Balantukan

BALANTUKAN

tadtad nga ba ng sugat kaming maralita
na sa anumang sikap ay walang mapala?
sa ilalim ng sistemang kasumpa-sumpa
sugat maghilom man ay balantukang sadya

saan na patutungo yaring mga hakbang
kung sa sistema'y ilan ang nakikinabang
lalong yumayaman ang tuso't magugulang
habang mga dukha sa pangarap ay lutang

paano pa mapaghihilom yaring sugat
kung pagdaloy ng dugo'y di maampat-ampat
walang tamis kundi anghang, pait, at alat
ang buhay na iwing danas ay di masukat

maaampat din ang pagsirit nitong dugo
kapag bulok na sistema'y maigugupo
balantukan man ay gagaling, maglalaho
kapag lipunang makatao'y naitayo

- gregoriovbituinjr.
12.23.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot