Kulob

KULOB

bakit kailangan ko laging umalis ng bahay
aba'y kulob na't mainit, di makahingang tunay
sa kalunsuran, tila katawan ko'y di na sanay
sa kulob na tahanan ay sadyang di mapalagay

kaya madalas ay doon na lang ako sa opis
papasok, magtrabaho sa kompyuter, maglilinis
may tanim, mahangin, malawak, bola ma'y ihagis
mag-ingat lang, may lumilipad na yerong manipis

nais kong makapagsulat sa loob ng tahanan
habang nagninilay ng mga isyu sa lipunan
subalit kung kulob ay apektado ang isipan
ang wastong kataga'y di maapuhap sa kawalan

may bentilador man, sakit sa ulo'y di wariin
lalabas at lalabas ng bahay kahit lambingin
kaya abang kanlungan ay malimit kong lisanin
nang makasagap bahagya man ng sariwang hangin

- gregoriovbituinjr.
12.30.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?