Covid, Climate Change, at Panawagan ng WHO

COVID-19 AT CLIMATE CHANGE, ANO NGA BA ANG KANILANG KAUGNAYAN?
Saliksik, sanaysay, at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nito lang Oktubre 11, 2021, naglabas ng press release sa kanilang website ang World Health Organization (WHO) hinggil sa kanilang sampung panawagan ng aksyon sa klima upang matiyak ang paggaling sa COVID-19. Pinamagatan ang press release na "WHO's 10 calls for climate action to assure sustained recovery from COVID-19," habang karugtong naman nito o sub-title ay "Global health workforce urges action to avert health catastrophe."

Dito'y masasabi nating may kaugnayan, direkta man o hindi, ang COVID-19 sa krisis sa klima o climate crisis. Ngunit paano nga ba ang kaugnayan ng mga ito?

Ayon pa sa pahayag ng WHO: "Dapat magtakda ang mga bansa ng mga ambisyosong pambansang pagtataya sa klima kung nais nilang panatilihin ang isang malusog at luntiang paggaling mula sa pandemya ng COVID-19." [aking pagsasalin]

Sa araw ding iyon ay inilunsad ng WHO ang COP26 Special Report on Climate Change and Health habang patungo sa Conference of Parties 26 (COP26) ng United Nations Climate Change Conference na gaganapin sa Glasgow, Scotland. Kumbaga'y nagbibigay sila ng reseta para sa pandaigdigang kalusugan sa mga komunidad para sa aksyon sa klima batay sa dumaraming pananaliksik hinggil sa kaugnayan ng klima at kalusugan.

Ayon kay Dr Tedros Adhanom Ghebreyesus, Director-General ng WHO: “The COVID-19 pandemic has shone a light on the intimate and delicate links between humans, animals and our environment. The same unsustainable choices that are killing our planet are killing people. WHO calls on all countries to commit to decisive action at COP26 to limit global warming to 1.5°C – not just because it’s the right thing to do, but because it’s in our own interests. WHO’s new report highlights 10 priorities for safeguarding the health of people and the planet that sustains us.”

Ang ulat ng WHO ay inilunsad din bilang bukas na liham, na nilagdaan ng higit sa dalawang katlo ng lakas-pangkalusugan sa buong mundo - 300 na mga organisasyong kumakatawan sa hindi bababa sa 45 milyong mga doktor at mga propesyonal sa kalusugan sa buong mundo, na nanawagan para sa mga pambansang pinuno at mga delegasyon ng mga bansa sa COP26 na tuluyang magsagawa ng mga aksyon sa klima.

Ayon pa sa ulat ng WHO: "Ang pagkasunog ng mga fossil fuel ang pumapatay sa atin. Ang climate change ang nag-iisang pinakamalaking banta sa kalusugan na kinakaharap ng sangkatauhan. Habang walang sinuman ang ligtas sa mga epekto sa kalusugan ng nagbabagong klima, nadarama rin itong di patas ng mga pinakamahihina at mahihirap."

Naipaliwanag din ang kaugnayan ng klima at COVID-19 sa blog ng IMF (International Monetary Fund). Ayon sa kanilang blog, "Una, tingnan natin ang ilan sa mga pagkakatulad ng COVID-19 at climate hange. Ang ugali ng tao ay sentral sa parehong krisis. Ang parehong krisis ay pandaigdigan at kapwa nakakasira ng kabuhayan, at kapwa matindi ang epekto sa mga mahihirap at lalong pinalalalim ang umiiral na hindi pagkakapantay. Dahil sa pandemya, maraming nawalan ng trabaho, na mag-iiwan ng pangmatagalang epekto sa ekonomya. Habang inaasahang magdudulot ng matinding pinsala sa ekonomya ang climate change, na matindi ang epekto sa mga mahihirap at maaaring paglitaw ng matinding migrasyon.

Ang parehong krisis ay nangangailangan ng mga pandaigdigang solusyon. Ang krisis sa COVID-19 ay hindi malulutas hanggang makontrol ng lahat ng bansa ang pandemya sa pamamagitan ng malawakang pagbabakuna, at ang krisis sa klima ay hindi malulutas hanggang ang lahat ng nagbubuga ng usok ay umaksyon, na magdadala ng mga global na emisyon sa net zero.

Kahit ang Harvard University School of Public Health, ay nauna nang pinag-aralan ang usaping ito, kung saan may labing-isang tanong na sinagot si Dr. Aaron Bernstein, Direktor ng Harvard Chan C-Change. Ilan sa mga tanong ay ito: Does climate change affect the transmission of coronavirus? Does air pollution increase the risk of getting coronavirus? Does it make symptoms worse? Will warmer weather slow the spread of coronavirus? Can you identify the communities most at-risk, and how and why both COVID-19 and climate change harms them? Why is it so important for health officials to talk about climate change now? Climate change and global health policy are largely treated as separate issues by the public and media. Do we need to adjust our thinking? COVID-19 is killing people now and climate change is killing people now. The scale of actions to combat them are different. Why? Is climate change too expensive to fix.

Ilan sa isinagot ni Dr. Bernstein ay ito: Wala pang direktang ebidensyang nag-uugnay na may malaking kinalaman ang klima sa mga naapektuhan ng COVID-19, ngunit batid nating binabago ng klima ang pakikipag-ugnayan natin sa iba pang espisye sa mundo at malaking bagay iyon sa ating kalusugan. Huwag nating isipin na ang mainit na panahon ang makapipigil sa COVID-19, kundi sumunod pa rin sa mga protokol na sinabi ng mga eksperto sa kalusugan - tulad ng mag-social distancing at maayos na paglilinis ng kamay.

Malawak ang mga tanong-sagot na iyon, na mas magandang basahin ng buo sa kawing o link na nakalagay sa ibaba.

Gayunpaman, dahil sa inilabas na ulat ng WHO, nararapat lang nating isiping malaki talaga ang kaugnayan ng climate change at COVID-19. Kaya magandang pagnilayan natin ang sampung panawagan ng World Health Organization batay sa kanilang ipinahayag.

1. Tumaya sa isang malusog na paggaling. Pagtaya sa isang malusog, luntian at makatarungang paggaling mula sa COVID-19. (Commit to a healthy recovery. Commit to a healthy, green and just recovery from COVID-19.)

2. Hindi pinakikipagtawaran ang ating kalusugan. Ilagay ang kalusugan at hustisyang panlipunan sa puso ng usapang klima sa UN. (Our health is not negotiable. Place health and social justice at the heart of the UN climate talks.)

3. Gamitin ang mga benepisyo sa kalusugan ng pagkilos sa klima. Unahing mamagitan sa klima nang may pinakamalaking nakamit sa kalusugan, panlipunan at pang-ekonomiya.(Harness the health benefits of climate action. Prioritize those climate interventions with the largest health-, social- and economic gains.)

4. Bumuo ng resilyensa sa kalusugan sa mga panganib sa klima. Bumuo ng mga pasilidad at sistemang pangkalusugan na matatag sa klima at sustenable sa kapaligiran, at sumusuporta sa pag-akma sa kalusugan at resilyensa ng lahat ng sektor. (Build health resilience to climate risks. Build climate resilient and environmentally sustainable health systems and facilities, and support health adaptation and resilience across sectors.)

5. Lumikha ng mga sistemang pang-enerhiyang nagpoprotekta at nagpapabuti sa klima at kalusugan. Gabayan ang isang makatarungan at napapaloob na transisyon patungo sa nababagong enerhiya upang makasagip ng buhay mula sa polusyon sa hangin, lalo na mula sa pagkasunog ng karbon. Wakasan ang paghihirap sa enerhiya sa mga sambahayan at pasilidad pangkalusugan. (Create energy systems that protect and improve climate and health. Guide a just and inclusive transition to renewable energy to save lives from air pollution, particularly from coal combustion. End energy poverty in households and health care facilities.)

6. Muling isipin ang mga kapaligiran sa lungsod, transportasyon at kadaliang kumilos. Itaguyod ang sustenable, malusog na disenyo ng lungsod at sistema ng transportasyon, na may pinabuting paggamit ng lupa, pag-akses sa luntian at bughaw na espasyong pangmasa, at prayoridad para sa paglalakad, pagbibisikleta at pampublikong transportasyon.
(Reimagine urban environments, transport and mobility. Promote sustainable, healthy urban design and transport systems, with improved land-use, access to green and blue public space, and priority for walking, cycling and public transport.)

7. Protektahan at ibalik ang kalikasan bilang pundasyon ng ating kalusugan. Protektahan at ibalik ang mga likas na sistema, ang mga pundasyon para sa malusog na buhay, sustenableng sistema sa pagkain at pangkabuhayan. (Protect and restore nature as the foundation of our health. Protect and restore natural systems, the foundations for healthy lives, sustainable food systems and livelihoods.)

8. Itaguyod ang malusog, sustenable at resilyenteng sistema ng pagkain. Itaguyod ang sustenable at resilyenteng produksyon ng pagkain at mas abot-kaya, masustansyang pagdidiyetang naghahatid sa parehong resulta ng klima at kalusugan. (Promote healthy, sustainable and resilient food systems. Promote sustainable and resilient food production and more affordable, nutritious diets that deliver on both climate and health outcomes.)

9. Pondohan ang isang mas malusog, mas patas at mas luntiang kinabukasan upang makapagsagip ng buhay. Transisyon patungo sa isang mabuting ekonomya. (Finance a healthier, fairer and greener future to save lives. Transition towards a wellbeing economy.)

10. Makinig sa komunidad pangkalusugan at magreseta ng kagyat na aksyon sa klima. Pakilusin at suportahan ang komunidad pangkalusugan sa aksyong pangklima. (Listen to the health community and prescribe urgent climate action. Mobilize and support the health community on climate action.)

Bilang pagninilay sa mga nasabing ulat, binuod ko sa dalawang tula ang sa palagay ko'y pagkanamnam sa aking mga nabasa.

Tula 1
ANG COVID-19 AT ANG KRISIS SA KLIMA

may direktang kaugnayan nga ba ang klima't covid
dahil pareho silang krisis ng buong daigdig
na dapat masagot upang solusyon ay mabatid
upang sa pagtugon, buong mundo'y magkapitbisig

ako nga't nagsaliksik sa kanilang kaugnayan
upang mga nabasa'y maibahagi rin naman
sa kapwa, sa kasama, sa bayan, sa daigdigan
upang magtulungan sa paghanap ng kalutasan

kayrami nang namatay sa covid na nanalasa
kayraming namatay sa unos, tulad ng Yolanda
animo'y kambal na krisis na pandaigdigan na
inaaral pa ang kaugnayan ng bawat isa

ako'y nagka-covid, ako'y nasalanta ng Ondoy
mula sa sariling dinanas ang aking panaghoy
dalawang isyung kaybigat, di duyang inuugoy
inalagaan mong tanim ay tuluyang naluoy

Tula 2
SAMPUNG REKOMENDASYON NG WHO

may sampung panawagan ang World Health Organization
hinggil sa klima't kalusugan ng maraming nasyon
halina't namnamin ang panawagan nila't hamon
kung sa klima't covid, mayroon na silang solusyon

ah, nababahala na rin ang WHO, mga kapatid
sa anumang kaugnayan ng climate change at covid
hinandang WHO Report sa sunod na COP ay pabatid
ito'y bukas na liham ring sa buong mundo'y hatid

ang sampung rekomendasyon nila'y isa-isahin
dapat tumaya sa isang malusog na paggaling
lumikha ng sistemang magpoprotekta sa atin
upang mapabuti ang klima't kalusugan natin

hindi pinakikipagtawaran ang kalusugan
ito, pati asam na katarungang panlipunan
ay dapat puso ng isyung klima sa daigdigan
pati pagbuo ng resilyensa ng sambayanan

ang sustenable, malusog na disenyo ng lungsod
at ang sistema ng transportasyon ay itaguyod
pinabuting paggamit ng lupa ay paglilingkod
may espasyong pampublikong ang masa'y malulugod

protektahan natin at ibalik ang kalikasan
bilang talagang pundasyon ng ating kalusugan,
malusog na buhay, pagkain, at pangkabuhayan
patas at luntiang kinabukasan ay pondohan

sa mga eksperto sa kalusugan ay makinig
at sa agarang aksyong pangklima'y magkapitbisig
para sa klima't kalusugan, tayo'y magsitindig 
sa kinabukasan ay may nagkakaisang tinig

Mga pinaghalawan:
https://www.who.int/news/item/11-10-2021-who-s-10-calls-for-climate-action-to-assure-sustained-recovery-from-covid-19
https://www.climatechangenews.com/2021/10/12/un-isolation-fund-launched-support-cop26-delegates-contract-covid-19/
https://blogs.imf.org/2021/07/09/what-covid-19-can-teach-us-about-mitigating-climate-change/
https://www.hsph.harvard.edu/c-change/subtopics/coronavirus-and-climate-change/
https://www.news-medical.net/amp/health/Climate-Change-and-COVID-19.aspx

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?