Yero

YERO

habang nagninilay ay biglang umihip ang hangin
anong lakas, isang yero ang patungo sa akin
agad akong kumilos at baka ako'y abutin
buti't nakailag kundi sugat ang tatamuhin

maaliwalas naman ang langit, wala ring bagyo
subalit bakit sa akin ay may patungong yero
nanggaling iyon sa labas, yero kaya'y kanino
may badya bang delubyo, aba'y muntikan na ako

ako'y nahiga sa papag, sa langit tumingala
bughaw ang panginorin at puno ng talinghaga
katatapos lang ng pulong ng mga maralita
nang umihip ng malakas, akala ko'y may sigwa

buti't di sumugat sa akin ang yerong matalas
ano kayang pahiwatig ng ganitong namalas
ito kaya'y banta o paalaala sa bukas
na dapat mag-ingat lalo't hangin ay lumalakas

- gregoriovbituinjr.
12.08.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot