Minimum na pamasahe


MINIMUM NA PAMASAHE

Disyembre 11, 2021, Sabado, nalitratuhan ko ang paskil ng pamasahe sa dalawang magkaibang dyip. Umaga, pagsakay ng biyaheng San Andres-Faura, P9 ang minimum na pamasahe. Wala ang kasama nang pinuntahan dahil nasunugan. Umalis daw. Kaya nagtungo na lang sa Solidaridad Bookshop sa Faura, bumili ng inaabangang aklat, ang Balatik, bago nagtungo ng opis sa Pasig. Gabi, pagsakay ng dyip na biyaheng Pasig palengke - Crossing, P10 na ang minimum na pamasahe.

Magkaibang minimum na pamasahe sa dyip
Piso mang diperensya sa bulsa'y halukipkip
Sa biyaheng samutsari'y aking nalilirip
Nakunan ng litrato ang sa mata'y nahagip

Mahal na pamasahe'y tila nakabibigti
Lalo't butas na ang bulsa'y di pa mapakali
Buti kung sa swelduhang trabaho'y laging busy
Pa'no kung walang sweldo, kulang ang pamasahe

Heto, kumikilos pa rin kahit walang sahod
Aba'y maglakad na lang kahit saan umabot
Hanggang marating ang lugar at makapaglingkod
Sa kapwa maralitang ang buhay ay hilahod

Pamasahe'y tumaas, pati presyo ng bigas
Dapat may pambigas, di lang pag-ibig na wagas
Habang pinapangarap ang lipunang parehas
Sa pakikibakang ito'y di tayo aatras

- gregoriovbituinjr.
12.12.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?