Tanaw na ang kalupaan (Sa eroplano, Bidyo 8)

TANAW NA ANG KALUPAAN
(Sa eroplano, Bidyo 8)

mula roon sa himpapawid
ay pagkasabik yaong hatid
kalupaan na'y namamasid
malapit nang bumaba'y batid

walang ibong nakasalubong
walang agilang sumusuong
o lawing sa dagat lumusong
o kaya'y bahang nilulusong

tanaw ko na ang kalupaan
nang sa ere'y palutang-lutang
pag iyo namang pagmamasdan
ay tila baga mapa naman

paano ba kami bababa
nang may pag-iingat na lubha
dama sa pagmasid sa lupa
ay di naman nakalulula

kundi kasabikang umuwi
sa asawa't bahay na munti
na ang talagang minimithi
pag-ibig ay mapanatili

- gregoriovbituinjr.
06.03.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paglipad ng eroplano mula Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lnLAsc3bxe/

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot