Ang maikling kwento sa Taliba ng Maralita

ANG MAIKLING KWENTO SA TALIBA NG MARALITA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May ilan pang isyu ng Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ang hindi pa nagawa. Subalit tinatapos ko pa rin. Kahit paunti-unti. Lalo na't apatnapu't siyam na araw akong nagbantay kay misis sa ospital.

Subalit bakit dapat gawin pa rin iyon? Una, dahil sa pagtatala ng kasaysayan ng mga mahahalagang pangyayari't pagkilos na nilahukan ng KPML. Ikalawa, dahil nalalathala dito ang mahahalagang isyu ng pabahay at kahirapan, at pagsusuri sa isyu ng maralita. Ikatlo, upang may mabasa ang mga maralitang kasapi ng KPML, at maitago nila iyon bilang testamento ng kasaysayan at pakikibaka ng mga maralita. Ikaapat, dahil nalalathala rito ang panitikang maaaring iambag sa panitikang Pilipino, tulad ng mga tula at maikling kwento.

Nitong Nobyembre lang ay kumontak sa akin ang mga estudyante ng isang pamantasan sa Batangas, at ginawa nilang thesis ang tatlo kong maikling kwentong may kaugnayan sa State of the Nation Address (SONA). Ito ang mga kwentong "SONA na naman, sana naman..." (Taliba isyu, Hulyo 16-31, 2023, pahina 18-19), "Budul-Budol sa Maralita" (Taliba Pre-SONA isyu, Hulyo 1-15, 2024, pahina 18-19), at "Bigong-Bigo ang Masa" (Taliba Post-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19). Napakalaking karangalang makapanayam ako ng mga estudyanteng iyon. Ibinalita naman nila sa akin na nakapasa sila sa kanilang thesis.

Mula Setyembre hanggang ngayong Disyembre na siyang backlog ng Taliba, ito ang pinagkukunutan ko ng noo. Bukod sa mga balita ay pinag-iisipan ko kung paano ko isusulat sa maikling kwento ang mga tampok na isyu ng panahong iyon. Paghahanda ko rin bilang kwentista ang pagsusulat ng mga kwento upang balang araw ay makapagsulat ng nobela, at maisaaklat iyon, na siya kong pangarap - maging ganap na nobelista.

Dalawang beses isang buwan lumalabas ang Taliba ng Maralita. Ibig sabihin, dalawampu't apat na isyu sa isang taon. Kaya kung may apat na buwan pang backlog, may walong isyu ang dapat kong tapusin. Isasama ko ang mga kuha kong litrato sa rali, pati pahayag ng mga kapatid na organisasyon, upang hindi naman ako matulala sa dami ng trabaho. Ang pagsusulat ang tungkulin ko sa organisasyon, pagsusulat ng pahayag, at ang pagkatha ng maikling kwento at tula ang kinagigiliwan kong gawin. Subalit mga kwento at tula sa pagsusulong ng pakikibaka ng mga maralita laban sa pang-aapi't pagsasamantala ng sistemang bulok, tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao at sa kalikasan.

Pinagnilayan ko't sinulat sa tula ang mithiing ito para sa tuloy-tuloy na paglalabas ng publikasyong Taliba:

adhika ko pa ring gawin ang mga isyu
ng pahayagang Taliba ng Maralita
sulatin ang balita, kumatha ng kwento
at tula, at magsuri ng isyu ng dukha

pakikibaka ng dukha'y pag-iisipan
at ilathala ano bang kanilang layon
sapagkat bawat laban ay may kasaysayan
na dapat matala sa aming publikasyon

kolum ni Pangulong Kokoy Gan ay patnubay
sa pakikibaka ng kapwa mahihirap
habang litrato ng pagkilos ay patunay
ng adhika ng dukha't kanilang pangarap

na isang lipunang wala nang pang-aapi
at pagsasamantala, ang sila'y mahango
sa hirap, kaya tuloy ang pagbaka't rali
laban sa mga kuhila't laksang hunyango

12.23.2024

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan