Ang paskil sa traysikel

ANG PASKIL SA TRAYSIKEL

"Huwag ka nang lumuha." Tila iyon ang mensahe
sa paskil sa traysikel na aking nasakyan dine.
"Hindi nakakamatay yung walang jowa," ang sabi
aba'y tama naman, ngunit kasunod ang matindi:

"Ang nakakamatay eh yung wala ka nang makain."
Sapul! Kaya huwag mong iluhang di ka ligawin
kaya wala ka pang syota o dyowang maaangkin
mag-ayos ka ng sarili't magkakaroon ka rin

huwag mong basta tanggaping ganyan kasi ang buhay
na kung wala kang dyowa'y maghihimutok kang tunay
paghusayin mo kung saan ka talaga mahusay
maging mabuti sa kapwa't kakamtin din ang pakay

wala mang nag-aalaga, kumakain ang maya
ngunit ingat, naghihintay ang pangil ng buwaya;
habang may buhay, may pag-asa, kumain ka na ba?
kung hindi pa, magsalo tayo sa aking meryenda

- gregoriovbituinjr.
06.14.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan