Ngiti

NGITI

tila ba iwing puso'y nasa alapaap
pagkat taal ang alindog ng nakita ko
diwatang aking yapos sa laksang pangarap
isang ngiti lang niya'y namutla na ako

di ko na nasuri ang kanyang mga ngipin
kundi ang hugis ng mapula niyang labi
tinangay ako sa di mawaring isipin
pagkat kahali-halina ng kanyang ngiti

tingni't anong ganda ng kanyang kabuuan
pagkatao niya'y bituing nagniningning
ako nga'y natulala sa kanyang kariktan
animo'y isang artista sa puting tabing

saan ako patungo, O, aking diwata
kundi sa iyo lamang, ang makita kita
anumang karamdaman ko'y agad huhupa
sa isang ngiti mo lang, ako'y gagaling na

- gregoriovbituinjr.
08.29.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot