Pagninilay

PAGNINILAY

ano nang nangyayari't / tila walang mapala
tulog pa ang katawan / pati na yaring diwa
animo kaytindi na / ng bagyong di humupa
kaya buong lansangan / ay dumanas ng baha

may butas na ang atip / kaya panay ang tagas
tila luha ng langit / ang dito'y naghuhugas
tanaw mo ang bituin / sa kisameng may butas
habang nangangarap pa / ng lipunang parehas

kahit sa kalunsuran, / dinig mo ang kuliglig
sa paroo't paritong / sasakyang buga't butlig
habang sa kapitbahay / talak ay maririnig
nagsesermon na naman / sa asawang mahilig

kailangan ko na ring / maglaba ng labahin
upang may maisuot / sa sunod na lakarin
kung sakaling may butas / ang damit na'y tahiin
pagkunwariing bago / ang barong susuutin

- gregoriovbituinjr.
06.27.2024

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot