Imbes Malakanyang, rali ay sa FEU na

IMBES MALAKANYANG, RALI AY SA FEU NA

pasensya na po't inyong iskul ay nabanggit
sa inyong tapat kami nagrali't naggiit
ng aming karapatan dahil sa malupit
na sistema, na isyu sana'y mailapit
isyung nais naming sa Mendiola masambit

sa FEU na, dapat ay sa Malakanyang
pagkat doon ang trono ng pamahalaan
karapatang magpahayag na'y binawalan
sa Mendiola gayong doon marapat lamang
batalyong pulis ang sa amin ay humarang

Kalbaryo ng Maralita'y isinagawa
upang iparating isyu ng maralita
ang 4PH ay para sa negosyong sadya
pabahay na alok na di para sa dukha
sa ChaChang nais nila, bayan ang kawawa

payag ba kayong gawing sandaang porsyento
na dayuhan ay mag-ari ng lupa rito
midya, kuryente, tubig, serbisyo publiko
ChaCha ang paraan ng Senado't Kongreso
upang Saligang Batas natin ay mabago

paumanhin, FEU, kung maging madalas
sa inyo idulog ang sistemang di patas
pagrarali namin sa harap nyo'y dadalas
kung hindi titino ang tuso't talipandas
kung bayan na'y binebenta ng mga hudas
nais ng maralita'y lipunang parehas

- gregoriovbituinjr.
03.27.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa harap ng FEU sa Morayta nang isinagawa ang Kalbaryo ng Maralita, umaga ng Marso 26, 2024

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot