Anibersaryo



ANIBERSARYO

kaunti lang kami sa tanggapan ng mga dukha
nang anibersaryo'y ipinagdiwang ng dalita
iba'y sa zoom online nagbigay ng pananalita
maraming di nakadalo nang tamaan ng sigwa

bagamat kaunti ang nagsama-samang nagdiwang
subalit diwa nito sa bawat isa'y may puwang
habang patuloy sa nasang makataong lipunan
upang bawat isa sa lipunan ay makinabang

sa kakaunting handa bawat isa'y salu-salo
nag-awitan, nagtugtugan, nagsayawan, nagkwento
nagpahayag ang mga lider ng dukha't obrero
pinataas ang moral, pinalapot ang prinsipyo

taas-kamaong pagbati sa lahat ng kasama
habang nagpapatuloy ang ating pakikibaka
para sa pangarap na mapagpalayang sistema
kung saan umiiral ang panlipunang hustisya

- gregoriovbituinjr.
12.29.2021

* Ang litrato'y kuha noong Disyembre 18, 2021 sa ika-35 anibersaryo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa tanggapan nito sa Lungsod ng Pasig

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?