Si Mingming, anak ni Muning

SI MINGMING, ANAK NI MUNING

isa siya sa dalawang naunang anak
ni Muning, bukod sa anim pang bunsong anak
kaya nga walo na silang magkakapatid
na ilan ay di ko na makita, di batid

ang anim ay naging lima, ngayon na'y apat
ngunit sa tabi-tabi lang sila nagkalat
marahil 'yung iba'y may ibang natambayan
at doon nakahanap ng makakainan

ito namang si Mingming, may batik na itim
tambay lang sa tapat kahit gabing madilim
mas malaki na siya kaysa kanyang ina
isa sa bunso pa'y halos kamukha niya

maraming tula hinggil sa kanila'y pakay
at mailarawan din sila sa sanaysay
may litrato na, may bidyo pa, at may kwento
ano bang buhay nilang aking napagtanto

minsan, pag may ulam na isda't di naubos
pasalubong na ang ulo't balat ng bangus
buti't di nila kinakalmot ang tulad ko
baka gusto rin nilang haplusin sa ulo

- gregoriovbituinjr.
05.20.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kEprdW5U6g/

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot