Tanging handog

TANGING HANDOG

regalo ko kay misis ay halamang hugis-puso
tanging handog sa iniibig ko ng buong-buo
"Hoya" raw ang tawag dito sa tanim ng pagsuyo
na ididilig ko'y pagsinta nang lalong lumago

pagmamahal ay nadarama sa tangi kong mutya
kaya nagtutulungan kami ng aking diwata
anumang sigwa o suliranin man ang magbadya
magsisikap na tunay upang kamtin ang adhika

Araw ng mga Puso'y anibersaryo ng kasal
sa civil wedding sa Tanay, alaalang dumatal
pang-apat na anibersaryo, ganyan na katagal
kaya tanim na hugis-puso ang handog sa mahal

Maligayang Araw ng mga Puso, aking sinta
at magkasama nating nilulutas ang problema
at sa anibersaryo ng ating kasal, O, sinta
tanging masasabi'y magpatuloy tayo tuwina

upang hubugin ang asam nating kinabukasan
upang pagsinta'y manatili sa kasalukuyan
upang hinaharap ay atin ding mapaglaanan
upang magiging anak at apo'y mapaghandaan

- gregoriovbituinjr.
02.14.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot