Pagkatha

PAGKATHA

oo, katoto, patuloy akong susulat
ng anumang akdang nakapagsisiwalat
ng mga isyu ng masa upang magmulat
na sana balang araw ay maisaaklat

madalas magnilay, minsan lang magliwaliw
pagkatha'y adhikaing di ako bibitiw
na sa kinagiliwan ko'y di magmamaliw
kapara'y tinipong "Alikabok at Agiw"

tinatangka kong isang araw, isang tula
subalit madalas ay di ito magawa
minsan, pagkagising sa umaga'y tutula
habang ang mga alaga'y pinatutuka

kung tatanungin nila anong aking bisyo
ay malinaw sa kanila anong tugon ko:
tumunganga't nilay, magsulat sa kwaderno
di babae, alak, sugal, o sigarilyo

mamatamisin ko pang ang musa'y dalawin
o mga manggagawa't dukha'y bisitahin
mabatid ang mga isyung sumasalamin
sa lipunang kayraming api't hirap pa rin

- gregoriovbituinjr.
06.12.2023

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot