Huwag magpaputok ng baril sa Bagong Taon
HUWAG MAGPAPUTOK NG BARIL SA BAGONG TAON
huwag pong magpaputok ng baril sa pagsalubong
sa Bagong Taon, samo sa mayayabang na maton
huwag pong kalabitin ang gatilyo ng gloc, magnum,
kwarenta'y singko, beretta, sumpak, paltik man iyon
magtorotot na lang, o tansan ay pakalansingin
sa ganito na lang ang paligid ay paingayin
maging ligtas, sarili't pamilya'y ingatan man din
huwag magpaputok upang kapwa mo'y pasayahin
kayrami nang nawalan ng buhay nang matamaan
ng balang ligaw, hiyaw ng pamilya'y katarungan
kung sino ka mang may baril, makonsensya ka naman
baril ay huwag iputok para lang masiyahan
nandyan ang batang sina Stephanie Nicole Ella,
Vhon Alexander Llagas at Rhanz Angelo Corpuz pa
tinamaan ng ligaw na bala, walang hustisya
sinumpak si Ranjelo Nimer, suspek ay huli na
ah, bakit nga ba katarungan ay sadyang kay-ilap
lalo't nabibiktima'y pawang mga mahihirap
huwag balewalain itong simpleng pakiusap
baka may matamaan ka't problema itong ganap
- gregoriovbituinjr.
12.29.2022
Mga pinaghalawan:
https://newsinfo.inquirer.net/333953/shooter-seeks-forgiveness-for-death-of-4-year-old-boy
https://www.ucanews.com/news/girl-killed-by-new-years-eve-stray-bullet/66998
https://www.philstar.com/headlines/2015/01/02/1408601/stray-bullet-kills-girl-another-fights-life
https://www.manilatimes.net/2014/01/01/news/top-stories/infant-killed-by-stray-bullet/64437
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento