Paghahanap sa pangalan ng bagyo

ANG PAGHAHANAP SA PANGALAN NG BAGYONG NAGPABAGSAK NOON SA MGA POSTE NG KURYENTE SA ALABANG
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Higit isang oras ko nang natapos ang tula kong pinamagatang "Bantang Pag-ulan" nang naisip ko itong rebisahin dahil sa isang taludtod na mukhang mali ang datos. Wala, naisip ko lang sulatin ang tulang iyon. Nailagay ko na sa pesbuk at blog, subalit kailangan talagang baguhin.

Doon kasi sa ikatlong taludtod ng ikaapat na saknong ng aking tula ay nakasulat ang bagyong "Milenyo'y manalasa" at kasunod noon ay "higit sanlinggo kaming walang trabaho talaga". Mukhang hindi akma ang ikatlo't ikaapat na taludtod ng pang-apat na saknong.

"mga poste'y bagsakan nang Milenyo'y manalasa
higit sanlinggo kaming walang trabaho talaga"

Kung "Milenyo", as in millenium, wala na ako sa trabaho ko dati nang mag-milenyo o taon 2000, panahon ni Erap, ang millenium president. Kaya naisip ko, mali yata ang inilagay kong pangalan ng bagyo, nang higit isang linggo kaming nawalan ng trabaho. Kaya nagsaliksik ako kung ano talaga ang pangalan ng bagyo. Nagbagsakan kasi noon ang mga poste ng kuryente dahil sa bagyo, na parang Siling, Biling, Duling, basta may ling, dahil sa salitang darling.

Nagtrabaho ako noon bilang regular machine operator sa edad na 20 sa Precision Engineered Components Corporation (PECCO) sa Alabang, Muntinlupa. Nagtagal ako roon ng tatlong taon, mula Pebrero 1989 hanggang magpasya akong mag-resign noong Pebrero 1992 upang makapag-aral muli. Tutal, bata pa naman ako. Nakuha ako sa trabaho ko bilang machine operator matapos ang anim-na-buwan bilang iskolar ng elektroniks sa Hanamaki-shi, Iwate-ken, sa bansang Japan, mula Hulyo 1988 hanggang Enero 1989.

Natatandaan ko, nilakad ko noon mula Sukat hanggang Alabang nang magbagsakan ang mga poste ng kuryente sa kahabaan ng isang bahagi ng South Superhighway. Ang pabrika namin ay hindi makikita sa labas, kundi dadaan muna kami sa gate ng pabrikang Kawasaki bago makarating sa gate ng PECCO. Humigit kumulang tatlong kilometro rin ang nilakad ko mula sa babaan ng dyip biyaheng Pasay-Rotonda sa Sukat SLEX tungong PECCO. Umuuwi pa ako noon sa Sampaloc, Maynila.

Hinanap ko sa internet ang pangalan ng bagyong nagpabagsak sa maraming poste ng ilaw kaya nawalan kami ng higit isang linggong trabaho upang mas maitama ko naman ang pangalan ng bagyo sa aking tula. Tiyak, hindi Milenyo ang pangalan niyon, na nauna kong naisulat. Baka may magsuri ng aking tula, at ng pangalan ng bagyo, hindi magtugma. Nakakahiya.

Sa talaan ng mga bagyo noong 1990, iisa ang mabigat na pangalan, ang bagyong Ruping noong 1990. Bagamat ang Bising ay tumama sa bansa noong Hunyo 1990 ngunit malayo sa Alabang. 

Halos kalilipat ko lang ng bahay sa Alabang, at nagustuhan ko ang inupahan kong kwarto malapit sa ilog, bandang kalagitnaan o ikatlong bahagi ng 1990. Dahil Enero 1, 1991 ay ika-25 anibersaryo ng kasal ng aking ama't ina. Kaya kung Nobyembre 1990 si Ruping, tiyak hindi ako titira sa malapit sa ilog dahil tiyak apaw iyon.

Ang bagyong Diding naman ay naganap matapos ang pagsabog ng Mount Pinatubo noong Hunyo 1991. Ito ang dahilan upang umalis ako sa tirahan ko sa tabing ilog sa Alabang dahil umapaw ang ilog at nabasa ang aking mga kagamitan. Hindi iyon ang nagpabagsak ng mga poste mula Sukat hanggang Alabang, dahil hindi na nga ako nanggagaling sa Sukat pag papasok sa trabaho kundi sa Alabang na.

Ang bagyong Uring naman ay tumama sa rehiyon ng Bisaya noong Nobyembre 1991 kaya hindi iyon. Pebrero 1992 ay nag-resign na ako sa trabaho. Kaya alin sa mga bagyong iyon ang nagpabagsak sa mga poste ng kuryente mula Sukat hanggang Alabang? Hanggang maisipan kong may 1989 pa nga pala.

Hanggang sa mabasa ko ang hinggil sa bagyong Saling. Ayon sa ulat, "In the Philippines, typhoon Saling left hundreds of thousands homeless and killed 58 people. Power outages were extensive in the Manila region." Iyon na, ang bagyong Saling noong Oktubre 12, 1989 ang nagpabagsak sa mga poste ng kuryente. Kaya naglakad ako mula Sukat hanggang sa aming pabrika noon. Wala pang cellphone noon. Maraming salamat at siya'y aking natagpuan. Napakahalaga talagang makita siya upang magtama ang datos sa tula. Dalawang taludtod na dapat magtugma.

"mga poste'y bagsakan nang Saling ay manalasa
higit sanlinggo kaming walang trabaho't natengga"

Kaya nabuo ko na ang tamang pangalan ng bagyo sa aking tula sa ikaapat na saknong. Narito ang kabuuan ng aking tula:

BANTANG PAG-ULAN

nagdidilim muli ang langit, may bantang pag-ulan
agad naming tinanggal ang mga nasa sampayan
hinanda ang malalaking baldeng pagsasahuran
ng tubig sa alulod, pambuhos sa palikuran

maririnig muli ang malalakas na tikatik
sa mga yero habang nagmumuning walang imik
sana dumating ay di naman bagyong anong bagsik
na sa lansangan magpaanod ng basura't plastik

kayrami kong danas sa bagyong nakakatulala
konting baha sa amin, EspaƱa'y baha nang sadya
lubog ang Maynilad, tabing City Hall ng Maynila
lestospirosis nga'y batid na noong ako'y bata

naranasan ang Ondoy, nakita ang na-Yolanda
na pawang matitinding bagyong sadyang nanalanta
mga poste'y bagsakan nang Saling ay manalasa
higit sanlinggo kaming walang trabaho't natengga

nagbabanta muli ang ulan, kaydilim ng langit
habang kaninang tanghali lang ay napakainit
nagbabago na ang klima, climate change na'y humirit
dapat paghandaan ang kalikasang nagngingitngit

- gregoriovbituinjr.
10.17.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan