Aninag

ANINAG

manunulat na teknikal, gusto sa maliwanag
upang magawa ang trabaho't sila'y mapanatag
subalit akong makata'y sapat na ang aninag
upang makasulat ng tula't makapagpahayag

gawain ng makata'y di maunawa ng iba
bakit kung saan maliwanag, ako'y lalayo pa
marahil kung akdang teknikal ang gagawin ko pa
doon sa maliwanag magtatrabahong talaga

bakit sa makata iyang aninag lang ay sapat
at kung saan maliwanag ay di doon lumipat
sa katalamitam na musa'y doon masusukat
kung saan naroon ang musa'y doon nagsusulat

inaagaw ng liwanag ang nasa guniguni
di tuloy makasulat ang makata ng mensahe
di tuloy maisulat ng makata ang diskarte
di tulad sa aninag, haraya'y hehele-hele

makata'y uupo kung saan naman nakatayo
ang musa ng panitik na sa ilang ay katagpo
at kung ang liwanag ang sa musa'y magpapalayo
makata'y di na makasulat pag musa'y naglaho

- gregoriovbituinjr.
10.14.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot