Basura sa sukal
sa bandang ibaba, katabing gubat na masukal
may kalbong bahagi roong animo'y may nagbungkal
mga plastik na basura pala'y doon nagkural
na baka pamahayan ng insekto pag nagtagal
kitang-kita ang paglitaw lalo pa't walang tanim
dahil basura, lupa'y lason na ang masisimsim
dahil masukal, ang pagpunta'y baka di maatim
baka masalubong pa'y ahas, magdulot ng lagim
paano nangyaring plastik na basura'y naroon
dahil ba gubat na masukal, doon na natipon?
yaong basura mula sa bahay-bahay sa nayon
kagagawan ba ng tao bakit doon nagtapon?
sinong maglilinis niyon? yaon bang nakakita?
ang may malasakit ba sa kalikasan tuwina?
sinong kikilos at magtatanggal ng basura?
hindi ang matapos kunan ng litrato'y wala na
bago pa tayo magkasakit, basura'y tanggalin
bago pamahayan ng insekto, ito'y linisin
sino pa bang magtutulungan kundi tayo na rin
kung paano ang gagawin, ito'y ating planuhin
- gregoriovbituinjr.
10.16.2021
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento