Itutulog ko na lang muna

ITUTULOG KO NA LANG MUNA

itutulog ko na lang ba itong hinaing?
bakasakaling mawala kapag nagising?
malulutas ba ito habang nahihimbing?

tandang dapat nang matulog ang paghihikab
at nais ko nang matulog katabi si Lab
nais magsulat ngunit antok na'y nanunggab

itutulog ko muna ang maraming paksa
itutulog ko muna ang aking pagluha
itutuloy na lang bukas ang ginagawa

diwata'y nais kong makasama sa ulap
habang nagpapalitan ng mga hinagap,
ng mga taludtod, talulot, pangungusap

ay, di muna tutula, ako'y tutulog na
pagkat paglalakbay ko'y mahaba-haba pa
at bukas na lamang muli tayong magkita

- gregoriovbituinjr.
03.24.2024

* dibuho mula sa google

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot