Pagtula
di napuntahan ang toreng garing
upang magsanay maging magaling
ngunit napunta sa magigiting
na bayaning may mabuting supling
isinilang akong walang-wala
sa daigdig na puno ng sigwa
binigay ko ang lahat sa tula
dito ako dinala ng mutya
na kilalang Musa ng Panitik
na haraya'y tigib, liglig, siksik
na binungang diwa'y sadyang hitik
upang itula ang masa't hibik
patuloy ako sa paglalakbay
tinawid yaong bundok at tulay
at nilangoy ang laot ng malay
ay patuloy sa pagkatha't pakay
hanggang mailarawan sa akda
ang pinagsamantalahang dukha
at mga naaping manggagawa
dahilan sa sistemang kuhila
dahon ng kalikasa'y naluoy
di magawang pakuya-kuyakoy
paa ko'y lumubog sa kumunoy
subalit sa pagtula'y patuloy
- gregoriovbituinjr.
03.21.2022 World Poetry Day
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento