Klima at maralita
KLIMA AT MARALITA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sa Artikulo II, Pahayag ng mga Prinsipyo, Seksyon 7, ng Saligang Batas ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay ganito ang nakasulat: "Kinikilala ng KPML ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran dahil walang saysay anuman ang mga pagsisikap sa kaunlaran kung patuloy na winawasak ng tao at ng sistema ang likas na yaman at kalikasan."
Kaya mahalaga para sa mga lider at kasapian ng KPML ang isyu ng kalikasan (nature) at kapaligiran (environment) dahil dito tayo nabubuhay. Sapagkat dalawa lamang ang pinanggagalingan ng kabuhayan ng tao, ang Kalikasan at ang Paggawa.
Ibig sabihin, ang materyal na galing sa kalikasan at ang paggawang galing sa tao ang bumubuo sa lahat ng kalakal sa daigdig. Sa pangkalahatan, ang una ay libre at walang halaga sa pera. Ang ikalawa ay may bayad at ito ang nagbibigay ng halaga sa mga kalakal.
Ang isda na galing sa dagat ay libre. Ang binayaran ay ang lakas-paggawa ng mangingisda. Ang tubig ay libre subalit may bayad na pag nilagay sa boteng plastik.
Sa usaping basura, nagkalat ang plastik na di nabubulok at upos ng yosi na nagkalat sa lansangan at naglutangan sa dagat. Dapat ikampanya ang zero waste lifestyle kung saan wala nang ginagamit na plastik o anumang bagay na matapos gamitin ay ibinabasura na tulad ng styrofoam at single used plastics.
Sa usaping klima, naranasan ng maralita ang Ondoy kung saan bumagsak ang ulan ng isang buwan sa loob lang ng anim na oras. Mas matindi ang bagyong Yolanda at Ulysses na nagwasak ng maraming bahay at buhay.
Nagbabago na ang klima, at sa mga pandaigdigang usapan, hindi na dapat umabot pa sa 1.5 degri ang pag-iinit ng mundo dulot ng pagsusunog ng fossil fuel, coal plants, at iba pa, na ayon sa mga siyentipiko, kung titindi pa ito sa 2030, aabot tayo sa "point of no return" kung saan mas titindi ang pag-iinit ng mundo na magdudulot ng pagkatunaw ng yelo sa Antarctica, pagtaas ng tubig, paglubog ng maraming isla, at sa paglikas ng maraming tao ay magbabago ang kanilang buhay. Paano na ang mga maralita sa mabababang lugar tulad ng Malabon at Navotas? Hanggang ngayon, hindi pa nakukumpletong magawa ang planong pabahay para sa mga nawalan ng bahay dulot ng Yolanda sa Samar at Leyte.
Kaya sa usaping kapaligiran at kalikasan, lalo na sa isyu ng klima, ay dapat kumilos ang maralita, na siyang pinaka-bulnerableng sektor sa lipunan. Kailangang kumilos para sa kinabukasan ng tao, ng kanilang mga anak at apo, at ng mga susunod na henerasyon. Ito ang esensya kung bakit noon pa man ay inilagay na ng KPML sa kanilang Saligang Batas ang tungkuling pangangalaga ng kalikasan at kapaligiran.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento