Timawa - Pataygutom o Malaya?
TIMAWA - PATAYGUTOM O MALAYA?
ang katanungan sa palaisipan: Dos Pababa
PATAY-GUTOM - anim na titik, ito'y ano kaya
KAWAWA, ALIPIN, ngunit sagot pala'y TIMAWA
gayong sa aralin noon, ang timawa'y MALAYA
nagbabago ang kahulugan ng mga salita
noon, ang timawa ay mga aliping lumaya
ngayon pag nanghingi ng limos, tawag na'y timawa
kahulugan nito'y nag-iba, paano't bakit nga
isang malaking tanong, nagbago nga ba ang wika?
o walang trabaho't kita ang aliping lumaya?
kaya nagpalaboy, sa lansangan gumala-gala?
naging gusgusin ang malaya ngunit walang-wala?
nakakatawa nga ba o tayo'y mapapaluha
ang pataygutom ay dating mga taong malaya
paano ba pumaimbulog ang mga kataga
sa pagdatal ng panahon, nagbago ng unawa
- gregoriovbituinjr.
03.31.2024
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento