Wala sa sarili

WALA SA SARILI

sabi nila, wala na naman ako sa sarili
diwa'y kung saan-saan lumilipad, nagmumuni
ngiti ng ngiti kahit wala namang sinasabi
tila umiindak ang diwata sa guniguni

naglalakad sa kalsadang mayroong kinakatha
tumatawid sa kalyeng may pinipinta sa diwa
buti't di nahahagip ng sasakyan ang tulala
habang binabalangkas sa isip ang itutula

mag-ingat ka, makatang nais maging nobelista
maging alisto sa paglalakad mo sa kalsada
baka mabulilyaso ang iyong unang nobela
pag nabangga ka ng awto't tuluyang nadisgrasya

dapat may presence of mind, sa boyskawt nga'y wika noon
diwa'y huwag mong paglakbayin sa ibang panahon
harapin natin ang anumang nagaganap ngayon
upang sa anumang kaharapin ay makaahon

- gregoriovbituinjr.
01.21.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot