Sa unang buwan ng mga kuting

SA UNANG BUWAN NG MGA KUTING

isinilang sila Abril Disi-Siyete
sa aming tirahan na sila nagsilaki
naglalaro, kumakain, at tumatae
sambuwan na ngayong Mayo Disi-Siyete

nilabas ko na sila sa aming tahanan
at pinatira muna doon sa bakuran
(oo, sa bakuran lang, di sa basurahan)
nang bahay ay di mangamoy at malinisan

pinagmamasdan ko sila sa paglalaro
nakadarama ng saya nang walang luho
bagamat sila naman ay nagkakasundo
maganda kung magkakapatid silang buo

nawala ang isa, at lima na lang sila
kinuha ng kapitbahay, di na nakita
gayunpaman, pag sila'y lumaki-laki pa
nawawalang kapatid ay makita sana

kaya sa unang buwan nilang mga kuting
maligayang isang buwan ang bati namin
isda man ang handa, ang tangi naming hiling
mga dagang mapanira'y inyong sagpangin

- gregoriovbituinjr.
05.17.2023

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot