Hayaan mong tumula ako

HAYAAN MONG TUMULA AKO

hayaan mong tumula ako't inbox ay punuin
ngayon lang naman iyan, lahat ay matatapos din
pag ako'y di na makatula, o naging pasanin
kaya ginagawa ko ngayo'y ipagpaumanhin

hayaan mong tumula ako habang may hininga
ngayon lang naman iyan, habang narito't buhay pa
matatapos din ang lahat, kapag ako'y wala na
kung inis ka na'y humihingi ako ng pasensya

hayaan mong tumula ako matapos magnilay
o kaya'y matapos kong sunugin ang aking kilay
baka kasi may mapulot ka sa tula kong tulay
patungong ibang daigdig na aking malalakbay

hayaan mong tumula ako, nais lang maghandog
ng katha sa sambayanan, lipunan, uri't irog
tila baga ako'y makatang kapara'y bubuyog
na laksang bulaklak, isyu't paksa ang pinupupog

- gregoriovbituinjr.
03.30.2024

* maraming salamat sa kasamang kumuha ng litrato

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan