Sabado, Oktubre 3, 2020

Proyektong patula ng ABC of Philippine Native Trees

PROYEKTONG PATULA NG ABC OF PHILIPPINE NATIVE TREES
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaking karangalan sa akin na magawan ng proyekto dahil sa kaalaman ko sa pagtula. Ayon kay misis, nais ni Mam Ime sarmiento, na siyang nagproyekto ng tatlong serye ng aklat na Philippine Native Trees (PNT), na magkaroon ng ABC of Philippine Native Trees na kanilang isasaaklat. 

Nauna kong proyekto sa kanila'y pagsasalin sa wikang Filipino ng mga maiikling kwento hinggil sa mga puno, na sinulat sa Ingles ng ilang manunulat. Tatlong maikling kwento ang aking naisalin. 

Nang hinanap muli ako kay misis para sa proyektong ABC of Philippine Native Trees, aba'y nais ko agad itong simulan. Ang proyektong ito'y patula, kaya dapat kong basahin at aralin ang mga punong ito upang mas mabigyan ko ng buhay ang paglalarawan nito sa anyong patula. Ako na muna ang pipili ng mga puno. Sa ngayon, may kopya kami sa bahay ng dalawang aklat - ang Philippine Native Trees 101 at 202.

Ang PNT 101 ay nalathala noong 2012. Nagkaroon ako ng PNT 101 nang bigyan ako nito nang ako'y magsalita sa Green SONA (State of Nature Assessment) ng Green Convergence sa Miriam College noong 2012. Lumabas naman ang PNT 202 noong 2015, at ang PNT 203 noong 2018. Tinatapos pa sa kasalukuyan ang pagsasaaklat ng Philippine Native Trees 404.

Sa aklat na iyon, kapansin-pansing may dedikasyon sila para kay Leonard L. Co. Sa PNT 202 ay may apat na artikulong sinulat para sa kanya. Apat na awtor ng sanaysay sa siyam na pahina. Si Leonard L. Co ay napagkamalang rebelde ng mga militar at mag-isa lang siya nang siya'y pinaslang sa kagubatan ng Kananga, Leyte noong Nobyembre 15, 2010. Sa PNT 101 ay nakasulat, "the great Leonard Co, the country's foremost botanist ang taxonomist." Sa Wikipedia naman, si Co ang "foremost authority in ethnobotany in the Philippines." Kaya sa pagbabasa ko ng aklat na Philippine Native Trees ay makikita ko ang kanyang anino sa ilan sa mga punong ito.

Narito ang talaan ng mga napili kong punong gagawan ko ng tula, na karamihan ay mula sa aklat na Philippine Native Trees 202. Karamihan pala ng lugar sa Pilipinas ay mula sa pangalan ng puno, tulad ng Anilao sa Mabini, Batangas, ang Antipolo sa lalawigan ng Rizal, ang Betis sa Pampanga, na maraming kamag-anak na apelyidong Bituin din, ang Calumpit sa Bulacan, ang lalawigan ng Iloilo na katabi ng Antique na sinilangan ng aking ina, ang Pandakaki sa Pampanga na relokasyon ngayon ng mga tinulungan naming maralita sa grupo kong KPML, ang Tiaong sa Quezon, ang Talisay sa Batangas at Cebu.

Anilaw
Betis
Calumpit
Dita
E
F
Gatasan
Hagakhak
Iloilo
J
Kahoy Dalaga
Lamog
Marang
Nara
Otog-Otog
Pandakaki
Q
Rarang
Subiang
Tiaong
Upas
V
White Lauan
X
Yellow Lanutan
Zambales pitogo

Maaaring mabago ang talaan ng mga puno habang nagtatagal. Baka kasi mas may kilalang puno na dapat ko munang itula. Halimbawa, imbes na Anilaw ay Atis, imbes na Betis ay Bayabas, imbes na Subiang ay Santol o Sinigwelas. Di naman maaaring ang Upas ay palitan ko ng Ubas dahil hindi naman Philippine Native Tree ang Ubas. Subalit sa ngayon, naisip kong imbes na Duhat ay ang punong Dita muna dahil nagligtas ng maraming buhay ang punong Dita nang rumagasa ang bagyong Ondoy noong 2009 sa Barangay Bagong Silangan sa Lungsod Quezon. Dito nakatira ang isang kasama ko sa grupong Sanlakas, at sa unang anibersaryo ng Ondoy ay nag-alay kami ng kandila para sa mga nasawi sa Ondoy. 

Kung papansinin ang talaan sa aklat, walang nakatalang punong nagsisimula sa E, F, J, Q, V, at X. Kaya ang ABC ay baka maging Abakada ng mga Katutubong Puno sa Pilipinas. Tingnan na lang natin sa kalaunan. Ang Calumpit nga ay Kalumpit sa PNT 101. Puno rin pala ang Antipolo na nasa PNT 101. O baka mas maganda kong gawin, gawan ko pareho ng tula bawat titik. Halimbawa, sa titik A, may tula para sa Atis at sa punong Anilaw. Sa titik B ay Bayabas at Betis. Para may pambata (young) at may pangtigulang (adult) at pangmatanda (oldies). Para masaya, di ba?

Gayunman, yaon lang nakatala muna sa mga aklat na Philippine Native Trees ang aking gagawan ng tula. Kung wala sa talaan nito ay hindi ko gagawan ng tula. Kung magawan ko man ng tula ang wala sa aklat ay hindi ko isasama sa proyektong ito, kundi dagdag-koleksyon sa iba pang tula.

Sa ngayon, sisimulan ko na munang basahin ang PNT 202. Maraming salamat sa pagtitiwala na napunta sa akin ang ganitong mahalagang proyekto.

Biyernes, Oktubre 2, 2020

Panata sa kaarawan

patuloy akong naglilingkod sa uri't sa bayan
kaya muling namamanata ngayong kaarawan
sinasabuhay ang Kartilya ng Katipunan
Liwanag at Dilim ni Jacinto'y muling tunghayan

pagkat prinsipyo ang bumubusog sa puso't diwa
prinsipyo ang nagsasatitik ng bawat kataga
samutsaring sitwasyon, isyu't paksa'y tinutudla
upang proletaryong tindig ay marinig ng madla

"di tayo titigil hangga't di nagwawagi", sabi
sa awiting talagang sa puso'y bumibighani
"ang ating mithiin, magkapantay-pantay", ay, grabe
at "walang pagsasamantala, walang pang-aapi"

kaya iwing buhay na ito'y akin nang inalay
nang magkaroon ng isang lipunang pantay-pantay
sa buong daigdig, ito ang aking naninilay
na puspusan kong gagawin hanggang ako'y mamatay

ito'y muli kong panata sa aking kaarawan
kaya gagampanang husay ang bawat katungkulan
patuloy sa pagsulat, lipunan ay pag-aralan
hanggang sa magwagi ang manggagawa't sambayanan

- gregoriovbituinjr.
10.02.2020

Di ako papepi

di ako papepi, di rin naman naging palaboy
masipag akong kumilos kung may mithiing tukoy
may prinsipyo't paninindigan, adhika'y may latoy
habang naririnig ang mga aping nananaghoy

di ako papepi, lampa o mahina ang tuhod
lalo't may simulain akong itinataguyod
ngunit tibak na maingat, di basta sumusugod
nagsusuri, nagninilay, di basta nakatanghod

di ako papepi, patuloy pa ring kumikilos
upang lipunang makatao'y ikampanyang lubos
magkapitbisig ang uring proletaryo't hikahos
bakahin ang pagsasamantala't pambubusabos

di ako papepi, lalo na't tibak na palaban
pagtayo ng lipunang makatao'y tinindigan
na sa buhay na ito'y dapat nating pagsikapan
para sa maunlad at pantay na kinabukasan

- gregoriovbituinjr.

* papepi - kolokyal o slang sa kinalakihan kong Sampaloc, Maynila, na ibig sabihin ay lampa o mahina ang loob at tuhod

Kwotasyon ni Marx ngayong kaarawan

Quote for the Day: 2 October 2020
"In all forms of society there is one specific kind of production which predominates over the rest, ... a general illumination which bathes all the other colours and modifies their particularity." ~ Marx, The Grundrisse (1857)

kaylalim ng quote for the day sa aking kaarawan
na dapat kong basahi't basahin at pagnilayan
Sa The Grundisse ni Karl Marx ay nalathala naman
sa isang blog ng paggawang nasaliksik ko lamang

sa lahat ng anyo ng lipunan ay mayroon daw
na tipo ng produksyon na siyang nangingibabaw
sa iba pa, na kung pagninilayan ko'y balaraw
sa likod ng madla't sa daigdig ay gumagalaw

tulad ba ng tinutukoy sa lipunang alipin
nangibabaw noon ang panginoong may-alipin
sa pyudal, panginoong maylupa, asendero rin
sa kapitalismo'y kapitalistang switik man din

kaya dapat palitan ang kabulukang napala
dahil din sa sistemang may naghaharing kuhila
sa sinabi'y pag-isipan kung anong nagbabadya
upang makakilos tungo sa ganap na paglaya

pangkalahatang tanglaw daw kung aking isasalin
na pinapaliguan ang lahat ng kulay man din
na partikularidad pa'y nagagawang baguhin
subalit sinabing ito'y malalimang suriin

mayroong quote for the day lagi sa blog ng paggawa
na ngayong kaarawan ay aking tinunghayan nga
na sa tulad kong tibak ay dapat lang maunawa
habang patuloy na nagsisilbi sa dukha't madla

- gregoriovbituinjr.
10.02.2020

* ang tinutukoy na blog ng makata ay nasa kawing na http://kilusangpaggawa.blogspot.com/

Nageekobrik pa rin sa kaarawan

kahit man nasa pagdiriwang nitong kaarawan
patuloy pa ring nageekobrik, di mapigilan
pagkat iyon na ang adbokasyang naging libangan
nageekobrik sa gitna ng tagay at pulutan

pagpatak ng alas-dose'y matiyagang hinintay
upang simulan ang pageekobrik at pagtagay
kaarawan ni Gandhi't Benjie Paras ang kasabay
kay Marcel Duchamp na pintor ay araw ng mamatay

magandang pambungad ng araw ang pageekobrik
madaling araw man ay patuloy na nagsisiksik
ng ginupit na plastik sa tinipong boteng plastik
sige sa pageekobrik, walang patumpik-tumpik

bagamat plastik ay dumagsa ngayong may pandemya
upang di magkahawaan, lutasin ang problema
pagkat lupa't dagat sa plastik ay nabulunan na
kaarawan man, nasa isip pa rin ang hustisya

di sapat na sabihin mo lang, "Ayoko sa plastik!"
habang wala kang ginawa sa naglipanang plastik
tititigan mo lang ba dahil ayaw mo sa plastik?
o gagawa ka ng paraan tulad ng ekobrik?

hustisyang pangkalikasan ang aking panawagan
di lang pulos inom at magsaya sa kaarawan
isipin pa rin ang pagtaguyod ng kalikasan,
ng kagalingan ng daigdig, kapwa, sambayanan

- gregoriovbituinjr.
10.02.2020

Huwebes, Oktubre 1, 2020

Buhay ng isang OFW

ako'y nangibang bayan
at nagtungo sa Taiwan
na maglalagi naman
doon ng sampung buwan

nalayo sa pamilya
sakripisyo talaga
malayo sa asawa
at sa tatlong anak pa

subalit kailangan
upang mapaghandaan
itong kinabukasan
ng pamilya't anak man

anak ay mapag-aral
edukasyon ma'y mahal;
sampung buwang tatagal
sa Taiwan magpapagal

madama man ay homesick
sa pamilya'y masabik
ngunit pabaong halik
sa puso'y natititik

anak, para sa inyo
ang aking sakripisyo
tanging bilin sa inyo
ay magmahalan kayo

- gregoriovbituinjr.

* hiniling ng isang kaibigan na gawan ko ng tula batay sa sinabi niyang paksa

Miyerkules, Setyembre 30, 2020

Ang karatula sa dyip

"No face mask, no ride" ang mas lohikal nitong mensahe
nakapaskil sa dyip kaninang ako'y namasahe
malaking NO't tig-apat na letrang magkakatabi
disenyo nito'y tila may kaibang sinasabi

tingnan muli ang ayos ng letra't baka matawa
"No face", aba'y wala ka bang mukhang ipapakita?
"No mask", anong tingin nila sa mukha mo, maskara?
"No ride", di ka makakasakay, pag wala kang pera?

minsan, natatawa lang tayo sa ating sarili
lalo't disenyo sa karatula'y kaiba kasi
"No face mask, no ride", pwede pag magandang binibini?
pag walang face mask, bawal sumakay, kahit ang seksi!

pag "no face, no mask, no ride", iba na ang kahulugan
matatawa ka na lang pag disenyo'y inayunan
malamig, di malagim, ang pusikat na karimlan
buti't sa pag-uwi'y may dyip pa rin akong nasakyan

- gregoriovbituinjr.

Imbudo para sa pageekobrik

mas madali nang magpasok ng ginupit na plastik
sa maliliit na bunganga nitong boteng plastik
gamit ang imbudo upang plastik ay maisiksik
upang bumilis ang trabaho sa pageekobrik

kaya nang makita ko ang imbudo sa groseri
kasama ko si misis, ito'y amin nang binili
at dahil na rin sa imbudo, mas nakawiwili
ang gawaing pag-eekobrik, ako mismo'y saksi

noon, natatapon sa sahig ang mga ginupit
na plastik, ngayong may imbudo, kaydaling isingit
walang nahuhulog na plastik lalo't maliliit
tila mas may inspirasyon sa panahong malupit

panahong kaylupit dahil sa kwarantina't COVID
kaya sa pageekobrik ang buhay nabubulid
subalit ayos lang habang may trabaho pang lingid
hintay pa ang patawag, magsimula pag nabatid

- gregoriovbituinjr.


Huwag magtapon ng basura sa karagatan

kayganda ng payo sa kwadernong aking nabili
kwadernong dapat gamitin ng mga estudyante
madaling maunawaan, sadyang napakasimple
halina't basahin: "Do not throw garbage into the sea."

pakatitigan mo pa ang mga dibuho roon
isdang may plastik sa tiyan pagkat kumain niyon
kahihinatnan ng tao pag nangyari'y ganoon
kakainin natin ang isdang plastik ang nilamon

nabubulunan na nga ang karagatan sa plastik
kagagawan iyon ng tao, dagat na'y humibik
paano malulutas ang basurang inihasik
ng tao sa dagat, kilos, huwag patumpik-tumpik

ngunit ngayong nananalasa ang coronavirus
lumaganap muli ang plastik, di na mabatikos
ngunit sino bang lulutas sa problema'y aayos
sa daigdig na sa plastik nalulunod nang lubos

hangga't di pa huli ang lahat, tayo'y magsigalaw
bago pa tayo balingan ng plastik na halimaw
plastik ay di nabubulok, tila ito balaraw
sa ating likod, kumilos na tayo, ako, ikaw

- gregoriovbituinjr.

Mahirap indain

mahirap indain ang samutsaring naririnig
dahil walang trabaho'y pabigat, nakabibikig
dapat nang umalis na tila di mo napakinig
yaong ayaw mapakinggang mapang-uyam na tinig

pabigat, palamunin, wala kasing sinasahod
di naman papepi, lampa, o mahina ang tuhod
bakit di magtrabaho't kumayod lang at kumayod
kaysa tumunganga't mangalay ang leeg at likod

subalit ayaw tanggapin sa trabaho ang tibak
di kabisado ang salita, sila'y hahalakhak
wala ring mga bakante, kung gusto mo'y magsibak
ng kahoy na kinuha't sibakin doon sa lambak

walang problema kung kaya, ang trabaho'y gagawin
basta huwag lang paparinggang ako'y palamunin
anumang trabaho'y kakayanin ko't papasukin
basta kahit ako'y tibak ay kanilang tanggapin

huwag lang nilang hamakin ang aking pagkatao
na pabigat at palamunin dahil walang sweldo
kung patuloy pang lalaitin, aalis na ako
at muling babalik sa kinikilusan kong mundo

- gregoriovbituinjr.

Martes, Setyembre 29, 2020

Ang mutya sa balintataw

nakikita ko ang mutyang nakangiti sa hardin
sa aking balintataw ay naroong anong hinhin
ako ba'y namalikmata o nanaginip man din
pagkat bigla siyang nawala't tinangay ng hangin

anong ganda ng mutya kung ipipinta sa kambas
habang tinutula ko ang kariktan niyang wagas
baka ngiti niya ang sa sakit ko'y makalunas
habang aking haraya'y paduyan-duyan sa taas

tila ako isang raha doon sa daigdigan
na laging nakikipaghuntahan sa mamamayan
pag sumagi sa isip ang mutya'y natitigilan
subalit panibagong tula'y nalilikha naman

ang mutya kayang iyon ang musa nitong panitik
pag nariyan siya, pluma ko'y sa papel hahalik
habang tinutulungan yaong masang humihibik
ng kawalan ng hustisya kaya naghihimaghik

- gregoriovbituinjr

* kinatha matapos basahin ang "Notorious Literary Muses from Best to Worst" na nasa kawing na https://lithub.com/notorious-literary-muses-from-best-to-worst/

Kaygandang islogan sa kwaderno

"The least I can do is speak out for those who cannot speak for themselves." - islogan sa isang pabalat ng notbuk

kayganda ng islogan sa kwadernong nabili ko
wala nang alinlangang binili ko agad ito
sinasalamin nito ang yakap kong prinsipyo
na niyakap ko't umukit sa aking pagkatao
bilang makata, bilang aktibista, bilang ako

ako'y isang lingkod ng uring manggagawa't masa
sa pagkilos, pagtula, pagkatha, pagpropaganda
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
lumalaban sa mapang-api't mapagsamantala
inaadhika'y palitan ang bulok na sistema

oo, nagsasalita ako para sa dalita
para sa karapatan, hustisya, api't kawawa
lalo pa't pipi't bingi ang namumunong kuhila
sa burgesya'y una ang tubo't negosyo, di dukha
sa tibak na tulad ko'y lipunang mapagkalinga

patuloy pa ako sa pakikibaka ng uri
upang sistemang bulok ay di na mananatili
para sa dukha, obrero, api'y nagpupunyagi
para sa magsasaka, babae, bata, kalahi
upang ilagay sa tuktok ang uring inaglahi

- gregoriovbituinjr.

Pageekobrik muli

isang linggo rin akong tumigil na mag-ekobrik
di dahil walang plastik kundi dama'y tumitirik
pulos iyon na lang, araw-gabi nang nagsisiksik
kahungkagan ng buhay-kwarantina'y dumidikdik

tila ba pageekobrik ko'y isang pagmumukmok
damang kahungkagan sa akin nakapagpalugmok
ang kahungkagang ito'y nakasisira ng tuktok
bagamat di ko masabing sa puso'y umuuk-ok

pageekobrik na ito'y magandang adhikain
nabubulunan sa plastik ang ilog, dagat natin
dahil nga sa coronavirus, balik-plastik pa rin
kampanyang anti-plastik ay tila ba natigil din

subalit ngayon, sinimulan ko muling maggupit
ng maraming plastik na naiipon kong malimit
hungkag man ang dama'y mageekobrik pa ring pilit
magekobrik hangga't sa kwarantina'y nakapiit

- gregoriovbituinjr.

Lunes, Setyembre 28, 2020

Tanaga sa panahon ng kwarantina

mahirap magkasakit
sa lockdown na kaylimit
ramdam mo'y anong lupit
sa panahong di sulit

kailangang mag-ingat
huwag kang malilingat
agapan pag may sinat
at iwasan ang lagnat

face mask, social distancing
face shield, huwag babahing
kung sakaling hihimbing
diwa'y alisto't gising

dapat kang may alkohol
tanging tagapagtanggol
sa sakit na sasapol
o virus na hahabol

ano bang dapat gawin
nang di tayo gutumin
aba'y pabitin-bitin
na itong buhay natin

wala nang nakakapa
sa bulsa ang dalita
walang kita't kalinga
at lagi pang tulala

kwarantina'y kaytagal
laging natitigagal
ramdam ko'y isang hangal
na ulo'y binubuntal

gutom ang kalaban
pabrika'y nagsarahan
baka mapagpasyahan
umuwing lalawigan

babalikan ang bukid
kaysa lungsod mabulid
ang sakit ay balakid
sa buhay na matuwid

- gregoriovbituinjr.

* Ang tulang ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 16-30, 2020, pahina 20.

Sa ika-25 anibersaryo ng Mining Act sa bansa

aba'y pangdalawampung anibersaryo na pala
nitong Mining Act sa bansa, ano bang nangyari na
batas na nagwasak sa paligid, buhay, kultura
wasak na bundok, lupang minina'y may lunas pa ba

di ba't ang ating kapaligiran ay napinsala
pati mapagkukunan ng tubig na'y nasisira
puno't pananim, katutubo'y apektadong lubha
nangyari sa Boac noon ay isang halimbawa

bakit tuwang-tuwa kayong minimina ang bundok
biktima rin ba kayo ng kapitalismong hayok
ilang kabundukan na ba ang kinalbo ang tutok
dahil sa mina, ilang buhay na ang nangalugmok

kayraming pinalayas sa lupa nilang sakahan
batbat ng karahasan sa mga lupang minahan
bansa'y pangalawa na sa kayraming pinapaslang
buhay ng environmental defenders nga'y inutang

noon, bakit pinayagang magmina ang dayuhan
ngayon, bakit payag na payag ang pamahalaan
madaling pasunurin ng negosyanteng gahaman
tila wala nang pakialam sa kapaligiran

di ba't mas mahalaga pa ang tao kaysa tubo
bakit sinisira ang lupain ng katutubo
bakit winawasak ang mga lupaing ninuno
bakit lupang minina'y hinuhugasan ng dugo

tama na, sobra na, ang Mining Act ay palitan na
ang panawagan namin ay panlipunang hustisya
tulad ng ginawa noon ni Secretary Gina
minahang sumira ng kalikasan ay isara

- gregoriovbituinjr.

* kinatha at inihanda ang tulang ito para sa pagkilos sa DENR ngayong araw, 09.28.2020

https://news.mongabay.com/2020/03/the-fight-goes-on-for-opponents-of-a-philippine-mine-given-a-new-lease-on-life/
https://news.abs-cbn.com/focus/07/05/16/beyond-responsible-mining-in-the-philippines
https://mb.com.ph/2020/08/03/denr-to-anti-mining-groups-dont-mix-up-issue-of-insurgency-and-environment/https://www.worldpoliticsreview.com/articles/26506/fleeing-violence-the-philippines-anti-mining-activists-are-trapped-in-a-waiting-game
https://www.alyansatigilmina.net/single-post/2020/09/25/Press-Statement-Pandemics-are-linked-to-mining-and-climate-change

Linggo, Setyembre 27, 2020

Tula ng desperado

anong kasong pulitikal ang aking aakuin
upang makabalik sa lungsod at sa'king tungkulin
bakasakaling ako'y muli rin nilang kulungin
upang sa pagsilbi sa bayan ay makabalik din

aakuin ko bang ako'y isang propagandista
ng kilusang masang patuloy na nakikibaka
aakuin ko bang masugid akong aktibista
upang kamtin ng masa ang panlipunang hustisya

aakuin ko bang sa heneral na mapaniil
na napatay noon ay isa ako sa bumaril
aakuin ko bang sa mapang-abusong koronel
ang naghiganti para sa dukhang kanyang kinitil

aakuin ko ba pati sugat ng katarungan
upang makabalik lang sa paglilingkod sa bayan
ayokong ituring na sa laban ay nang-iwan
ako na'y makulong o gawaran ng kamatayan

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Setyembre 26, 2020

Ang ibinigay sa aking dalawang aklat

After manggaling ng Book Ends Bookshop sa Baguio, nakipagkita si misis sa kanyang amiga na palagay ko'y nasa 65-70 years old na. Pinatuloy kami sa kanilang tahanan at doon nananghalian. First time kong na-meet ang matanda, at agad niya akong binigyan ng dalawang libro. 

Ang Kite Runner ni Khaled Hosseini, tungkol sa bansang Afghanistan, na nasa 398 pages. Ang ikalawa at agad kong binasa dahil nagkainteres agad ako, ang aklat na Prisoners of Geography, Ten Maps that tell you everything you know about global politics, nasa 320 pages. 

Kaibigan ni misis, first time ko na-meet, ngunit dalawang political books ang aking natanggap mula sa kanya. Alam kaya niyang political activist ako? Gayunman, ako'y lubos na nagpasalamat sa kanya, na mula sa Lipa, Batangas, na ang asawa ay from Baguio.

- gregoriovbituinjr.

Nabili kong dalawang literary books sa Book Ends

Nabili ko sa Book Ends Bookshop sa Baguio City ang dalawang literary books na ito: katipunan ng mga tula ng makatang Ingles na si William Wordsworth, at ang koleksyon ng sanaysay sa kritisismo ni American-British poet na si T. S. Eliot. Imbes na P400 ang dalawang aklat ay naka-discount ako, P250 na lang. 

Ang Wordsworth Poetical Works, 780 pages, imbes na P250 ay P150 na lang. Iyon namang Selected Prose of T. S. Eliot, 320 pages, na P150 ang presyo ay P100 na lang. Naka-discount ako ng makita ng staff ng bookstore na kasama ko si misis. Kakilala kasi sila ni misis, at lagi doon si misis noon na naglulunsad ng training sa ecobrick at bokashi. Buti na lang, naka-discount sa 2 literary books ang makata.

- gregoriovbituinjr.

Sa sementeryo ng Malabon

dalawang kwento itong nabatid ko't nasaliksik
sa sementeryo ng Malabon ay may natititik
napag-usapan lamang namin habang bumabarik
na marahil din sa iba'y kwentong kahindik-hindik

may rebulto roong tulad ng drowing sa hinyebra
subalit baligtad ang pag-ukit ng matapos na
nasa ibabaw si Taning, nag-ukit nga'y lasing ba?
habang nasa ilalim si San Miguel sa dalawa

sa lapida ni Ben Tumbling ay may ukit na tula
kriminal mang naturingan, siya'y pinuring sadya
binasa ko ang buong tula't ako'y napahanga
kaykinis ng katha, pantig pa'y bilang na bilang nga

ito'y nasaliksik ko lang, di ko pa nadadalaw
nais ko itong puntahan, makita balang araw
ang sementeryo ng Malabon kung makita ko raw
sisigla ang haraya't mga diwata'y sasayaw

- gregoriovbituinjr.

Ang una kong tagay sa anim-na buwang kwarantina

ang aking bahay-alak ay muli kong napalamnan
sa unang pagkakataon nitong anim-na-buwan
ng panahong kwarantinang uhaw sa kalasingan
tila ba nagsaya ang mga bulati sa tiyan

katagay ko'y dalawang bayaw na pinsan ni misis
di man madaldal, bangka ako sa kwentuhan, tsismis
nagiging matabil pag may tagay, di makatiis
samutsaring paksa'y napag-usapan, di man labis

isang malaking Red Horse, dalawang boteng hinyebra
pulutan ay fish cracker at may munting kamatis pa
drowing sa hinebra'y napag-usapan, anong saya
pati ang unang tagay na dinasalan pa nila

samutsari raw ang seremonya sa unang tagay
sa iba't ibang tribu raw, may seremonyang taglay
para sa kaligtasan sa pag-uwi, walang away
may bagong saliksik na namang akong naninilay

salamat sa tagay malipas ang anim na buwan
muling sumigla ang imahinasyon at kwentuhan
may mga bagong saliksik, plano't napag-usapan
na isusulat ko't ilalathala kalaunan

- gregoriovbituinjr.


Munting tula sa rali sa DOLE

MUNTING TULA SA RALI SA DOLE‎ binibilog nilang muli ang ating mga ulo ‎ayaw na raw ibigay ang walumpu't limang piso ‎ganito katindi ang ...