang sa maghapon, magdamag di ba't mabuti pang kumikilos tayo't aktibo inaaral natin ang sistemang kapitalismo nagsusuri't kumikilos na bilang aktibista ibabagsak ang mapangapi't mapagsamantala kaysa tumanghod maghapon, lipuna'y pag-aralan at maging kaisa sa pagbabago ng lipunan halina't isulong natin ang diwang sosyalismo at kumilos tayo upang lipunan ay mabago - gregbituinjr.

Tanaga sa Karapatan

I karapatang pantao ay ipagtanggol natin laban sa tuso, gago, at sinumang salarin II karapatang pabahay ay ating ipaglaban demolisyon ay lumbay para sa matamaan III bawat sinasalita ay ating karapatan anuman ang winika puso man ay masaktan IV bawat pagpapahayag ay ating karapatan di dapat nilalabag ninuman at saanman V tayo’y mag-organisa at magtayo ng unyon karapatan ng masa ay ipagtanggol ngayon VI ang karapatan noon ay kaparis din naman ng karapatan ngayon na dapat ipaglaban VII huwag kang mamamaril ng walang paglilitis huwag ka ring kikitil may batas at due process - gregbituinjr. - Nalathala ang tulang ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2019, pahina 20

Mabuhay ang Laban ng Masa (LnM)!

Laban ng Masa, palaban para sa pagbabago ang bulok na sistema'y nais palitang totoo nag-oorganisa't pinatitibay ang prinsipyo at pinalalakas ang mamamayan at obrero para sa nagkakaisang layuning sosyalismo Laban ng Masa, nagtataguyod ng karapatan ng mga inaapi't pinagsasamantalahan misyon nitong ibagsak ang sistema ng gahaman adhikain nito ang pagkakaisa ng bayan simulain nito ang pagbabago ng lipunan Mabuhay ang Laban ng Masa! Mabuhay! Mabuhay! Mabuhay ang mga lider nitong pumapatnubay sa mga diwa't prinsipyong tangan natin ay gabay! Sa Laban ng Masa'y taas-kamaong pagpupugay! Magpatuloy tayong kumilos hanggang sa tagumpay! - gregbituinjr. - nilikha at binasa sa get together ng Laban ng Masa na ginanap sa TriMoNa sa Anonas Ext., Lungsod ng Quezon, Disyembre 14, 2019 ng gabi

Ang awiting "Isang Kahig, Isang Tuka"

ANG AWITING "ISANG KAHIG, ISANG TUKA" Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr. Inilarawan ng awiting "Isang Kahig, Isang Tuka" ni Freddie Aguilar ang buhay ng isang dukha. Halina't tunghayan natin ang awit: Ako ay isang anak mahirap Lagi na lang akong nagsusumikap Ang buhay ko'y walang sigla Puro na lang dusa Paano na ngayon ang buhay ko Sa akin ay walang tumatanggap Mababa raw ang aking pinag-aralan Grade one lang ang inabot ko No read, no write pa ko Paano na ngayon ang buhay ko Koro: Isang kahig, isang tuka Ganyan kaming mga dukha Isang kahig, isang tuka Ganyan kaming mga dukha Itinulad sa manok na isang kahig, isang tuka, ang buhay ng maralita. Gayuman, maganda ang liriko ng awit pagkat naglalarawan ng buhay. Siya'y anak-mahirap na laging nagsusumikap, subalit pulos dusa ang kanyang nararanasan. Walang tumanggap sa trabaho, dahil mababa ang pinag-aralan. Grade one lang ang inabot, gayong lagi siyang nagsusumi...

Kaginhawahan ng bayang tinubuan

"Kaya, O, mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan." ~ Gat Andres Bonifacio kaginhawahan ng bayang tinubuan, pangarap ng bayaning Gat Andres Bonifacio, na nangusap sa mga kababayan habang sila'y nangangalap ng sasapi sa Katipunan kahit mahihirap kaginhawahan ng bayang tinubuan, layunin ng Katipunan at mga Kastila'y patalsikin sa tinubuang natigmak ng dugo kung isipin Katipunang ginhawa ng bayan ang simulain ibinukas nila sa atin ang pakikibaka di pa tapos ang laban ni Bonifacio't ng masa igugol ang ating lakas sa lubos na pag-asa upang ginhawa ng bayan ay kamtin ng balana mabuhay ka sa bilin mo, Gat Andres Bonifacio! kung noon, nilabanan ninyo'y mapangaping dayo kami naman ay nakikibakang taas-kamao laban sa sistema at mapang-aping Pilipino nilabanan ninyo noon ang mga day...

Ang tula ni Procopio Bonifacio

Imahe
ANG TULA NI PROCOPIO BONIFACIO Sinaliksik ni Gregorio V. Bituin Jr. Makata rin pala ang ikatlong nakababatang kapatid ni Gat Andres Bonifacio na si Procopio, na kasama niyang napaslang sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Kapwa makata pala ang magkapatid na Bonifacio. Ayon sa pananaliksik, sampung taon ang tanda ni Andres kay Procopio, dahil 1873 ito ipinanganak, at kapwa sila namatay dahil sa pagpaslang sa kanila ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897. May nalathalang mga sanaysay at tula si Gat Andres Bonifacio na naging pamana niya sa sambayanan. Nariyan ang mga tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", salin ng tulang "Huling Paalam" ni Dr. Jose Rizal, "Ang mga Kasadores", "Katapusang Hibik ng Pilipinas", at "Tapunan ng Lingap", at ang tula niya sa Kastilang "Mi Abanico". Nariyan din ang sanaysay niyang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" at "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bay...

Sinusundo ko si Misis sa kanyang pinasukan

sinusundo ko si Misis sa kanyang pinasukan dahil sabik akong siya'y muli kong masilayan tila siya diwata sa laot ng karagatan siya ang aking sangre sa malayong kagubatan siya ang tagahawi ng ulap sa kalangitan pag nakita siya, buhay ko'y umaaliwalas ang anumang kalungkutan ay di mo mababakas magkatuwang kami sa pangarap na nilalandas maganda niyang ngiti'y nakakawala ng banas kung ako'y maysakit, ang bawat haplos niya'y lunas pangako sa sarili'y lagi siyang susunduin uuwi kaming magkasabay sa tahanan namin kung kailangan, aatupagin ko ang labahin tagagayat ng sibuyas at ibang lulutuin higit sa lahat, patuloy kami sa simulain - gregbituinjr.

Ibasura ang E.O. 70

Imahe
E.O. 70 ay dapat lang ipawalangbisa dahil aktibista'y di naman kaaway ng madla sila'y kumilos bilang tapat na lingkod ng dukha aktibista'y naglilingkod sa uring manggagawa kung kasalanan ang paglilingkod sa sambayanan di ba't mas kasalanan ang patakarang patayan ng pamahalaan laban sa dukhang mamamayan kahit na walang proseso't wala pang kasalanan kaya di makatarungan iyang E.O. 70 nang mawalan ng kalaban ang rehimeng DoDirty nang mapulbos ang kilusang sa masa'y nagsisilbi nang walang tutuligsa sa patayan araw-gabi ang aktibista'y para sa panlipunang hustisya tinutuligsa ang gobyernong bastos, palamura lipunang makatao ang hangad ng aktibista na di kayang gawin ng ganid at tusong burgesya dapat lang ipawalangbisa ang E.O. 70 dahil ito'y sandata ng sistemang mapang-api laban sa mga samahang may layuning mabuti ang dapat ay ibagsak na ang rehimeng DoDirty! - gregbituinjr.

Hindi krimen ang aktibismo

Imahe
aktibista'y katulad ng mga Katipunero sila'y may simulain at niyakap na prinsipyo itinataguyod ang pakikipagkapwa-tao, katarungan at pagkakapantay-pantay sa mundo isang lipunang makatao ang pangarap nila isang lipunang walang ganid na kapitalista lipunang umiiral ang panlipunang hustisya lipunang walang pang-aapi't pagsasamantala aktibista'y kumikilos para sa karapatan ng tao at para sa katarungang panlipunan nais nilang mawala na ang tiwali't gahaman upang magkaroon ng ginhawa't kapanatagan kinakalaban ng aktibista ang mga sakim sa kapangyarihan at nagdudulot ng panimdim kinakalaban nila ang diktadurang malagim na ang puso't isipan ng namumuno'y madilim kaya di krimen ang may prinsipyo't ang aktibismo! ang kriminal ay yaong mga negosyanteng tuso na nanghuhuthot sa lakas-paggawa ng obrero at palakad sa pamahalaan ay tiraniko sa gobyerno'y kriminal ang pinunong tuso't tunggak na sa elitistang naghahari pumapalakpak k...

Tutulan, labanan ang salot na E.O. 70

E.O. 70 ay pananabas sa karapatan na mithi'y durugin yaong lehitimong samahan patakarang nais takutin itong mamamayan at ituring pa tayong kaaway ng sambayanan E.O. 70 ay patakaran ng pandarahas na mismong karapatang pantao ang tinatabas ito'y patakarang mismong gobyerno ang nagbasbas nang samahan ay ituring na kalaban ng batas tutulan, labanan ang patakarang E.O. 70 tutulan, labanan ang panonokhang araw-gabi tutulan, labanan, sistemang bulok, mapang-api tutulan at wakasan na ang rehimeng DoDirty - gregbituinjr. * ang tula ay nilikha at binasa ng makata sa rali ng grupong IDefend sa harap ng tanggapan ng National Housing Authority (NHA), hapon ng Disyembre 10, 2019, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao

Human Rights Walk sa ikaapat na pagkakataon

Imahe
H uman Rights Walk sa ikaapat na pagkakataon U pang itaguyod ang karapatan natin ngayon M uli ay naglakad pagkat ito ang aming tugon A t layon upang ilantad ang laksang kabulukan N g sistemang tokhang na mithiin lang ay patayan. R inig mo rin ba ang hikbi't daing ng namatayan I tong paglalakad mula C.H.R. hanggang Mendiola'y G inagawang sadya laban sa bulok na sistema H umahakbang na para sa panlipunang hustisya! T itiyakin nating sa tokhang ay may mananagot S usulong tayo upang karahasan ay malagot W alang iwanan hangga't hustisya'y di pa maabot! A ting ipagpatuloy ang taunang Human Rights Walk L alo't nais nating tokhang at tiwali'y ilugmok K umilos tayo at ibagsak ang sistemang bulok! - gregbituinjr. * ang tula ay nilikha at binasa ng makata sa rali ng BMP-SANLAKAS-PLM, umaga sa tulay ng Mendiola sa Maynila, Disyembre 10, 2019, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao * Pasasalamat sa lahat ng sumama at sumuporta sa ikaapat ...

Buwis-buhay sa trabaho

Imahe
kinunan ko ng larawan ang isang manggagawa siya'y nagtatrabaho ngunit peligrosong lubha nasa tuktok ng gusaling sadyang nakalulula malapit kay kamatayang tila di alintana isang bahagi ng gusali'y pinipinturahan at buwis-buhay ang gawaing kinakailangan malakas ang loob sa trabahong dapat gampanan mabuti't di siya nahulog sa kinalalagyan sa pagka-stuntman kaya, obrero ba'y sinanay? na gagawin ang trabaho kahit na buwis-buhay? di na ba naisip na isang paa'y nasa hukay? na sakaling magka-aksidente siya'y mamatay? mataas yaong gusali kung iyong tatanawin na dapat mong pag-ingatan kung iyong aakyatin sa tayog ng gusali't init ng araw gagawin trabaho'y ginawa para sa munting sasahurin nawa sa baywang ay may tali siyang nakabigkis na makasasagip sakaling sakuna'y gumahis mabuhay ang obrerong buhay na'y ibinubuwis kahit na sa kakarampot na sweldo'y nagtitiis - gregbituinjr.

Huwag hayaang mangibabaw ang pamahiin

sariling kultura nila'y dapat nating igalang habang nakikita natin alin ang mas matimbang: ang pamahiin ng matatandang sa masa'y hadlang o batayang agham ang ating isaalang-alang dahil lumaki sila sa mundo ng pamahiin iba ang kinalakihan nila't alituntunin sa ganoong aspeto'y dapat silang respetuhin ngunit paniwala nila'y huwag nating gayahin pamahiin ba nila'y paniwalang di maparam sapagkat di maipaliwanag ang agam-agam pamahiin ba'y dahil sa takot o pakiramdam o pamahiin ay walang paliwanag ng agham pamahiin ba'y mula sa mga sariling kutob na dahil walang mga paliwanag na marubdob ay gumawa ng kuro-kuro't tinanggap ng loob kaya sa katanghalian ay dilim ang sumaklob tayong nakakakita'y dapat nagsusuri naman upang makuro ang takbo ng kanilang isipan tayong nakakakita'y may sariling panuntunan: kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan sa kanilang daigdig ay huwag tayong pumasok at baka aswang at manananggal ang ...

Pagyakap sa simpleng pamumuhay

kabataang tibak pa lang ako'y sumumpang tunay sa pagyakap sa prinsipyo ng simpleng pamumuhay hindi magpayaman, hindi magpahinga-hingalay pagkat buhay ay sa pakikibaka na inalay ako'y tibak na lipunang makatao'y pangarap nakikibaka upang masa ginhawa'y malasap pagkat tulad ko'y Katipunerong yakap ang hirap walang panahon upang sa buhay ay magpasarap nagsisikap itayo ang lipunang makatao habang binabaka ang salot na kapitalismo isinasabuhay ang Marxismo at Leninismo pati diwa ng Kartilya'y itinataguyod ko simpleng pamumuhay ang niyakap ko bilang tibak ito ang panuntunan ng prinsipyo't tinatahak handa pa rin sa pagkilos, gumapang man sa lusak hanggang ang sistemang bulok ay ating maibagsak - gregbituinjr.

Tinitingala ko ang kalangitang walang malay

tinitingala ko ang kalangitang walang malay ngunit kung pakatitigan mo'y sakbibi ng lumbay diyata't hanggang ngayon ay di ako mapalagay nasaan ang nawawala naming mahal sa buhay? siya ba'y ipiniit o iwinala nang tunay? sumasayaw ang ningas ng kandila sa kawalan mamaya'y unti-unting mauupos sa karimlan dama ko'y tikatik ng ambon at ambang pag-ulan habang inaabangan ang hustisyang panlipunan na ibubulwak ng nakaninong sinapupunan nanoot ang poot sa kabulukan ng sistema kumukurot sa puso ang inhustisya sa masa kaya ito'y dapat baguhin, anang aktibista ngunit kayraming winala nang sila'y nakibaka para sa mga nangawala'y panlipunang hustisya nawa'y mabago na ang sistemang tadtad ng bulok nawa'y mawala na ang mga tiwali at bugok nawa'y uring manggagawa ang malagay sa tuktok nawa'y matinong lipunan na'y ating mailuklok nawa'y makita na silang sa dilim inilugmok - gregbituinjr.

Kumikilos tayo, hindi para sa pera

kumikilos tayo, hindi para sa pera kundi para sa pagbabago ng sistema para makamit ang panlipunang hustisya at para paglingkuran ang uri't ang masa kumikilos tayo upang magkapitbisig ang uring manggagawang ating kapanalig babakahin natin ang sanhi ng ligalig at ang mapagsamantala'y ating mausig kumikilos tayo, hindi para sa sweldo gayong hindi naman tayo swelduhan dito kumikilos tayo para sa pagbabago walang sahod kundi talagang boluntaryo ang pagkilos ay dahil sa prinsipyong taglay lalo na't niyakap ay simulaing tunay pagbabago ng lipunan ang aming pakay upang kamtin ang ginhawa't magandang buhay - gregbituinjr.

Katarungan ba'y saang balon natin masasalok?

tagtuyot na ba sa hustisya ang ating lipunan kaya di umaambon ng hustisyang panlipunan hahayaang bang humalakhak ang may kasalanan? at tatawa-tawa lang sa kanilang kalayaan ang konsepto ba ng hustisya'y ating naaarok? tingin ba natin sa krimen nila'y pawang pagsubok" sa tagtuyot na katarungan ba'y may malalagok? katarungan ba'y saang balon natin masasalok? maraming biktima ng walang proseso, pinaslang di man lang nilitis kung ang mga bituka'y halang di man lang pinatunayan kung may mga paratang sinong mga salarin, sinong mga salanggapang kung may mapag-iigibang balon o posonegro tiyak maraming biktima ang nakapila rito tiyak maraming salarin ang makakalaboso ngunit nahan ang balon ng hustisya sa bayan ko - gregbituinjr.

Igalang ang paniniwala nila, ngunit huwag paniwalaan

may paniniwala silang dapat nating igalang igalang lang natin ngunit di paniniwalaan pagkat tayo'y tibak na may sariling panuntunan: kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan igalang natin ang pamahiin ng matatanda igalang natin ngunit huwag tayong maniwala sa pagsusuri't agham tayo dapat mabihasa aba'y wala na tayo sa panahong makaluma bawal magwalis sa gabi't aalis daw ang swerte katumbas pala ng iyong swerte'y ang mga dumi pusang itim daw ay malas, huwag kang magpagabi ang mga ita't baluga ba'y malas din sa tabi materyalismo diyalektika'y ating prinsipyo kung may mga batayan lang maniniwala tayo pamahiin na'y di uso sa lipunang moderno metapisika'y kaagapay ng kapitalismo kaya dapat tayong magsuri, magsuri, magsuri kung nais nating ang uring manggagawa'y magwagi dapat tayong magwagi sa tunggalian ng uri at ating ibagsak ang elitistang paghahari - gregbituinjr.

Ang Pinduteros Award mula sa HRonline.ph

Imahe
P induteros Award, ito'y mabunying gantimpala I sang pagkilalang may maganda kang nagagawa N ababasa ng mamamayan ang iyong inakda D ahil karapatan ay ipinagtanggol mong kusa U pang panlipunang hustisya'y makamit ng madla T unay na pagkilalang di dapat maisantabi E dukasyon din ito para sa nakararami R amdam mo bang ang karapatan ng madla'y umigi O  karapata'y tinotokhang sa dilim ng gabi S aksi ang award sa pakikibakang anong tindi A ng Pinduteros Award, may prinsipyo't pakinabang W alang anumang karapatang dapat tinotokhang A t walang sinumang tao ang dapat pinapaslang R imarim ng inhustisya'y dapat lamang maparam D aan ang award upang karapatan ay igalang. - gregbituinjr. * nilikha ang tula sa ika-9 na Pinduteros Awards Night at binasa ng makata matapos siyang magawaran ng nasabing award sa kategoryang blogsite. Maraming salamat kay Bb. Jenny Linares, na isa ring pinduteros, sa mga sumusunod na litrato: Ito ang...

Pagtatasa

di raw naman makararating sa paroroonan ang di raw marunong lumingon sa pinanggalingan kaya pagtatasa sa nangyayari'y kailangan tasahin anong nagaganap sa kasalukuyan kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan dapat itong gawin sa pang-araw-araw na buhay habang nagpapahinga'y isabay ang pagninilay bago mananghalian ay maghinaw ka ng kamay minsan, dapat magsuri kahit nadarama'y lumbay upang umalwan ang loob at isipan nang sabay ano ang mga isyu't problemang kinakaharap? balakid na ba iyan sa mga pinapangarap? paano pakikitunguhan ang mga kausap? kung sila sa tingin mo'y pawang mga mapagpanggap? baka tugon sa isyu't problema'y aandap-andap? walang mahirap na pagtatasa kung magtatasa pagkat may kalutasan ang bawat isyu't problema huwag maging maligalig sa pag-aanalisa batid mo kung saan ka nagmula't saan pupunta kaya anumang sulirani'y iyong makakaya - gregbituinjr.