Kamagi
ang kamagi pala'y "kadenang ginto"
na sa palaisipan ko nahulo
ang sagot ay di ko agad natanto
at sa diksyunaryo din ay hinango
"mga suson ng ginto" pag sinuri
"malaking kwintas ng ginto" ng pari
kayrami ba nito kaya nagwagi?
yaong may Tallano gold daw na ari?
"kadenang ginto", ibig bang sabihin
mayaman ang nagkulong sa alipin?
ginto mang tanikala'y dapat putlin
upang kalayaan ay tamasahin
kadenang ginto'y gawing araro man
upang mundo sa kamagi'y mahubdan
mas itanghal natin ang kabutihan
niring pakikipagkapwa sa tanan
- gregoriovbituinjr.
07.14.2022
* mula sa Tanong 4 Pababa, ng Pinoy Henyo Krosword Puzzle, Blg. 18, puzzle 8;
* kamagi, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 561
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento