Karapatan sa Kabuhayan, Ipaglaban!

KARAPATAN SA KABUHAYAN, IPAGLABAN!

iyan ang mensahe sa damit niya
marahil siya'y isang manininda
pinanawagang karapatan nila
sa kabuhayan, igalang talaga

ang mga vendor ay huwag gipitin
silang marangal, huwag maliitin
silang patas sa maraming usapin
upang pamilya'y kanilang buhayin

karapatan nila sa kabuhayan
ay sama-samang ipinaglalaban
bawat sentimo'y pinagsisikapan
upang anumang kita'y ipuhunan

manininda'y totoong kumakayod
gayong munting kita'y di naman sahod
sa pamilya'y katuwang at gulugod
silang sa madla'y tunay kung maglingkod

ating dinggin ang panawagang ito
buhay na letra't mensaheng totoo
sa manininda, kami po'y saludo
taas-noo't marangal magtrabaho

- gregoriovbituinjr.
03.29.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa rali sa Kongreso laban sa ChaCha, Marso 20, 2024

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot