Sa sementeryo ng Malabon

dalawang kwento itong nabatid ko't nasaliksik
sa sementeryo ng Malabon ay may natititik
napag-usapan lamang namin habang bumabarik
na marahil din sa iba'y kwentong kahindik-hindik

may rebulto roong tulad ng drowing sa hinyebra
subalit baligtad ang pag-ukit ng matapos na
nasa ibabaw si Taning, nag-ukit nga'y lasing ba?
habang nasa ilalim si San Miguel sa dalawa

sa lapida ni Ben Tumbling ay may ukit na tula
kriminal mang naturingan, siya'y pinuring sadya
binasa ko ang buong tula't ako'y napahanga
kaykinis ng katha, pantig pa'y bilang na bilang nga

ito'y nasaliksik ko lang, di ko pa nadadalaw
nais ko itong puntahan, makita balang araw
ang sementeryo ng Malabon kung makita ko raw
sisigla ang haraya't mga diwata'y sasayaw

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot