Second dose



SECOND DOSE

higit apat na buwan din bago ang ikalawa
kong bakuna o second dose nitong AztraZeneca
buti na lang, ako'y muling nakapagpabakuna
na pag di fully vaccinated, kayraming aberya

na pag di raw bakunado, di makapaglalakbay
na sa sasakyang pampubliko'y di makasasakay
na sa mga mall ay di ka papapasuking tunay
na pag di fully vaccinated, diyan lang sa bahay

una'y Agosto Bente Sais, sa Pasig nakamit
sunod sana'y Oktubre ngunit ako'y nasa Benguet
ngayong Enero Katorse, second dose ay hinirit
lumakas na ba ako't naging fully vaccinated?

sa sakit na COVID, maganda raw itong panlaban
bukod sa facemask, ito'y upang di magkahawaan
na noong una'y di ko basta pinaniwalaan
datapwat sumunod pa rin ako sa patakaran

maraming salamat, Pasig, ako na'y bakunado
ayoko man sa una, ngunit kailangan ito
sa panahon ng pandemya't mundong sibilisado
upang magamit ang karapatan, di maperwisyo

- gregoriovbituinjr.
01.14.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot