Enero 22, 1987 sa Mendiola

ENERO 22, 1987 SA MENDIOLA

Magbubukid na may isyung dala'y nagtungong Mendiola
Gobyernong pasista nama'y nagpasalubong ng bala
At naganap ang pagkalugmok ng mga magsasaka
Bumulagta'y labingtatlo, sugata'y limampu't isa
Ang panawagan ng magsasaka'y repormang agraryo
Yamang katatapos ng Edsa't mayroong pagbabago
Ang hiling nga'y dapat tugunan ng gobyernong Aquino
Ngunit nagrali'y binira ng mga unipormado
Isyung dugtong ng bituka ang dala ng magbubukid
Ngunit nagkibit-balikat lamang ang gobyernong manhid
Gayong isyung ito'y mahalaga sa mga kapatid
Magsasaka pa ang sa sariling dugo ibinulid
Ang kanilang panawagan ay binahiran ng dugo
Ginulantang sila't labingtatlong buhay ang naglaho
Samantalang sa bukid, tanim nilang palay ay ginto
At siyang bumubuhay sa mayoryang tao sa mundo
Sana isyung dinala nila'y mapag-usapan naman
At mabigyang katugunan at matupad kalaunan
Katarungan nawa'y kamtin ng magsasakang pinaslang
At mausig at mapanagot ang mga pusong halang

- gregoriovbituinjr.
01.22.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan