Panganay

PANGANAY
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pangalawa ako sa anim na magkakapatid, at panganay sa apat na lalaki. Ako ang junior ni Dad dahil ipinangalan ako sa kanya.

Ang aking nakatatandang kapatid na babae ay nasa US dahil pinetisyon ng anak kaya silang mag-asawa ay naroroon nang mamatay si Dad noong Abril 12. Kaya ako muna ang tumayong panganay sa magkakapatid habang wala si Ate. Bagamat hindi talaga ako ang naging punong abala sa burol kundi ang pangatlo, pang-apat at bunso na nakasama ni Dad sa kanyang huling sandali. Bagamat tumulong din ako at nagbantay sa burol habang tulog ang lahat.

Dala ko ang trabaho kahit sa lamay. Nagtitipa sa kompyuter ng madaling araw habang tinatapos ang nakuha kong kontrata ng translation mula sa isang institusyon. Abril 15 ang ikatlong deadline (34 pahina) at Abril 19 (anim na pahina) ang huling deadline. Kaya nagtatrabaho pa rin kahit nasa lamay.

Tamang-tama namang nakuha na ni Ate ang kanyang green card nito lang Abril 14, na ibinalita agad niya sa aming magkakapatid. Kaya nagpasya na siyang umuwi ng Pilipinas upang makadalo sa libing ni Dad sa Abril 18. Dumating na rin mula Davao ang isa ko pang kapatid na si Greg Vergel, panglima sa magkakapatid, kasama ang kanyang pamilya.

Marahil ako lang ang kaiba sa magkakapatid, dahil ako lang ang naging aktibista. Nagsimula iyon sa pagbabasa at pagpunta-punta sa Popular Bookstore sa Doroteo Jose sa Maynila, noong bandang huling bahagi ng 80s, bago iyon lumipat sa Tomas Morato, malapit sa Boy Scouts Circle, sa Lungsod Quezon.

Hindi kami nagkita ni Ate bago ako lumuwas ng Maynila kahapon, Abril 16, upang daluhan muna ang isang talakayan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na gaganapin sa Philippine Normal University sa Abril 17, ngayong hapon. Pambihirang pagkakataon iyon na KWF mismo ay nag-email sa akin upang daluhan ko ang kanilang aktibidad sa PNU. Kaya kailangan kong lumuwas ng Maynila at babalik muli sa Balayan sa gabi para sa huling lamay.

Mabuti at nakabalik na si Ate sa Pilipinas, at kumpleto na kaming anim na magkakapatid upang ihatid sa huling hantungan si Dad sa Calaca bukas, Abril 18.

PANGANAY

mula Tate, dumating na si Ate
panganay sa aming magkakapatid
na sa akin ay magandang mensahe
at kumpleto na kaming maghahatid
sa aming Ama sa huling hantungan
na namatay na mula sa ospital
nagsikap para sa kinabukasan
si Dad na aming ikinararangal

si Ate naman ang punong abala
bagamat sa group chat lang nagkausap
si utol Vergel ay di pa nakita
na mula Davao pa'y sadyang lumipad
kasama ang kanyang buong pamilya
na sa Batangas ay di pa napadpad

04.17.2024

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?