Labintatlong pirasong pilak
LABINTATLONG PIRASONG PILAK
tatlumpung pirasong pilak ang natanggap ni Hudas
at hinagkan ang pinagtaksilan, ah, siya'y hangal
may labintatlong pirasong pilak naman ang aras
alay ng lalaki sa dilag sa kanilang kasal
alin nga ba ang malas: tatlumpu o labintatlo?
sa tatlumpung pirasong pilak, siya'y nagkanulô
sa labintatlong pirasong pilak, sambit pa'y "I Do"
tandang sa pagbibigkis nila, pag-ibig ay buô
noon, basta numero labintatlo ay malas na
ngayon, swerte pag inihandog sa iyong palanggâ
tatlumpu ba ang numero ng naghudas talaga
batay sa bilang ng pilak na paghalik pa'y sadyâ
paumanhin, napagkwentuhan nati'y matalisik
nang sa talasalitaan, aras ay nasaliksik
- gregoriovbituinjr.
02.25.2024
* aras - labintatlong pirasong pilak na inihahandog ng lalaki sa babae sa kanilang kasal; mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.72
* tugmaan - abab cdcd efef gg; ang may impit at walang impit, magkatulad man ang titik, ay hindi magkatugma
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento