Hugot

HUGOT

pag nais kunin ay huhugutin
ang litaw sa butas na malalim
hugot din pag mula sa damdamin
na sa diwa'y lalambi-lambitin

iniibig kita, aking mahal
ibig kita kaya minamahal
kahit na hirit mo'y pulos mahal
mahal bilhin, presyo'y anong mahal

kayraming hugot sa mga pader
na isinulat naman sa papel
di ko na kailangan ng google
nang makita ka, the search is over

dilim ka ba? noong dumating ka
wala na akong nakitang iba
kung ini-SMALL ka naman nila
aba'y inii-BIG naman kita

kung si pinsan, may asawang Pretty
at may Byutipul naman si Pare
isang katoto'y mayroong Honey
aba, ako nama'y may Liberty

kayraming hugot ng dusa't tuwa
dulot ay kilig o kaya'y luha
may pintig yaong sinasalita
minsan, sapul ang bawat patama

- gregoriovbituinjr.
08.11.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa nadaanan niyang sago't gulaman

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan