Saan daw ako nagsusulat?

SAAN DAW AKO NAGSUSULAT?

tanong sa akin ng isang kapwa ko manunulat
"kaibigan, sa anong pahayagan ka nag-uulat,
tumutula, nagsasaysay, o kaya'y nagsusulat?"
tila sa kanyang tanong, ako'y bahagyang nagulat

pagkat tulad nila'y may dyaryong pinagsusulatan
nagmamalaking nagsusulat sa ganito't ganyan
kanilang akda'y pinababasa sa sambayanan
sinabui ko rin ang dyaryo kong pinaglilingkuran

ako'y nagsusulat sa Taliba ng Maralita
na opisyal na pahayagan ng samahang dukha
ang K.P.M.L. ay may dyaryong kanilang ginawa
dalawampung pahinang dyaryong kayrami ng akda

mga ulat ng samahan sa dinaluhang pulong
at nag-uulat ng tapat, di fake news o halibyong
ang pangulo ng samahan pa'y may sariling kolum
may balita't tula, isyu'y paano isusulong

salamat sa Taliba ng Maralita, may dyaryo
akong pinagsusulatan, sa kanila'y tugon ko
na sa mga akda ko'y naglalathalang totoo
na pag nawala pa ito'y ikaluluhang todo

- gregoriovbituinjr.
08.11.2022

* K.P.M.L. - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)    

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot