Manggagawa

MANGGAGAWA

manggagawang sagad na sa trabaho
subalit kaybaba naman ng sweldo
tila sa paggawa'y naaabuso
tila aliping inaagrabyado

bakit ba napagsasamantalahan?
ang mga obrerong tigib kaapihan
ng mga kapitalistang gahaman
dahil di magkaisa't nalamangan?

sa kapital ba'y may utang na loob
dahil nagkatrabaho kaya subsob
sa pabrika't sa init ay nasuob
wala nang pahinga't nasusubasob

ingat, manggagawa, magkapitbisig
upang may mapala't huwag magpalupig
ipakita yaong prinsipyo't tindig
lalo't daming pinakakaing bibig

pamilya at kapitalistang bundat
ang binubuhay habang binabarat
ang natatanggap na sweldong di sapat
ah, manggagawa'y dapat pang mamulat

- gregoriovbituinjr.
11.20.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot