Labada

LABADA

nang makapananghali'y naglaba
nitong damit ng aking asawa
sa akin, wala namang problema
kung labada man ay sangkaterba

suot ni misis ang mga iyon
ng ilang araw hanggang kahapon
ako'y kuskos dito, kuskos doon
sinabay na damit ko't pantalon

hanggang nilabhan ko'y binanlawan
bago isampay ay pinigaan
aking hinanger ang karamihan
ang iba'y inipit sa sampayan

ganyan kami, tulungan sa bahay
ako'y maglalaba't magsasampay
sa pagkukusot, may naninilay
akin palang diwa'y naglalakbay

kung saan-saan nakakarating
tila baga ako'y nahihimbing
kaya maglaba'y kaysarap gawin
pagkat may tula nang kakathain

- gregoriovbituinjr.
02.17.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot