Sa tugmaan

SA TUGMAAN

dahil salita'y kapwa nagtatapos sa titik "o"
akala'y tugmâ ang salitang dugô at berdugo
ang isa'y walang impit, isa'y may impit sa dulo
dinggin mo't sadyang tugmâ ang berdugo at pangulo

ang kapitalista at manggagawà ay di tugmâ
kahit ang Duterte at butetè ay di rin tugmâ
una'y walang impit, ang ikalawa'y may impit nga
tingni, ang dambuhalà at manggagawà ay tugmâ

mag-ingat sa gamit ng may impit at walang impit
sa tula, baka punahin kita'y biglang maumid
pag nag-istrikto pa, salita'y lalagyan ng tuldik
nang masabing tugmâ ang mga salitang ginamit

magkatugmâ ang may impit pag dulo ay patinig
tugmâ naman ang walang impit pag nagpantig-pantig
sa sariling wika'y may panuntunan ang katinig
may katinig na malakas, may mahinang katinig

nagtugmâ ang katinig pag dulo'y nagtatapos sa
katinig na malakas na b, k, d, g, p, s, t
na di naman tugmâ sa salitang pag dulo'y nasa
katinig na mahinà na l, m, n, ng, r, w, y

sa Florante at Laura'y aralin mo ang tugmaan
pati sa Ibong Adarna at Sa Dakong Silangan
at kapansin-pansin sa pagtulâ ang panuntunan
ng tugmaang kahit makata'y dapat pag-aralan

- gregoriovbituinjr.
04.17.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot